DUMAUSDOS ang hanay ng De La Salle University (DLSU) Green Shuttlers laban sa pangkat ng National University (NU) Men’s Badminton Team, 0–5, sa pagratsada ng unang araw ng University Athletic Association of the Philippines (UAAP) Season 87 Men’s Badminton Tournament sa Rizal Memorial Coliseum Badminton Hall, Oktubre 12.
Malamlam na panimula
Matumal ang naging entrada ng Taft mainstays sa torneo nang maagang makatikim ng pagkatalo ang tambalang Yuan Tan at Miguel Cuarte sa doubles match bunsod ng hagupit nina Season 85 Most Valuable Player Solomon Padiz Jr. at Nestojan Tapales, 21–17, 21–15.
Agad ding napasuko si Green Shuttler Jason Pajarillo sa kamay ni Bulldog Lanz Zafra, 21–5, 21–10. Umukit ng parehong resulta ang Lasalyanong si James Capin matapos yumukod sa bagsik ni Philippines’ No. 3 men’s singles athlete Mark Velasco, 21–13, 21–9.
Sinubukan pang baguhin nina DLSU Team Captain Joshua Morada at Zaki Layno ang tadhana tungo sa kanilang unang panalo, ngunit dumapa rin ang dalawa sa bitag na isinalansan nina Bulldog James Villarante at Jeno Cariño, 21–13, 21–16. Kinompleto ni NU shuttler MJ Perez ang kanilang malinis na pagsalanta sa hanay ng Berde at Puti matapos gapiin si Joshua Fajilan, 21–18, 21–15.
Maaga pa para magsalita nang tapos
Hindi man pinalad na makapag-uwi ng buena manong panalo, masayang inihayag ni DLSU co-captain Tan ang kaniyang nadaramang pananabik sa muling pagragasa ng pampalakasan sa bagong season ng UAAP. Malugod na wika ni Tan sa Ang Pahayagang Plaridel (APP). “Masaya [ako], kasi kakabalik lang din nitong Rizal [Badminton Hall], and nakikita namin na punong-puno ng tao at saka mas ramdam ‘yung UAAP na nagbabalik muli.”
Bukod pa rito, patuloy na binibigyang-paalala ni DLSU Green Shuttlers assistant Coach Carlos Cayanan ang kanilang koponan na hindi natatapos ang karera sa isang pagkadapa. Isinalaysay niya sa APP na masasaksihan sa bawat ensayo ng Green Shuttlers ang kanilang pagnanais na mas mapabuti ang kahahantungan nila at makapag-alay ng karangalan sa Pamantasan para sa kasalukuyang season.
Sambit ng tagapagsanay, “Nakikita ko naman ‘yung willingness nila na magbigay sila ng best nila sa laro nila. So, syempre, doon sa mga training namin, ngayon namin makikita kung anong level ‘yung kaya naming maibigay dito sa UAAP Season 87.”
Bitbit ang 0–1 panalo–talo kartada at kagustuhang makabawi, tatangkaing pabagsakin ng Green Shuttlers ang puwersa ng Ateneo de Manila University Men’s Badminton Team sa parehong lunan sa ika-8:00 n.u., Oktubre 13.