MATALAS NA INASINTA ng mga palaso ng De La Salle University (DLSU) Lady Archers ang hukbo ng University of the East (UE) Lady Red Warriors, 74–46, upang salubungin ang ikalawang yugto ng University Athletic Association of the Philippines Season 87 Women’s Basketball Tournament sa Smart Araneta Coliseum, Oktubre 12.
Umukit ng pagkakakilanlan si DLSU Team Captain Bernice Paraiso bilang Player of the Game matapos maglathala ng 13 puntos, sampung rebound, at apat na steal. Lumilok naman ng 15 puntos si Mendoza para sa puwersa ng Berde at Puti. Samantala, minandohan ni Lady Warrior Moana Vacalares ang hukbo ng silangan nang sumalpak ng 12 puntos, isang rebound, at apat na steal.
Agad na pumabor ang ihip ng hangin sa Berde at Puting koponan sa pamumuno ni Lady Archer Lee Sario na nagpakawala ng dalawang tantiyadong free throw, 4–3. Walang pag-aatubiling pinaigting ni Luisa San Juan ang kalamangan ng Taft mainstays nang tumira ng dalawang three-pointer, 9–3. Bumida rin si Kyla Sunga ng dalawang magkasunod na puntos mula sa loob ng paint, 22–10. Humabol pa si Lady Warrior Kamba Kone gamit ang dalawang puntos sa pag-asang mapaliit ang agwat ng iskor sa nalalapit na pagtatapos ng unang kwarter, 22–12. Gayunpaman, tinuldukan na ni Paraiso ang yugto kasunod ng pag-ani ng dalawang puntos mula sa loob ng arko, 24–12.
Patuloy na lumobo ang pigura sa talaan ng mga taga-Taft nang matagumpay na maisalpak ni Arabell Bacierto ang tres sa labas ng arko, 29–12. Tangan ang momentum, muling ginitgit ni Paraiso ang hukbo ng Silangan nang kumana ng magkakasunod na puntos mula sa isang three-point shot at reverse layup, 38–16. Sinubukan namang sumabay ni Vacalares sa puwersa ng Taft mainstays gamit ang isa pang tres, 48–25. Gayunpaman, hindi na nakapalag ang Lady Warriors matapos bombahin ng 23 puntos na kalamangan mula sa huling tira ni Mendoza sa loob ng paint na tumapos sa first half, 50–27.
Nanatili ang pag-abante ng Lady Archers matapos bumungad ni Mendoza ng tatlong puntos, 53–27. Sa kabila nito, tinangkang buhayin ni Kone ang diwa ng mga taga-Silangan nang sumibol ng mapanlabang indak sa loob ng paint, 53–29. Tinangka ring mamuhunan ni Vacalares mula sa tanging limang puntos ng Lady Archers sa ikatlong kuwarter at humabol ng tatlong marka, 53–37. Suballit, pinangalagaan nina Sario at Bacierto ang bentahe ng Taft-based squad nang magsanib-puwersa sa loob ng arko, 57–37.
Hindi na muling nakaporma ang puwersa ng Silangan sa muling pagbungad ng tres ni Paraiso, 60–37. Humirit pa ng sariling bersiyon ng three-pointer si Bacierto sa nalalabing 8:11 minuto ng laro, 64–37. Bigo pa ring makaangat mula sa laylayan ang UE nang ipalasap sa kanila ang tres ng bagong salta ng DLSU na si Micaiah Rodriguez, 67–37. Rumatsada pa si Aliyah Ronquillo sa loob ng paint, ngunit hindi ito naging sapat upang makawala ang Lady Warriors sa dominasyon ng Lady Archers, 71–42. Sinelyuhan ng Taft mainstays ang kanilang ikalawang panalo sa torneo tangan ang 28 kalamangan, 74–46.
Sa kabila ng mabalasik na tagumpay, bitbit ng Lady Archers ang 2–6 panalo–talo kartada sa dulo ng talaan. Lulusubin naman ng luntiang koponan ang kawan ng Adamson University Soaring Falcons sa University of Santo Tomas Quadricentennial Pavilion sa ika-4:00 n.h. sa Sabado, Oktubre 19.
Mga Iskor:
DLSU 74 — Mendoza 15, Paraiso 13, Bacierto 12, San Juan 12, Sunga 6, Sario 4, Dalisay 4, Dela Paz 4, Rodriguez 3, Delos Reyes 1
UE 46 — Vacalares 12, Lacayanga 11, Kone 9, Ronquillo 7, Ganade 5, Yanez 2
Quarter scores: 24–12, 50–27, 57–37, 74–46.