Estado ng karapatang pantao sa Pilipinas, sinuri sa EJK Forum

Kuha ni Angelee Dumaoal

BINIGYANG-ATENSIYON sa The Bloody War on Drugs and The Duguang Bagong Pilipinas: A Forum on the State of Human Rights in the Philippines, sa pangangasiwa ng Office of the Vice President for External Affairs, ang patuloy na paglaganap ng extrajudicial killings at karahasan ng estado sa bansa sa Natividad Fajardo-Rosario Gonzalez Auditorium, Setyembre 25.

Kabilang ito sa Alab ng Alaala: Remembrance and Resistance, isang serye ng mga aktibidad para sa ika-52 anibersaryo ng deklarasyon ng Batas Militar sa De La Salle University-Manila. Pinangunahan nina Samuel Rosales, founding chair ng League of Filipino Students; Vincent Halog, mananaliksik ng Dahas Project; at Renee Bernas, vice chairperson ng Anakbayan Vito Cruz, ang diskusyon.

Madugong kasaysayan at kasalukuyan

Binuksan ni Rosales ang talakayan sa pagpapaalala ng mga kaso ng pagpaslang at pagdukot sa bansa mula 1965. Isinalaysay niyang naging sistema ito ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. upang supilin ang kaniyang mga oposisyon. Ipinunto ni Rosales na hindi huminto ang karahasan sa EDSA People Power Revolution na binigyang-patunay ng pagkitil sa mga nananawagang magsasaka sa Mendiola Massacre noong sumunod na taong 1987.

Iniugnay ito ni Rosales sa paggamit umano ng administrasyong Duterte sa laban kontra droga para sa pansariling interes. Giit niya, “The Duterte administration used the war on drugs to get back at a lot of people. He [former President Rodrigo Duterte] used it to justify killings of people who went against his way.”

Ibinahagi naman ni Halog na sinusubaybayan ng Dahas Project ang bilang ng mga biktima ng karahasan ng estado sa kabila ng tahasang pananahimik ng administrasyon hinggil dito. Nakapagtala ang organisasyon ng 783 kaso ng pagpatay kaugnay ng laban kontra droga, kabilang ang 313 pagpaslang mula sa mga tauhan ng gobyerno. Binigyang-pansin din ni Halog ang mga nasawi dahil sa guns for hire sa Cebu.

Tumindig si Rosales para sa aktibong pagkilos laban sa mga nabanggit na krimen. Pangako naman ni Halog, “We will continue to release reports as long as the killings persist. As long as we are able, we will keep counting so that we may never forget.”

Kabataan bilang pag-asa ng bayan

Nagbalik-tanaw si Bernas sa pakikibaka ng kabataang Pilipino para sa karapatan ng bayan mula noong panahong kolonyal hanggang sa diktadurang Marcos. Gayunpaman, aminado si Bernas na hindi sapat ang bilang ng kabataan sa pagsugpo sa mga isyung panlipunan.

Dagdag pa ni Bernas, “More than that, we are shackled by our education, ideals natin kung paano tatakbo ang demokrasya, [at] definitions natin ng isang malayang lipunan. It is deeply engraved with our colonial masters.”

Ikinintal ni Bernas na nananatiling semi-colony ang Pilipinas. Paghinuha niya, nakatuon ang lokal na sistema ng edukasyon sa pagpapadala ng mga manggagawa sa ibang bansa. Tinutukan din ni Bernas ang neokolonyalismo o umiiral na impluwensiya ng mga dayuhang bansa sa Pilipinas na naoobserbahan sa mga kasunduang militar na pabor sa Estados Unidos.

Inilahad ni Rosales na may mahalagang papel ang mga unibersidad sa pagpapaigting ng kamalayan ng mga estudyante hinggil sa mga makabuluhang usapin. Sumang-ayon din sina Halog at Bernas na may tungkulin ang mga pamantasang magsagawa ng masusing pananaliksik at pataasin ang lebel ng diskurso ukol sa karapatang pantao.

Paninindigan ni Bernas, “What are we gonna do now? We continue. Resist. Lumaban. Panghawakan ang prinsipyong lumaban bilang isang bayan!”