NANGIBABAW ang puwersa ng defending champions De La Salle University (DLSU) Green Archers laban sa University of the Philippines (UP) Fighting Maroons, 68–56, sa pagsasara ng unang kabanata ng University Athletic Association of the Philippines Season 87 Men’s Basketball Tournament sa SM Mall of Asia Arena, Oktubre 6.
Muling pumintig ng Player of the Game si reigning Most Valuable Player Kevin Quiambao matapos umalagwa ng 20 puntos, sampung rebound, at tatlong assist. Umagapay rin si DLSU Team Captain Josh David na naglista ng 14 na puntos, pitong rebound, at dalawang assist. Nagpumiglas naman para sa Fighting Maroons si Harold Alarcon tangan ang 19 na puntos, limang rebound, at tatlong steal.
Kaagad na umariba ng tres si Kapitan David upang simulan ang mainit na tunggalian kontra sa mga iskolar ng bayan, 3–0. Bahagya namang umangat ang talaan ng Fighting Maroons matapos maglatag ng mid-range shot si UP point guard Gerry Abadiano, 3–4, ngunit muling minandohan ni Quiambao ang luntiang opensa nang magrehistro ng tatlong puntos mula sa isang floater at free throw, 6–4. Mula sa sandamakmak na turnover, humagip ng turnaround shot si DLSU forward Mike Phillips sa nalalabing 2:44 na marka, 14–7. Hindi na hinayaan pa ng Taft-based squad na lumagas ang kanilang kalamangan nang kumana ng tirada si Green Archer CJ Austria sa labas ng arko, 19–13.
Ibinungad ng DLSU ang 7–0 run sa ikalawang kuwarter nang pataasin ni JC Macalalag ang tensiyon sa bisa ng isang layup sa huling dalawang segundo ng shot clock, 26–13. Umani pabalik ng dalawang puntos si UP shooting guard Reyland Torres mula sa mga free throw shot, 26–15, ngunit sinagasaan ito ng ganti ni David sa three-point line, 29–15. Sinelyuhan naman ni Green Archer Earl Abadam ang 19 na bentahe sa bisa ng tres, 38–19. Sinubukan pang habulin ni Alarcon ang talaan gamit ang isang mid-ranger, subalit hindi ito naging sapat upang humulagpos mula sa mahigpit na hawak ng mga taga-Taft sa bakbakan, 38–25.
Tangan ang 13 kalamangan mula sa first half, natigilan ang kampo ng Berde at Puti sa mga mintis na pagpukol sa labas ng arko. Bunga nito, umabante ang opensa ng Fighting Maroons kasunod ng fastbreak play ni UP guard Alarcon, 38–27. Sa pag-igting ng ingay mula sa bulwagan ng Maroons, pumalyang sumabay ang Green Archers sa hakbang ng UP nang mapako sila ng dumadagundong na slam dunk ni center Henry Agunnane, 42–40. Lumusob ang Diliman-based squad dala ang mga agresibong offensive rebound na agad tinustusan ni Alarcon upang itabla ang salpukan, 42–all. Gayunpaman, sumikwat ng isang cross spin move si DLSU point guard Lian Ramiro upang pasiklabin ang natutulog na alab ng mga Lasalyano, 44–42. Nagrehistro din si Austria ng dalawang puntos mula sa free throw line, 51–44, bago isara ni UP small forward Quentin Millora-Brown ang ikatlong yugto mula sa loob ng paint, 51–46.
Tumindi ang huling sampung minuto ng bakbakan matapos ang palitan ng tres at mid-range ng parehong koponan, 55–51. Daglian namang bumuhos ang opensa ng Taft mainstays dahil sa pagpapaulan ng tres nina Macalalag at Quiambao, 65–53. Hinadlangan din ni Phillips ang pag-araro ng Fighting Maroons sa ipinamalas niyang malatoreng depensa sa ilalim ng poste. Bitbit ang momentum, sinelyuhan ni DLSU point guard David ang engkuwentro sa bisa ng isa pang tres upang dungisan sa wakas ang talaan ng Diliman mainstays, 68–56.
Binigyang-diin ni David sa midya na kinakailangan pa ring patuloy na hasain ng Green Archers ang kanilang bawat hakbang sa kort upang pigilan ang paglobo ng mga turnover. Pag-amin ni Kapitan, “Kahit na-execute namin ang plays namin, marami pa ring kulang.”
Umangat sa unang puwesto ng talaan ang Taft mainstays matapos sumalaksak ng ikatlong sunod na panalo at mantsahan ang malinis na kartada ng Fighting Maroons sa torneo. Dadalhin ng Green Archers ang 6–1 panalo–talo kartada tungo sa ikalawang yugto ng kompetisyon.
Mga Iskor:
DLSU 68 – Quiambao 20, David 14, Macalalag 7, Abadam 5, Ramiro 5, Marasigan 5, Phillips 4, Gollena 4, Agunanne 2, Austria 2, Gonzales 0.
UP 56 – Alarcon 19, Millora-Brown 10, Lopez 8, Torres 6, Fortea 5, Belmonte 5, Abadiano 2, Bayla 1, Stevens 0, Torculas 0, Ududo 0, Felicilda 0.
Quarter scores: 19–13, 38–25, 51–46, 68–56.