IKINULONG ng De La Salle University (DLSU) Green Archers ang nagpupumiglas na University of Santo Tomas (UST) Growling Tigers, 88–67, sa pagpapatuloy ng unang yugto ng University Athletic Association of the Philippines Season 87 Men’s Basketball Tournament sa Smart Araneta Coliseum, Setyembre 29.
Pinangunahan ni DLSU big man Michael Phillips ang kampanya ng luntiang pangkat buhat ang lumalagablab na double-double output mula sa 12 puntos, 18 rebound, dalawang assist, at isang block. Sumaklolo rin ang presensIya ni Green Archer Vhoris Marasigan tangan ang 11 marka, dalawang rebound, at isang steal. Pinaigting pa nina Kevin Quiambao, Raven Gonzales, at JC Macalalag ang opensa ng Taft mainstays matapos umukit ng sampung puntos. Sa kabilang banda, lumilok ng pinagsamang 31 marka sina Forthsky Padrigao at Nic Cabañero upang akayin ang laro ng mga tigre.
Nagsimula sa palitan ng tirada nina Growling Tiger Christian Manaytay at Green Archer Henry Agunanne ang unang minuto ng bakbakan, 3–2. Nakaabante ang España mainstays gamit ang 8–0 run sa bisa ng mga tres nina Padrigao at Glenn Danting, 3–10. Pagdako ng 1:53 marka, idinikit ni DLSU shooting guard Earl Abadam ang talaan sa pagpasok ng isang second chance midranger, 13–18. Samantala, napilitang lumabas ng kort si reigning Most Valuable Player Quiambao matapos ang pagdurugong natamo sa masamang pagbagsak kaugnay ng hand swipe ni Growling Tiger Migs Pangilinan na tinawagan ng unsportsmanlike foul sa 1:12 marka. Sa kabila nito, nagpasiklab si DLSU rookie Andrei Dungo sa free throw line para sa nalalabing oras ng unang yugto at ibinalik ang bentahe sa luntiang koponan, 19–18.
Matagumpay na ipinasok ni Marasigan ang bola upang simulang palablabin ang opensa ng mga taga-Taft pagdako ng ikalawang kuwarter, 21–18. Kalaunan, muling umiskor si Gonzales gamit ang layup na nagtulak pabalik sa limang puntos na bentahe ng Green Archers, 23–18. Gayunpaman, gumanti ang UST sa bisa ng tirada ni point guard Padrigao, 23–22. Lalong umigting ang agwat ng Berde at Puting koponan nang magpakitang-gilas si Marasigan ng reverse layup, 33–29. Sinubukang makabawi ng mga tigre kaakibat ang isang free throw ni Manaytay, ngunit namayagpag pa rin ang Green Archers sa pagtatapos ng first half, 36–28.
Pinalaki pa ni CJ Austria ang kalamangan ng Green Archers sa pagsisimula ng ikatlong kuwarter, 38–31. Isiniwalat naman ni Padrigao ang kaniyang matinding pangil at nagbitaw ng tres para sa UST, 41–34. Agad tumugon si Phillips matapos humataw ng isang nakagigimbal na dunk, 43–34. Hindi nagpatinag si Growling Tiger Cabañero at nagpakawala ng puntos sa labas ng arko, 49–42. Matagumpay namang nakahanap ng butas sa depensa ng Green Archers si Growling Tiger Geremy Robinson, 59–46. Gayunpaman, pinawalang-bisa ni Phillips ang pagratsada ng UST matapos magtala ng dalawang puntos sa pagwawakas ng naturang yugto, 61–52.
Kaagad na dinagundong nina Green Archer EJ Gollena at Macalalag ang labas ng arko sa pagsisimula ng huling yugto, 67–52. Tumikada ng tres para sa España-based squad si Amiel Acido, ngunit nagawa itong neutralisahin ni point forward Macalalag sa 6:09 na marka, 72–58. Kumumpas din ng pasiklaban sina Agunanne at Cabañero sa loob, 76–62. Tuluyang kumamada ang Taft mainstays sa huling dalawang minuto ng sagupaan sa pangunguna ng three-point shot ni rookie Alex Konov, 88–64, bago magbato si Acido ng pangwakas na field goal, 88–67.
Ibinahagi ni Phillips ang naging susi ng kanilang koponan tungong tagumpay sa kabila ng pagpalya sa unang bahagi ng salpukan. Paglalahad niya sa Ang Pahayagang Plaridel, “We really feed off each other’s energy, you know what I mean? When we really [were not] going on offense, we really tried to do our bread and butter, which is our defense. And so, you can see the energy all throughout the 16 guys, especially on the bench. I really appreciate them.”
Umangat sa 5–1 panalo–talo kartada ang Green Archers matapos ikadena ang mga tigre. Bitbit ang momentum, susubukang mantsahan ng Taft mainstays ang malinis na baraha ng University of the Philippines Fighting Maroons sa pagtatapos ng unang yugto ng torneo sa parehong pook sa ika-6:30 n.g. sa Linggo, Oktubre 6.
Mga Iskor:
DLSU 88 – Phillips 12, Marasigan 11, Quiambao 10, Gonzales 10, Macalalag 10, Agunanne 7, Austria 6, Gollena 6, Dungo 6, David 4, Abadam 3, Konov 3, Ramiro 0.
UST 67 – Cabañero 16, Padrigao 15, Acido 9, Manaytay 8, Tounkara 5, Llemit 5, Danting 5, Robinson 2, Lane 2, Calum 0, Estacio 0, Paranada 0, Mahmood 0, Crisostomo 0, Pangilinan 0, Laure 0.
Quarter scores: 19–18, 36–28, 61–50, 88–67.