SUMALIMBAY PABABA ang mga palaso ng De La Salle University (DLSU) Green at Lady Shuttlers kontra defending champions Ateneo de Manila University (ADMU) Men’s at Women’s Badminton Team, 0–5, 0–5, sa pag-arangkada ng ikalawang araw ng University Athletic Association of the Philippines Season 87 Collegiate Badminton Tournament sa Rizal Memorial Coliseum Badminton Hall, Oktubre 13.
Natupok na tikas
Maagang kakapusan ang naranasan ng Taft mainstays matapos ang dikdikang sagupaan nina Green Shuttler James Capin at Blue Eagle Robby Ramos sa first singles match ng tapatan, 21–19, 11–21, 15–21. Naupos din ang dilaab ng manlalaro ng DLSU na si Joshua Fajilan nang magdusa sa nakasusugat na tuka ng agilang si Lyrden Laborte sa second singles, 15–21, 9–21.
Nanatiling mapurol ang mga pana ng Green Shuttlers pagdako sa doubles match matapos yumukod ang tambalang Yuan Tan at Miguel Cuarte kina Arthur Salvado Jr. at Lance Vargas sa unang set, 17–21. Hindi na nakapalag pa sina Tan at Cuarte nang isalaksak nina Salvado Jr. at Vargas ang 4–0 run upang dominanteng wakasan ang first doubles match sa bisa ng walong bentahe, 13–21.
Umukit naman ng parehong kapalaran ang mga manunudlang sina Joshua Morada at Zaki Layno matapos isuko ang unang set sa kamay nina Labote at Allen Penute sa pagratsada ng ikalawang doubles match, 17–21. Nagsumite ng tatlong markang abante ang luntiang tambalan, 18–15, ngunit kumabig ng 3–0 run sina Labote at Penute upang ipantay ang talaan sa ikalawang set, 18–all. Bunsod ng paglamlam ng komunikasyon, napurnada ang pagragasa nina Morada at Layno sa pagtatapos ng labanan, 21–23.
Sinubukang makabawi ni Cuarte kay ADMU player Vargas sa kanilang muling paghaharap sa third singles match, subalit agad na pinawalang-bisa ng agila ang mga pagtatangkang ito at sinikwat ang unang set, 10–21. Rumehistro naman ng tatlong puntos na kalamangan ang Lasalyanong si Cuarte sa kalagitnaan ng ikalawang set, 13–10. Gayunpaman, lumilok si Vargas ng kaniyang sariling bersiyon ng 3–0 run upang panatilihing nasa laylayan ang Berde at Puting pangkat, 16–21.
Sumalaming tadhana
Hindi nakaligtas ang Lady Shuttlers sa hagupit ng defending champions sa first singles match nang maagang litisin ni Blue Eagle Mikaela De Guzman si Ghiselle Bautista sa loob ng dalawang set, 9–21, 14–21. Sumunod sa yapak ni Bautista ang naging kampanya ni DLSU player Lady Taurio sa second singles matapos mapatid kay Angel Valle, 12–21, 21–16, 21–23.
Nagdoble-kayod naman ang tambalang Mia Manguilimotan at Viana Antonio para sa first doubles match upang umubra ng isang set laban kina Blue Eagle De Guzman at Althea Ocampo, 21–17. Nakatantos man ng isa sa talaan, bigo ang Taft-based duo na selyuhan ang natitirang set nang bumuwelo pabalik ang Blue Eagles, 11–21, 16–21.
Niyanig din ang tikas ng Berde at Puting tambalan nina Bautista at Jacquenline Pantoja sa dikdikang sagupaan sa unang yugto ng second doubles match, 18–21. Pagdako ng ikalawang set, pumabor ang ihip ng hangin sa Lady Shuttlers matapos tumimbre ng 4–0 run laban sa Loyola-based squad, 9–10. Buhat ng sinulot na momentum, nagpatuloy ang pangingibabaw nina Bautista at Pantoja nang magtala ng magkakasunod na error ang mga agila, 21–17. Bagaman nakalusot sa ikalawang set, ganap nang dumapa sa bagwis nina Blue Eagle Maxene Olango at Febby Ferrer ang Lady Shuttlers, 18–21.
Sa pagtapak sa huling singles match, nanaig ang ningas ni Blue Eagle Ocampo matapos isalansan ang magkakasunod na puntos kontra kay Manguilimotan upang mapasakamay ang unang set, 19–21. Solidong dominasyon naman ang ipinamalas ni Ocampo sa ikalawang set matapos magtala ng nakagigimbal na 11–0 run, 8–19. Sa huli, naudlot ang pambato ng Taft na si Manguilimotan nang muling lasapin ang pagkatalo, 9–21.
Pagbasag sa naestatwang kartada
“Nagkaroon lang ng less communication sa game, especially sa doubles. Kasi, ang nangyari, lahat ng laro sobrang gaganda [at] sobrang ko-close. Kumbaga, kinulang lang ng kaunting pilit pa,” pagtatapat ni DLSU Team Captain Morada sa Ang Pahayagang Plaridel (APP).
Inamin din ni Green Shuttler Cuarte sa APP na may kakulangan ang grupo sa pagkakaroon ng solidong kumpiyansa at koneksiyon sa isa’t isa. Gayunpaman, ipinahayag ni Kapitan Morada na susubukan itong patatagin ng pangkat sa kanilang mga susunod na laro.
Isiniwalat naman ni Kapitana Bautista sa APP ang kaniyang saloobin hinggil sa kanilang pagkatalo. Aniya, “Siguro nagkulang lang kami [on] how to finish the game. Siguro we will learn or aalamin pa namin kung paano tapusin ‘yung game para mas makuha namin yung game na ‘yon.”
Ibinahagi naman ni Tuario na ilalaan niya ang mga natitirang araw bago munumbalik sa kort upang mag-ensayo at paglimian ang mga naging pagkukulang ng koponan sa mga nakaraang engkuwentro.
Nananatiling salat sa tagumpay ang Berde at Puting panig sa pagsasara ng unang dalawang araw ng torneo. Tatangkain ng Green at Lady Shuttlers na ilista ang kanilang mga koponan sa talaan ng mga panalo kontra University of the Philippines Men’s Badminton Varsity Team at National University Women’s Badminton Team sa parehong lunan sa susunod na Linggo, Oktubre 20.