SUMIKLAB ang mga palaso ng De La Salle University (DLSU) Lady Spikers kontra sa hanay ng Colegio de San Juan de Letran (CSJL) Lady Knights, 25–7, 25–21, 22–25, 25–15, sa pagratsada ng 2024 Shakey’s Super League Preseason Championship sa Rizal Memorial Coliseum, Oktubre 11.
Namayani ang presensiya ni Player of the Game Angel Canino dala ang 15 puntos mula sa 11 atake, dalawang block, at isang service ace. Hindi rin nagpaawat mula sa gitna si DLSU sophomore Lilay Del Castillo na nagtala ng siyam na marka bunsod ng limang atake, tatlong block, at isang service ace. Sa kabilang panig, bumida para sa Lady Knights si wing spiker Gia Maquilang tangan ang 17 puntos o 13 atake, tatlong service ace, at isang block.
Mariing isinalya ni open hitter Canino ang isang down-the-line hit upang pangunahan ang maagap na 4–1 run ng Berde at Puting koponan sa pagsisimula ng sagupaan, 4–1. Kumumpas pa ng alas ang Kapitana sa service line na isinakatuparan ang 6–0 run ng Lady Spikers, 13–4. Nagmistulan namang kakampi ng Taft mainstays ang Lady Knights nang magpamigay ang CSJL ng sampung magkakasunod na puntos dulot ng mga unforced error, 23–5. Napako sa pitong marka ang Intramuros-based squad matapos magpakawala ng crosscourt hit si opposite spiker Verenicce Colendra, 24–7. Hindi na nakapalag pa ang CSJL nang tuldukan ni opposite hitter Jyne Soreño ang unang set, 25–7.
Mas kumakapit na Lady Knights ang bumungad sa ikalawang set matapos ang bira ni opposite spiker Jhudiel Nitura na sumukbit ng kanilang maagang kalamangan, 4–3. Agad na rumesponde ng mga atake mula sa zone 2 si DLSU opposite hitter Shevana Laput upang pihitin ang manibela ng talaan pabalik sa kanilang hanay, 14–12. Sinubukan pang kumamada ni Maquilang mula sa open at pigilan ang pag-arangkada ng DLSU, 23–21. Subalit, tuluyan nang napasakamay ng mga taga-Taft ang set dulot ng momentum at maagang pamasko ni Canino sa open, 25–21.
Umariba ng 3–0 run ang mga nakaberde sa pagbukas ng ikatlong set bunsod ng kongkretong dingding ni Kapitana Canino, 3–0. Nagpasiklab naman ng mga atake at block ang tambalan nina middle blocker Royce Dela Cruz at Maquilang upang ibuwelta ang kalamangan sa kampo ng Letran, 8–9. Tinangka pang kalampagin ni Canino ang hindi matibag na floor defense ng Intramuros mainstays matapos sumabat ng maaanghang na tirada sa open, 20–all, ngunit ganap na ibinulsa ni Maquilang ang set gamit ang isang out-of-system play mula sa zone 3, 22–25.
Bitbit ang pagkapanalo sa nagdaang yugto, inirehistro ni Maquilang ang maagang bentahe ng Lady Knights sa ikaapat na set sa bisa ng tatlong magkakasunod na service ace, 2–5. Hindi naman nagpatinag si DLSU middle blocker Del Castillo nang isalaksak ang isang quick attack upang ibalik sa luntiang koponan ang kalamangan, 8–7. Umukit pa ng down-the-line hit si wing spiker Mary Shane Reterta upang paigtingin ang abante ng Lady Spikers sa anim na puntos, 14–8. Tinangkang humabol ng Lady Knights gamit ang service ace ni middle blocker Angelique Ledesma, 19–13, ngunit ikinandado na ni Canino ang panalo sa bisa ng kaniyang atake, 25–15.
Nananatili ang Lady Spikers sa tuktok ng Pool C tangan ang 2–0 panalo–talo kartada. Susubukang iwaksi ng Taft mainstays ang panig ng Jose Rizal University Lady Bombers sa parehong lugar sa ika-1:00 n.h. sa Linggo, Oktubre 13.