SINARIWA ng mga progresibong grupo ang mga kaso ng paglabag sa karapatang pantao noong panahon ng Batas Militar sa ika-52 anibersaryo ng deklarasyon ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr., Setyembre 21. Dala ang samot-saring panawagan, nagmartsa ang mga multisektoral na pangkat mula sa kahabaan ng España hanggang Recto.
Sanhi ng puwersa ng kapulisan, nahila ang ilang kalahok at may isang nasugatan, ngunit nakabalik din sa kanilang hanay kalaunan. Bagaman napigilan ang mga nagsagawa ng kilos-protesta sa kanilang pagbagtas patungong Mendiola, pinangunahan ng Bagong Alyansang Makabayan ang pormal na programa sa harap ng linya ng pulisya.
Nakibahagi rin sa mobilisasyon ang iba pang grupo, kabilang ang Kabataan Party-list, ACT Teachers Party-list, at PAMALAKAYA-Pilipinas na tumalakay sa kani-kanilang karanasan ng panunupil sa ilalim ng kasalukuyan at mga nagdaang administrasyon.
Tanim na poot ng magsasakang api
Mula sa rehimen ng yumaong diktador na si Marcos Sr. hanggang sa panahon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., hindi nawawala ang pang-aapi at pagpapahirap sa mga magsasaka. Nararamdaman ito sa naiulat na higit pitong bilyong pagkalugi ng bansa sa mga naaaning bigas kada taon. Iginiit ni Danilo “Ka Daning” Ramos, pangulo ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP), na patuloy ang paglala ng kondisyon ng mga magsasaka bunsod ng mga proyekto ng gobyerno.
Sa panayam ng Ang Pahayagang Plaridel (APP) kay Ramos, binigyang-linaw niya ang isyu ng International Rice Research Institute at Masagana 99 noong panahon ni Marcos Sr. Paliwanag niya, “Ito ‘yung [mga] sumira sa likas-kayang pagsasaka. Kinolekta ang mahigit limang libong traditional seeds at ang ipinalit ay mga high-yielding varieties na kailangan ng abono [at] pestisidyo, kaya na-eliminate ‘yung sustainability katulad ng mga binhi at saka ‘yung [mga] nahuhuli namin.”
Binigyang-diin din ng lider ng KMP na hindi solusyon sa mataas na presyo ng bilihin ang Kadiwa, isa sa mga pangunahing programa ng administrasyong Marcos Jr. na hango sa inisyatiba ng yumaong diktador upang makapagbenta ng bigas sa mas murang halaga. Sa halip na importasyon ng bigas, tinutukan ni Ramos ang kahalagahan ng pagsuporta sa lokal na produksiyon. Inilahad niya ang pangangailangan ng sapat na kompensasyon para sa mga magsasaka at ng tunay na reporma sa lupa.
Ika-52 siklo ng kawalang-katarungan
Tumugon si Evangeline Hernandez, tagapangulo ng grupong Hustisya! (Pagkakaisa ng mga Biktima para sa Hustisya), sa hamong palakasin ang tinig ng mga biktima ng pang-aabuso sa karapatang pantao. Ibinahagi niya sa APP ang kaniyang karanasan sa awtoridad noong Batas Militar.
“Nagdaos kami ng JS Prom. ‘Di ba uso pa ‘yan? Pumasok ‘yung mga militar [nang] walang pakundangan, walang hingi ng permiso dahil mga estudyante [kami]. Pumasok sila, tapos isinayaw kami,” salaysay ni Hernandez. Isinaad niyang wala silang nagawa at sumunod na lamang dahil sa takot na mapahamak buhat ng mga armas na bibit ng mga militar.
Nasa sentro ng pakikibaka ni Hernandez ang walang humpay na paghahanap ng hustisya para sa marahas na pagkitil sa buhay ng kaniyang anak na si Benjaline “Beng” Hernandez 22 taon na ang nakalilipas. Kilala si Beng bilang dating patnugot ng Atenews sa Ateneo de Davao at pangalawang pangulo ng College Editors Guild of the Philippines sa Mindanao.
Pinaputukan ng mga puwersa ng estado ang pinaglalagian ng mamamahayag pangkampus at kaniyang apat na kasamang sibilyan sa Arakan Valley, North Cotabato noong 2002. Sa pagtakas ng mga sangkot mula sa tuluyang pagpapanagot sa kanila, nananatiling mailap para sa kaso ni Beng ang tunay na hustisya.
Kinondena ni Hernandez ang kawalan ng pagbabago sa gobyerno, partikular na sa mga paglabag sa karapatang pantao. Mula sa libo-libong biktima ng extrajudicial killings na hindi pa rin nabibigyang-katarungan, nagpapatuloy ang marahas at mapanupil na pamamalakad laban sa mamamayan.
Anino ng dekada 70
Tahasang inihayag ni Joram Manio, vice chairperson for External Affairs ng University of the Philippines Manila-College of Public Health Student Council, sa APP na walang pinagkaiba si Marcos Jr. mula sa kaniyang ama. Binigyang-atensiyon ni Manio ang malawakang pambabaluktot sa kasaysayan at pagmamandato sa pagbigkas ng Bagong Pilipinas sa mga paaralan at tanggapan ng gobyerno upang muling iayon ang kasalukuyan sa ninanais ng administrasyon.
Pagtindig ni Manio, “Kaya ‘andito tayo ngayon [ay] para gunitain ang Martial Law—para isulong ang ibang panawagan na tulad ng no to reclamation, yes to climate justice, sahod itaas, [at] presyo ibaba. Kasi, lahat ito ay nakakaapekto sa ating kalusugan.”
Sa bawat pakiusap ng iba’t ibang sektor, kabalikat ng mga ito ang pakikinig sa bulong ng mga biktimang tinatalikuran ng katarungan magpahanggang ngayon. Kasabay ng paggunita sa madugong rehimen, muling balikan ang mga pangyayari at pangakong iniwan ng kasalukuyang administrayon—pagpitas ng badyet sa mga pampublikong pamantasan, paglabag sa karapatang pantao, at pagpalibot ng serye ng mga anomalya sa gobyerno. Gawing daan ang mga alaala upang mas maging mapanuri ang mamamayan, dahil anino lamang ng dekada 70 ang balangkas ng Bagong Pilipinas.