ITINALAGA ang mga miyembro ng ehekutibong komite ng Department of Activity Approval and Monitoring (DAAM) para sa akademikong taon 2024–2025 sa ika-16 na regular na sesyon ng Legislative Assembly (LA), Oktubre 2.
Magsisilbi sina Jian Bayon bilang chairperson at Joshua Bangkot bilang deputy chairperson ng departamento. Maglilingkod naman bilang vice chairperson sina Ishi Ople, activity processing and screening committee; Alex Valenzuela, special slips and clearance committee; at Earon Reyes, internal operations committee.
Pinangalanan ding vice chairperson sina Claudine Mendoza, Memorandum of Agreement screening team; Rein Marvis Ong, publicity and marketing team; Wendy He, activity monitoring team; at Zachi Villanueva, activity documentation and management team.
Pagsasaayos sa sistema
Inusisa ni EXCEL2025 at dating Chief Legislator Bhianca Cruz ang panahon ng pamamalagi sa DAAM ng mga tauhang inendoso sa resolusyon. Isinaad ni Bayon na dati nang nagsilbing mga opisyal ng tanggapan ang mga naturang kandidato.
Sinuri naman ni Chief Legislator Elynore Orajay ang magiging tugon ni Bayon sa mga reklamo hinggil sa burukratikong proseso ng DAAM. Pagsalag ni Bayon, magpapatupad siya ng mga pagbabago sa kanilang sistema, kabilang na ang paggamit ng activity reference codes upang mapagbuti ang pagsubaybay ng departamento sa bawat proyekto ng University Student Government.
Ibinahagi rin ni Bayon na makatutulong ang matagumpay na recruitment ng DAAM upang pabilisin ang kanilang sistema, sapagkat nakapagtala sila ng higit 50 kapapasok na associate at 70 bagong opisyal nitong Setyembre. Mas mataas ito kompara sa 30 miyembrong nakakalap nila sa mga nagdaang taon.
Usapin ng estruktura
Itinaas din ni Cruz ang posibleng paghiwalay ng DAAM sa Office of the Executive Secretary (OSEC). Binigyang-linaw ni Bayon na umusbong ang naturang diskusyon sa loob ng departamento noong termino ng kanilang nakaraang chairperson, ngunit nananatili pa lamang itong usapan.
Salaysay ni Bayon, “The only benefit of us being [under] OSEC is that the funds are derived from [theirs]. And it [the OSEC] does not have any other interactions with DAAM in that way aside from the usual operational stuff.”
Binusisi naman ni FAST2023 Huey Marudo ang mga planong pagbabago ng susunod na liderato sa DAAM Manual. Ipinaliwanag ni Bayon na tanging mga rebisyon sa Student Activities Manual ng Office of Student Leadership Involvement, Formation, and Empowerment ang maaaring makaapekto rito.
Iniluklok ang bagong ehekutibong komite ng DAAM sa botong 11 for, 0 against, at 0 abstain.