ISINAPINAL ang pagrerebisa ng Omnibus Election Code (OEC) at pagtatalaga ng ilang opisyal ng University Student Government (USG) sa ika-15 regular na sesyon ng Legislative Assembly (LA), Setyembre 25.
Pagwaksi sa mga suliranin ng COC
Isiniwalat ni Wakee Sevilla, EXCEL2024, na nagresulta ang mga probisyon ng OEC para sa pagsusumite ng mga kahingian ng Certificate of Candidacy (COC) sa mga kabiguan nitong General Elections (GE) 2024. Bunsod nito, isinulong ng ad hoc Committee on Electoral Affairs ng LA ang pag-enmiyenda sa naturang batas.
Pagsasamahin na ng mga partidong politikal ang impormasyon ng kanilang mga kandidato sa isang cover letter kada Laguna Campus Student Government, executive board, at college slate sa halip na ipasa ito para sa bawat indibidwal. Idinagdag naman ang Waiver for Conditional Acceptance of Candidacy bilang pagtugon sa mga teknikal na problema dulot ng mga server ng Pamantasan.
Kinakailangang lagdaan ng mga tagapamahala ng Team Drives at Google Drive folders ng Commission on Elections (COMELEC) ang isang non-disclosure agreement upang mapangalagaan ang kumpidensiyalidad ng papeles ng mga kandidato.
Nirepaso naman ang mungkahi ng komisyong magtakda ng petsa para sa pagsusumite ng mga C-02 o certifications of verification ng mga kandidato bago ang huling araw ng paghahain ng COC. Inalmahan ni Sai Kabiling, CATCH2T26, ang panukala sapagkat pinaiikli nito ang panahon ng mga estudyanteng magpasya hinggil sa kanilang kandidatura.
“To be very honest with COMELEC, sobrang hirap kasing mag-decide if ikaw ‘yung person na tatakbo, kasi there’s a lot of factors to consider. . . Gusto kasi natin may tumatakbo. But at the same time, may mga times na nahihirapan tayo magpatakbo ng tao,” pagsang-ayon ni Chief Legislator Elynore Orajay. Maglalabas na lamang ang COMELEC ng resolusyon para sa kabuoang iskedyul ng naturang proseso tuwing halalan.
Matatandaan namang inirekomenda ng mga lehislador ang lingguhang pre-check sa legislative inquiry kasama ang komisyon. Ipinaliwanag ni COMELEC Chairperson Denise Avellanosa na hindi rin napakikinabangan ang pre-check sa unang linggo ng paghahain ng kandidatura dahil ginagamit ng mga tatakbong indibidwal ang panahong ito para sa paghahanda ng kanilang mga rekisito.
Binigyang-linaw rin ni Avellanosa na hindi sinisiyasat ng COMELEC ang kawastuhan ng mga dokumento ng COC bago ang Exclusive Checking Day, bagkus tinitiyak lamang nilang kompleto ang mga dokumentong inilakip dito. Gayunpaman, pumayag siyang makipagpulong para sa dalawa hanggang tatlong pre-check at suriin ang nilalaman ng COC sa huling pagsasagawa nito.
Pahayag ni Sevilla, “This time, candidates can still rectify any fatal mistakes beyond clerical errors para we can avoid massive non-filing. Kasi, ‘yan naman ‘yung purpose ng pag-amend natin ng OEC ngayon.”
Muling maisusumite ng mga kandidato ang kani-kanilang file sa loob ng isa at kalahating oras matapos kompirmahin ng COMELEC na sira ang mga ito. Hahantong sa diskuwalipikasyon ang hindi pagsunod sa naturang panuntunan. Inaabisuhan din ang mga partido, koalisyon, at kandidatong kunan ng bidyo ang kanilang mga ipinasang dokumento para sa COC bilang patunay na gumagana ang mga ito.
Samantala, iminamandato ang COMELEC na ipantay ang mga araw ng pangangampanya para sa lahat ng kolehiyo kaugnay ng iskedyul ng hybrid setup sa Pamantasan. Hindi naman ibibilang ang mga araw ng Miyerkules at Sabado sa eksklusibong pangangampanya para sa anomang kolehiyo. Nasa labas din ng kalendaryo ang independent learning week, mga suspensiyon ng klase, at mga araw ng Linggo.
Inaprubahan ang panukalang batas sa botong 11 for, 0 against, at 0 abstain.
Pagpapatibay sa estruktura ng COMELEC
Sinuri ng lupon ang mga kandidato para sa pagkakomisyoner ng COMELEC. Tinutugunan ng hanggang dalawang komisyoner ang mga hinaing at katanungan ng mga estudyanteng tumatakbo para sa kani-kanilang kolehiyo tuwing eleksiyon.
Ibinahagi ni Sam Lambino, associate para sa Publicity and Creatives nitong GE 2024, na maaaring sumailalim ang mga associate ng COMELEC sa ilang buwang pagsasanay upang maging komisyoner. Tinututukan nila rito ang OEC, mga resolusyon ng komisyon, at mga kasong may kinalaman sa halalan ng USG.
Kinuwestiyon naman ni Orajay ang maisasakatuparan ni Lambino upang mahikayat ang mga estudyanteng bumoto. Pagbato niya, “Based on what I have observed, ‘yung effort to vote comes from the candidates and the parties, but there are very minimal efforts from COMELEC.”
Tiniyak ni Lambino na kasalukuyang nagsasagawa ng rebranding ang COMELEC upang palakasin ang presensiya nito sa pamayanang Lasalyano. Itinalaga siyang komisyoner ng COMELEC para sa College of Liberal Arts sa botong 11-0-0.
Inilahad naman ni Ashley Umandap, associate para sa Documentations and Logistics noong SE 2023, na hindi kuwalipikasyong magsilbi bilang ad hoc commissioner ng COMELEC bago maging ganap na komisyoner. Gayunpaman, mahalagang karanasan ito sa mga naghahangad sa permanenteng posisyon.
Itinalaga si Umandap bilang komisyoner ng COMELEC para sa College of Science sa botong 10-0-1.
Pagpapalakas sa hanay ng serbisyo
Pinangunahan ni Jami Añonuevo, BLAZE2026, ang pagtatalaga kay Sophia Reyes bilang komisyoner ng Commission on Audit (COA) para sa Ramon V. del Rosario College of Business (RVRCOB).
Bitbit ang apat na taong paglilingkod sa COA, ipinabatid ni Reyes ang kaniyang planong magdaos ng mga auditing workshop at pagsasanay para sa mga piling opisyal ng USG, kabilang ang mga batch president at batch vice president (BVP). Bibigyang-diin din niya ang nonpartisanship sa loob ng komisyon at paiigtingin ang komunikasyon sa ibang yunit ng USG gamit ang kanilang mga Telegram channel.
Inusisa naman ni Orajay ang mga hakbang ni Reyes upang epektibong magamit ang lahat ng miyembro ng COA. Ibinida ni Reyes na lumago ang kanilang populasyon sa 56 mula sa karaniwang 23 hanggang 29 na miyembro kasunod ng katatapos na Student Government Annual Recruitment ngayong buwan. Isinalaysay niyang isang opisina na lamang, sa halip na dalawa o tatlo, ang tututukan ng bawat auditor bunsod ng pagtaas ng kanilang bilang.
Kaugnay nito, pahihigpitin ni Reyes ang pamamalakad sa administrasyon at bibigyang-atensiyon ang yamang tao ng COA. Itinanghal siyang komisyoner ng COA para sa RVRCOB sa botong 11-0-0.
Nanumbalik si Sam Panganiban, dating FOCUS2023, sa LA floor bilang kandidato sa pagkakomisyoner ng Commission on Disability Inclusion (CDI). Binabalak niyang isulong ang pag-enmiyenda ng Disability Inclusion Act, partikular ang pagbuo ng mas malinaw na probisyon sa grievance process para sa mga Lasalyanong person with disability (PWD). Susuportahan din niya ang paggamit ng PWD lanyards o pins bilang pagkilala sa mga miyembro ng naturang komunidad.
“As a STRAW [LA Commission on Students’ Rights and Welfare] secretary previously, I worked with CDI before. . . Learning more about CDI, especially now na nabawasan sila ng tao and they’re actually more understaffed, I actually want to help them,” pahayag ni Panganiban. Hinirang siyang bagong Commissioner on Disability Inclusion sa botong 11-0-0.
Inihain naman ni Maurel Guyamin, 78th ENG, ang resolusyong nagtatalaga kay Red Rivera bilang BVP. Binusisi ni Añonuevo ang kakayahan ni Rivera na pagbalansehin ang mga gampanin ng naturang puwesto at ng kaniyang posisyon bilang junior officer (JO) sa Society of Manufacturing Engineers (SME).
Siniguro ni Rivera na hindi makahahadlang ang iba niyang tungkulin sa mga operasyon ng 78th ENG at isang proyekto lamang sa SME ang hahawakan niya bilang JO. Itinanghal siyang BVP sa botong 10-0-0.