SUMEMPLANG ang De La Salle University (DLSU) Green Spikers sa kanilang huling sagupaan kontra Far Eastern University (FEU) Tamaraws, 22–25, 26–28, 18–25, sa best-of-three finals series ng 2024 V-League Men’s Collegiate Challenge sa PhilSports Arena, Oktubre 4.
Nanguna para sa Green Spikers si sophomore Rui Ventura na nagtala ng 16 na marka mula sa 14 na atake at dalawang block. Tumulong din sa kampanya ng DLSU sina outside hitter Noel Kampton at middle blocker Joshua Magalaman na lumikha ng pinagsamang 12 puntos. Samantala, sumiklab para sa Tamaraws si Finals Most Valuable Player Zhydryx Saavedra na umukit ng 24 na marka.
Bumungad ang palitan ng mga puntos nina Ventura at Saavedra sa pagbubukas ng bakbakan na sinundan pa ng monster block ng tambalang Adajar-Magalaman upang ibigay ang maagang kalamangan sa DLSU, 6–4. Gayunpaman, nagpakawala ng isang atake si Saavedra upang unti-unting sikwatin ang bentahe mula sa Berde at Puting grupo, 9–11. Muling dumikit ang Green Spikers nang matagumpay na tipakin ni Magalaman ang tirada ng FEU, 18–19. Subalit sa muling paglagablab ng mga palo nina Tamaraw Amet Bituin at Jelord Talisayan kaakibat ang isang drop ball mula kay Saavedra, ganap na namayagpag ang Tamaraws sa unang set, 22–25.
Pagpitik ng ikalawang yugto ng laban, umentra ng nagbabagang crosscourt attack si opposite hitter Ventura upang humalugpos sa puwersa ng Berde at Gintong hanay, 12–9. Mula sa back set ni FEU playmaker Benny Martinez, hindi rin nagpaawat sa atake si opposite hitter Saavedra na kumana ng backrow attack, 15–12. Pinagpatuloy ng Morayta-based squad ang pagratsada at kaagad na pinanipis ang talaan matapos harangan ng pader ni Talisayan ang mainit na atake ni Ventura, 17–16. Bahagyang umangat ang momentum ng Taft mainstays matapos humirit ng kagila-gilalas na service ace si DLSU rookie Chris Hernandez, 24–20. Humarurot naman pabalik ng 4–0 run ang Tamaraws upang palawigin ang serye, 24–all. Sa huli, nabingwit ng FEU ang yugto sa paglayag ni Saavedra matapos hadlangan ang atake ni Kampton, 26–28.
Muling pinuruhan ng Tamaraws ang Green Spikers sa pag-arangkada ng ikatlong set gamit ang ipinundar na 6–1 run ni Lirick Mendoza mula sa mga block at atake sa gitna, 6–1. Bumangis pa ang pagsupil ng mga taga-Morayta sa bisa ng mga bira ni Saavedra mula sa backrow upang iangat ang kanilang kalamangan sa anim, 10–16. Sinubukan namang ikamada ni DLSU open spiker Eugene Gloria ang kanilang hiyas, ngunit hindi na nagpapigil pa si FEU outside spiker Mikko Espartero na tumira ng service ace upang tapusin ang tapatan sa kanilang pag-angkin sa kampeonato ng V-League, 18–25.
Tuluyang bumulusok sa ikalawang gantimpala ang hanay ng Green Spikers kontra sa mabalasik na Tamaraws. Sa kabila ng pagdausdos sa pinal na yugto ng V-League, makikitaan muli ng aksiyon ang Taft mainstays sa paparating na Spikers’ Turf, Oktubre 16.