DUMAUSDOS ang De La Salle University (DLSU) Lady Archers sa puwersa ng University of the Philippines (UP) Fighting Maroons, 62–66, sa pagsasara ng unang yugto ng University Athletic Association of the Philippines Season 87 Women’s Basketball Tournament sa SM Mall of Asia Arena, Oktubre 6.
Nanguna para sa lupon ng Lady Archers si Luisa San Juan na rumatsada ng 23 puntos, walong rebound, at limang assist. Umagapay rin si DLSU Team Captain Bernice Paraiso tangan ang 13 puntos at anim na rebound. Sa kabilang dako, itinanghal na Player of the Game si Fighting Maroon Achrissa Maw matapos umalagwa ng 18 puntos, apat na rebound, at dalawang assist.
Nagmistulang niyebe ang kort sa pagbubukas ng bakbakan bunsod ng mga palyadong tira ng dalawang koponan. Binasag ito ng palitan ng bala nina Fighting Maroon Louna Ozar at Lady Archer Lee Sario pagtungtong ng 6:26 na marka, 2–4. Bumira naman ng tres si point forward San Juan na maagap na sinagot ni Maw upang alagaan ang bentahe ng mga taga-Diliman, 9–12. Sa kabila nito, nakalikha ng momentum si Patricia Mendoza sa kaniyang pagtudla ng isang perimeter shot sa nalalabing siyam na segundo ng unang kuwarter, 15–17.
Agarang 5–0 run ang ipinunla ng Lady Archers mula sa mga pukol ni Sario sa simula ng ikalawang kuwarter, 20–17. Humarurot naman ang Fighting Maroons upang ipako ang puntos ng Taft mainstays gamit ang mga tirada ni Ozar sa two-point zone, 20–27. Inapula ni DLSU center Kyla Sunga at power forward Mendoza ang nagliliyab na kalamangan ng UP matapos parehong magpakawala ng dalawang marka, 24–27. Sinubukang angkinin ng DLSU ang yugto sa bisa ng tres nina Bea Dalisay at Paraiso, 33–31, ngunit hindi nagpatinag sina Ozar at Maw mula sa pagrehistro ng dos upang panatilihin ang kanilang kaungusan sa pagtatapos ng first half, 33–35.
Mainit na sinalubong ng Lady Archers ang ikatlong kuwarter sa isang layup mula kay Ara Bacierto, 35–all. Sinundan pa ito ng tres ni San Juan na nagbigay ng kalamangan sa Taft mainstays, 38–35. Maaga ring sumagad sa penalty ang Diliman-based squad na nagbigay-daan sa magkakasunod na puntos ni San Juan, 49–41. Nagpatuloy ang pagragasa ng opensa ng Taft-based squad bunsod ng mga ipinamigay na free throw ng Fighting Maroons, 54–44. Umasinta pa si Mica Camba ng isang mid-range shot upang tubusin ang pinakamalaking pag-abante ng mga taga-Taft, 56–44, bago gantihan ni Shanina Tapawan ng isang layup sa pagwawakas ng yugto, 56–46.
Kumumpas ng fastbreak play si Paraiso patungo kay San Juan upang paglagablabin ang aksiyon sa huling yugto, 60–50. Nagliyab naman ang dilaab ng Diliman mainstays matapos magpundar ng 11–0 run upang sulutin ang bentahe, 60–61. Sinindihan pa ni Kapitana Paraiso ang kaniyang pana sa loob upang magrehistro ng layup, 62–all, subalit natuldukan ang pag-asa ng luntiang koponan kasunod ng 4/4 na free throw ng mga taga-Diliman, 62–66.
Nananatili sa laylayan ng talaan ang Lady Archers bitbit ang 1–6 panalo–talo kartada matapos ang kanilang unang paghaharap kontra Fighting Maroons.
Mga Iskor:
DLSU 62 – San Juan 23, Paraiso 13, Sario 7, Dalisay 5, Camba 5, Mendoza 4, Sunga 3, Bacierto 2.
UP 66 – Maw 18, Ozar 13, Pesquera 11, Bariquit 11, Tapawan 8, Lozada 5.
Quarter scores: 15–17, 33–35, 56–46, 62–66.