PINUNTIRYA ng De La Salle University (DLSU) Green Spikers ang puwersa ng Far Eastern University (FEU) Tamaraws, 25–21, 25–19, 21–25, 25–20, sa kanilang ikalawang pagtatapat sa best-of-three finals series ng 2024 V-League Men’s Collegiate Challenge sa PhilSports Arena, Oktubre 2.
Namayani ang presensiya ni Best Player of the Game Chris Hernandez na umukit ng 23 puntos mula sa 17 atake, apat na block, at dalawang service ace. Hindi naman nagpaawat si lefty hitter Rui Ventura nang pumukol ng 12 marka. Umagapay rin si DLSU middle blocker Joshua Magalaman at ang nagbabalik na si Noel Kampton tangan ang pinagsamang 18 puntos. Sa kabilang banda, umariba para sa Morayta-based squad si opposite spiker Zhydryx Saavedra bitbit ang 18 marka mula sa 16 na atake at dalawang block.
Maagang puksaan ang ipinamalas ng dalawang luntiang koponan sa pagragasa ng unang set nang itabla ni FEU outside hitter Mikko Espartero ang talaan sa bisa ng crosscourt hit, 11–all. Unti-unting pumabor ang ihip ng hangin sa hanay ng Green Spikers matapos magpundar ng 5–0 run sa tulong ng dalawang magkasunod na attack error ng Tamaraws, 16–11. Inutakan naman ni Jelord Talisayan ang depensa ng Taft mainstays gamit ang isang drop ball, 19–17, na agad sinagot ng atake ni DLSU open hitter Yoyong Mendoza, 20–17. Tuluyang ikinintal ng Green Spikers ang kanilang panalo sa set kasunod ng down-the-line hit ni rookie Hernandez, 25–21.
Kaagad na umarangkada ang mga taga-Taft pagdako ng ikalawang set nang tipakin ni open spiker Hernandez ang nagbabagang tirada ni Saavedra, 5–2. Bumawi naman si Saavedra matapos magpakawala ng tatlong magkakasunod na atake upang idikit ang iskor, 10–8. Gayunpaman, hindi natinag ang puwersa ng Taft-based squad at lumikom ng 4–0 run sa bisa ng service ace ni Magalaman at pinagtibay na kalasag ni middle blocker Eric Layug, 21–14. Buhat ng momentum, napasakamay ng Berde at Puting pangkat ang set kalakip ng umaatikabong crosscourt shot ni opposite hitter Ventura, 25–19.
Maiinit na atake mula sa Green Spikers ang sumalubong sa ikatlong set dala ng mga palo ni Ventura mula sa kaliwa, 5–2. Nagpasiklab ng matatalim na tirada mula sa gitna si FEU middle blocker Lirick Mendoza upang itabla ang laro, 8–all. Umigting ang kapit ng Morayta mainstays sa manibela ng laro nang masukbit ang kalamangan bunsod ng mga unforced error ng DLSU na sinabayan ng mga bira ni Charles Absin sa tres, 15–19. Sinubukan pang kumamada ni Kampton ng dalawang puntos, ngunit nabigong apulahin ng Taft-based squad ang naglalagablab na quick attack ni L. Mendoza upang wakasan ang set, 21–25.
Tangan ang hangaring depensahan ang korona, pinalakas ni Layug ang Berde at Puting pananggalang kay FEU outside hitter Talisayan sa pagsisimula ng ikaapat na yugto, 3–0. Tumira din ng nagbabagang cut shot si Hernandez upang pangalagaan ang bentahe ng Green Spikers, 15–12. Pinayungan naman ni Saavedra ang palo ni DLSU outside hitter Kampton upang pundihin ang momentum ng Taft mainstays, 18–15. Gayunpaman, tinudla ng Green Spikers ang tagumpay kaakibat ng block point ni middle blocker Magalaman kontra kay Talisayan, 25–20.
Itinabla ng Green Spikers ang serye sa 1–1 bunsod ng matamis na pagratsada kontra Tamaraws. Aasintahin ng Taft mainstays ang kanilang ikalawang sunod na kampeonato sa parehong lugar sa ika-5:00 n.h. sa Biyernes, Oktubre 4.