PIYUksaan: Green Spikers, nauga sa Game 1 ng V-League Finals

Kuha ni Niño Almonte

LUMUPASAY ang De La Salle University (DLSU) Green Spikers sa pag-araro ng Far Eastern University (FEU) Tamaraws, 22–25, 20–25, 25–18, 19–25, sa unang sagupaan sa best-of-three finals series ng 2024 V-League Men’s Collegiate Challenge sa PhilSports Arena, Setyembre 29.

Nagsilbing bituin para sa DLSU si open spiker Yoyong Mendoza na bumalangkas ng 13 puntos mula sa sampung atake, dalawang block, at isang ace. Hinirang namang Player of the Game si FEU opposite hitter Zhydryx Saavedra matapos mamuro ng 19 na puntos buhat ng 16 na atake at tatlong block.

Bumungad ng atake sina Doula Ndongala at Saavedra upang sindakin ang Green Spikers sa pagsisimula ng laro, 0–3. Sa kabila nito, unti-unting humina ang opensa ng Tamaraws dulot ng sunod-sunod na unforced error na sinamantala ng DLSU gamit ang mga atake ni opposite spiker Rui Ventura, 14–13. Muling nabuhay ang panig ng Morayta-based squad nang magpakawala ang FEU ng 7–2 run sa pangunguna ni Saavedra upang gulantangin ang depensa ng Berde at Puting grupo, 16–20. Sinubukan pang tapyasin ng Taft mainstays ang kalamangan ng mga Tamaraw bago mag-init ang mga palad ni Saavedra at ganap na ibulsa ang unang set, 22–25.

Nanlalatang tabas ng mga pana ang tumambad sa ikalawang set dulot ng walang patid na pananalanta ng mga pakulo ni FEU playmaker Benny Martinez, 1–3. Tumugon agad si Y. Mendoza ng isang down-the-line hit, 3–4, ngunit lumagapak pa rin ang Green Spikers sa halimaw na presensiya sa net ng FEU, 6–10. Umalalay si DLSU open hitter Eugene Gloria sa pagmitsa ng magkasunod na puntos upang panandaliang hilumin ang pagdanak ng kalamangan ng mga taga-Morayta, 12–17. Gayunpaman, hindi inalintana ng rumaratsadang puwersa ng Morayta ang husay sa sahig ng Green Spikers at tuluyang pinasuko ang kalasag ng Taft sa bisa ng mga crosscourt na palo ni Saavedra upang wakasan ang set, 20–25.

Ibang anyo ng Green Spikers ang sumalubong sa ikatlong set dahil sa hindi matigatig na depensa sa ere ni Y. Mendoza na sumupalpal sa mga banat nina Saavedra at FEU Team Captain Jelord Talisayan, 3–0. Sa kabila ng pamamayani, nanumbalik ang paghihikahos ng Taft mainstays sa kanilang reception na lalong pinuruhan ni Mikko Espartero gamit ang isang alas, 7–6. Umihip ang hangin pabalik sa DLSU tangan ang 4–0 run matapos ang ilang beses na pagpalya ni Talisayan na maitawid ang kaniyang mga atake, 12–7. Nasilayan naman ang tayog sa kanan ni opposite spiker Ventura matapos tustusan ang bawat bato ni playmaker Eco Adajar, 19–14. Tuluyang dumausdos ang Tamaraws bunsod ng mga service error na naging tinta upang tuldukan ng Green Spikers ang set, 25–18.

Iniwan ng FEU ang mapait na sinapit sa nagdaang yugto matapos makauna sa ikaapat na set sa tulong ng mga tirada nina Amet Bituin at Lirick Mendoza, 6–8. Bumira ng crosscourt kill si Ventura upang maikamada ang opensa ng DLSU, ngunit sumagot ng 4–1 run ang hanay ng Berde at Ginto kasunod ng pagpayong ni L. Mendoza at pagtira ng off-the-block shot ni Saavedra, 7–12. Sinubukan pang kumana ni Gloria sa huling bahagi ng set, subalit masyado nang nakalulunod ang 13 unforced error na naglagay sa Green Spikers sa nakapanlalamong puwersa ng Tamaraws, 19–25. 

Tangan ng Green Spikers ang 0–1 panalo–talo kartada sa serye bunsod ng pagkadapa sa bakbakan. Susubukang maitabla ng Taft mainstays ang talaan sa parehong lugar sa ika-2:00 n.h. sa Miyerkules, Oktubre 2.