Maihahalintulad ang kasaysayan sa isang batis na may dalawang agos—dumadaloy ang isa tungo sa alaala, habang lumiliko sa limot ang kabila. Sa paglipas ng panahon, nauugit ang mga kuwento sa mananatili o mawawaglit sa isipan. Naghahatid ng matinding dagok ang memorya sa larawan ng nakaraan. Naghahain ito ng isang mapanghamong katanungan. Paano natin sinasala ang ating kasaysayan at paano nagiging biktima ang kasalukuyan ng kasinungalingan?
Matapos gunitain ang ika-52 anibersaryo ng Batas Militar, muling nabuksan para sa pagsusuri ang mga pahina ng diktadura at kalagiman. Ginalugad ng dokumentaryong Ghosts of Kalantiaw, sa direksiyon ni Chuck Escasa, ang mga napapanahong isyu ng disimpormasyon at pambabaluktot ng kasaysayan. Sinasariwa ang sugat sa katawan gamit ang bawat kuwento ng nakaraan. Sinisindihan ang boses ng biktimang tila ilaw na bumubura sa aninong nagbabadyang lumitaw.
Bagaman mulat na ang ilan sa dinanas ng ating kababayan, may mga patuloy pa ring nagbabalatkayo—nagkukubli ng tunay na mukha sa likod ng mga anino ng manipis na belo. Pinipinturahan ang imahen ng diktador. Kinukulayan ang malagim na katotohanan ng mapaglarong kasinungalingan.
Bakas ni Kalantiaw
Sa kahabaan ng kasaysayan ng Pilipinas, idinadalumat ang katauhang Pilipino sa mga alamat ng iba’t ibang dako. Itinampok ng Ghosts of Kalantiaw si Datu Bendahara Kalantiaw, isang lokal na pinunong naging tanyag para sa unang kodigong legal sa pambansang kasaysayang Code of Kalantiaw. Sinusundan ng dokumentaryo ang kontrobersiyal na salaysay ni Datu Kalantiaw mula sa epekto nito sa bayan ng Batan, Aklan hanggang sa pagtuklas ng mga historyador sa kahuwaran ng teksto ni Jose Marco noong 1911.
“Si Kalantiaw ang nagbibigay-pagkakilanlan sa aming mga Batangnon, totoo man siya o hindi,” pagbabahagi ni Joan Ang-oay Laurente, residente ng naturang pook. Tulad ng tubig na sumasalamin sa liwanag, pinalutang ng direktor ang emosyonal na ugnayan ng mga Batangnon sa kanilang alamat. Sa malinaw na narasyon, naipabatid ang simbolikong kahalagahan ng istorya sa kanilang pre-kolonyal na pagkakakilanlan.
Maingat namang tinalakay ng historyador na si Ambeth Ocampo ang pagsagwan sa ilog ng huwad na kasaysayan upang makadaong sa katotohanan—sinisisid ang mga maling akala at inilalantad ang tunay na mukha ng nakaraan. Habang tumatagal ang prosesong ito, lumalalim ang pag-unawa sa masalimuot na ugnayan ng mito at realidad. Sa pag-ikot ng paksa sa mga sambit ni Ocampo, nagharap ang katotohanan at alamat sa pangpang na ating pinagmulan—binabalot ng mga kuwento hinggil sa kolektibong katauhan.
Sa kabila ng malalim na mensaheng inilalagom ng dokumentaryo, may mga bahid din ng kahinaan dito. Kulang ang pagsusuri nito sa mas malawak na epekto ng mga huwad na kasaysayan sa ating pambansang pagkakakilanlan. Hindi rin agad mahihinuha ang nais ipahayag ng palabas sa konteksto ng paggawa ng mga kuwento-kuwento.
Nakalibing na nakaraan
Natapos ang palabas nang parang batong inihagis sa isang tahimik na lawa—nagdulot ng mga alon ng katanungan at saloobing hindi nagwawakas sa abot-tanaw. Pinangunahan ni Dr. Michael Charleston “Xiao” Chua, historyador ng pampublikong kasaysayan at propesor sa Department of History, ang talkback session kasama sina C. Escasa, Henry Posadas, Levi Uy, at Aimee Escasa. Ibinahagi ni C. Escasa ang kuwento ni Marco na kilala sa mga iniwan niyang pekeng dokumento at ang nagsilbing batayan ng pelikula. Iniugnay niya ang akda ni Marco sa lumaganap ng pekeng balita noong administrasyong Duterte at sa epekto ng disimpormasyon sa kasalukuyan.
Sa pag-usisa sa iba’t ibang pananaw, bitbit natin ang mga istoryang bumubuo sa ating identidad—mga kuwentong may kapangyarihang hubugin hindi lamang ang ating asal, bagkus maging ang ating nasyonal na dangal. Ngunit hindi maitatangging marami pa rin sa ating kababayan ang nananatiling bihag ng maling akala.
Nagbabadya sa madidilim na sulok ng kasalukuyan ang pagbabalik ng anino ni Marco. Hanggang ngayon, sa mga panibagong paraan, parami nang parami ang nabibiktima ng disimpormasyon katulad ng mga Batangnon. Mahirap tanggapin ang hinampas na katotohanan sa buong buhay na pagmamalaki kay Kalantiaw gayong sa saglit na pikit ng mata, naging piksiyon ang inakalang realidad ng kahapon. Gaya ng mga Batangnon, maraming kababayan ang nahihirapang imulat ang kanilang diwa sa nagniningning na katotohanan. Sa halip na yakapin ang liwanag ng kasaysayan, pinipili nilang manatili sa madilim na sulok ng karagatan.
Katotohanang ipinaglalaban
Sa 52-taong memorya, hindi pa rin nawawala ang mantsa ng madugong rehimen ng dekada 70 at 80. Matagal na panahon man ang lumipas, hindi kailanman makatatakas ang yumaong diktador sa mata ng bayan. Banlawan man ang madungis na nakaraan, mababakas pa rin ang katotohanan sa mga uusbong na usapan.
Nagsisilbing tala sa madilim na kalangitan ang tunay na kasaysayan. Hindi lamang ito binabalikan upang magpaalala, ngunit tinatanaw na gabay sa gitna ng daluyong ng mga umiiral na kalakaran.
Isang hamon ang Ghosts of Kalantiaw sa mga Pilipinong ungkatin ang kahapon at tuklasin ang mga lihim na bubuhat sa atin tungo sa mas maliwanag na kinabukasan. Madidilim na ulap man ang bumalot sa bayan noong Batas Militar, sa makulimlim na kalangitang iniwan nito darating ang bagong sinag ng pag-asa at pagbabago.