PUMAILANGLANG ang De La Salle University (DLSU) Green Archers kontra University of the East (UE) Red Warriors, 77–68, sa kanilang ikalawang paghaharap sa University Athletic Association of the Philippines (UAAP) Season 87 Men’s Basketball Tournament sa Smart Araneta Coliseum, Oktubre 12.
Muling bumida bilang Player of the Game si Mike Phillips nang magpadagundong ng double-double na pigurang 27 puntos, 17 rebound, at limang assist. Hindi rin nagpatinag sina reigning Most Valuable Player Kevin Quiambao at shooting guard JC Macalalag na parehong pumoste ng sampung marka. Naglista naman si sophomore Precious Momowei ng 21 puntos at siyam na rebound para sa panig ng UE.
Dalawang minutong katahimikan ang binasag ng palitan ng tirada nina Red Warrior John Abate at Green Archer Phillips, 4–2. Itinabla ni Momowei ang talaan, ngunit agarang sumagot si Phillips mula sa free throw line, 6–4. Pagdako ng 1:19 na marka, kumumpas ng 6–2 run ang Taft-based squad sa pagkamada nina DLSU point guard Ramiro at small forward Earl Abadam sa labas ng arko, 14–10. Gayunpaman, tumikada ng apat na marka para sa mga taga-Recto si Gjerard Wilson upang itabla ang iskor sa pagtatapos ng unang kuwarter, 14–all.
Sumalaksak ng floater si Phillips sa pagtapak sa ikalawang yugto ng labanan, 16–14. Sa pagbalasa ng estratehiya ni DLSU Head Coach Topex Robinson, epektibong umagapay si Phillips sa opensa matapos ipuwestong power forward ng tagapagsanay. Sa kabila nito, tuluyang natigatig ang grupo sa pagbugso ng sunod-sunod na tirada ng mga taga-Recto, partikular na ang pagbomba ng slam dunk ni Momowei, 20–24. Minaniobra naman ni Phillips ang luntiang grupo upang ibaling ang bentahe pabalik sa kanila, 29–28. Subalit, rumesponde ang tambalang Rainier Maga at Momowei na kumana ng isang And-1 play, 29–31. Nanatili ang pangunguna ng Red Warriors sa pag-upos ng huling dalawang minuto ng kuwarter bago ibugkos ni shooting guard Macalalag ang buzzer beater one-hand floater at wakasan ang first half, 36–37.
Sinulot ni Macalalag ang bentahe gamit ang nagbabagang tres sa pagsisimula ng second half, 39–37. Gumawa rin ng sarili niyang bersiyon ng tres si Red Warrior Jack Cruz-Dumont, 40–42, na ginantihan ni Phillips sa perimeter at Kapitan Joshua David sa labas ng arko, 45–42. Pagsapit ng 4:08 marka, niyanig ni Phillips ang kort sa bisa ng umaatikabong slam dunk mula sa pasa ni Ramiro, 51–50. Samantala, pinasiklaban ni power forward Quiambao ang 10–0 run ng Taft mainstays sa pagbida ng kaniyang unang field goal sa labas ng arko kaakibat ang mga tirada nina Macalalag at Vhoris Marasigan, 61–52. Nagpakawala pa ng bank shot si Marasigan sa huling segundo ng orasan upang angkinin ang ikatlong yugto para sa mga taga-Taft, 63–54.
Sa pagpapaunlak ng ring sa Taft mainstays noong ikatlong bahagi, umeksena sa kabilang panig si Momowei upang buksan ang ikaapat na kuwarter mula sa paint, 63–56. Kumawala na rin at sumibat ng putback si Abadam na sinundan pa ng isang floater ni Quiambao upang isiil ang kalamangan sa Taft, 68–57. Panandaliang nawalan ng talas ang pagtikada ng DLSU sa pagsalakay ni Abate upang tapyasin ang bentahe ng Green Archers sa lima, 68–63. Umakay na sa dumudulas na opensa ng DLSU si Kapitan David gamit ang isang perimeter shot, 70–63. Mula rito, umandar ang makina ng luntiang grupo tangan ang mga atake nina Phillips, Quiambao, at Marasigan na nagpayukod sa Pula at Puting hanay sa kanilang ikalawang paghaharap sa torneo, 77–68.
Ipinabatid ni Phillips sa Ang Pahayagang Plaridel (APP) ang kahalagahan ng kanilang tagumpay sa muling pagsisimula ng kampanya ng Green Archers. Nasasabik na salaysay ng big man, “Sa experience naman ko po, pagdating [ng] second round, lahat ng teams, iba na. Iba na ‘yung galaw nila [at] iba na ‘yung kumpiyansa, lalo na UE is a team na mataas talaga ang kumpiyansa and is really deserving.”
Matapos tuldukan ang limang sunod-sunod na panalo ng Red Warriors, monopolisado na ng Green Archers ang taluktok ng talaan suot ang 7–1 panalo–talo kartada. Sisikaping panatilihin ng Berde at Puting koponan ang kanilang pamamayagpag sa rurok laban sa University of Santo Tomas Growling Tigers sa SM Mall of Asia Arena pagdako ng ika-6:00 n.g. sa Miyerkules, Oktubre 16.
Mga Iskor:
DLSU 77 – Phillips 27, Quiambao 10, Macalalag 10, Marasigan 9, David 8, Abadam 6, Ramiro 3, Gollena 2, Gonzales 2, Austria 0, Agunnane 0, Dungo 0.
UE 68 – Momowei 21, Abate 11, Maga 9, Wilson 8, Cruz-Dumont J. 7, Galang 6, Lingolingo 2, Malaga 2, Fikes 2, Mulingtapang 0, Cruz-Dumont H. 0.
Quarter scores: 14–14, 36–37, 63–54, 77–68.