Mga natatanging kawani ng DLSU, binigyang-pugay sa Taunang Pagkilala at Parangal sa Paglilingkod

Kuha ni Niña Montiero

BINIGYANG-PASASALAMAT sa Taunang Pagkilala at Parangal sa Paglilingkod na may temang “Ugnayang Lasalyano: Pagseserbisyo sa Pamayanang DLSU” ang mga miyembro ng Pamantasang naghandog ng hindi matatawarang serbisyo sa loob ng sampu hanggang 45 taon sa Teresa Yuchengco Auditorium, Setyembre 26.

Ginawaran ang 222 kawaning Lasalyano, kabilang ang 139 na non-teaching at teaching faculty mula sa iba’t ibang kampus ng De La Salle University, at 15 mula sa sekondaryang antas. Pinarangalan din ang 12 administrative at professional service personnel, at 56 na home academic personnel sa programa.

Katatagan ng Lasalyanong koneksiyon

Pinahalagahan ni DLSU President Br. Bernard Oca, FSC ang matibay na ugnayang pantao sa panahon ng mga dihital na imbensiyon at ang gampanin ng pakikipag-ugnayan sa paghubog ng komunidad ng mga Lasalyano. Payo niya, “Lagi nating isapuso na maging mabuti sa lahat ng kapuwa. . . Lagi tayong bumangon na may ngiti upang harapin ang mga hamong darating na kaakibat ng ating paglilingkod.” 

Hinimok ni Oca ang mga Lasalyanong kumilos para sa serbisyo at huwag magpatinag sa paglaganap ng misimpormasyon at disimpormasyon sa lipunan. Pareho naman niyang isinaalang-alang ang rason at pananampalataya sa pagbubuklod ng komunidad, gayundin ang paggamit ng bukas na diyalogo upang itaguyod ang katotohanan.

Wika ni Oca, “Sa ating paglilingkod, marapat na isaisip at isapuso ang misyong Lasalyano. Ito ang nagpapayabong ng ating pagnanais na maging daan at pagbabago tungo sa isang matatag at makabuluhang lipunan.”

Walang humpay na dedikasyon

Ipinagkaloob ang Josefina H. Alburo AFSC Service Award sa mga kawaning naglingkod ng 35, 40, at 45 taon sa Pamantasan. Ilan sa mga kinilala sina Hon. Justice Jose Reyes Jr. mula sa Department of Commercial Law na nanilbihan ng 45 taon at Dr. Benito Teehankee mula sa Department of Management and Organization na nagserbisyo ng 40 taon bilang mga Lasalyanong propesor.

Sinariwa ni Teehankee ang kaniyang mga alaala sa Pamantasan kasama ang mga taong naging bahagi ng pananatili niya rito. Ibinahagi ng gurong nagsilbing motibasyon ang mga nanalig sa kaniya upang pagtibayin ang layunin niyang makapaglingkod. Paglalahad ni Teehankee, “Working in La Salle is more than just teaching or serving in offices. It’s really about building relationships and connections. I believe there is no problem we cannot solve as long as we work together.”

Samantala, ibinahagi ni Dr. Michael Charleston “Xiao” Chua, 15 years awardee mula sa Department of History, sa Ang Pahayagang Plaridel na isang mahalagang milya sa kaniyang karera ang pagkilala ng Pamantasan sa ibinuhos niyang serbisyo. Bagaman nakaranas siya ng burnout sa trabaho, binigyang-tuon ni Chua ang patuloy na paggamit ng inobasyon sa pagtuturo upang malampasan ito.

Pagnilay ni Chua, “‘Di ba you serve the marginalized, sabi ng ating vision-mission? We are not just serving our students, [but we also] try to serve our country.”