Lady Archers, ininda ang kagat ng Growling Tigresses

Kuha ni Andre Abas

NASAWI ang De La Salle University (DLSU) Lady Archers sa kamay ng mabangis na University of Santo Tomas (UST) Growling Tigresses, 68–76, sa kanilang unang paghaharap sa University Athletic Association of the Philippines (UAAP) Season 87 Women’s Basketball Tournament sa Smart Araneta Coliseum, Setyembre 29.

Nanguna sa kampanya ng Lady Archers si Patricia Mendoza na kumamada ng double-double output tangan ang 21 puntos, 18 board, at dalawang steal. Umalalay rin si Lee Sario bitbit ang 13 puntos at walong rebound. Sa kabilang banda, kinilalang Player of the Game si reigning UAAP Athlete of the Year Kent Pastrana na kumayod ng 21 puntos, sampung board, apat na steal, at tatlong block. 

Bumungad sa unang kuwarter ang gising na diwa ng Berde at Puting hanay hango sa stepback three-pointer ni Sario, 5–2. Sa pagpapatuloy ng bakbakan, natuon ang atensiyon ng Growling Tigresses sa kapapasok lamang na si DLSU guard Luisa San Juan. Sinalisihan naman ni Mendoza ang depensa at tumantos ng marka sa labas ng arko, 10–5. Lalong dumistansiya ang Taft mainstays bunsod ng pagdomina sa offensive rebounds na nakapaghatid ng magkasunod na second-chance points mula kina San Juan at Luisa Dela Paz, 17–7. Sinara ng DLSU ang unang yugto bitbit ang komportableng kalamangang siniguro gamit ang mga perpektong pagtatangka sa free throw line nina Mendoza at Sario, 27–20.

Ipinamalas agad ni Brigette Santos ang tulis ng kaniyang pangil matapos pumoste ng anim na puntos para sa gintong koponan sa unang 40 segundo ng ikalawang yugto, 27–26. Nakatudla ng midranger si Mendoza na sinagot ng lumalagablab na tres ni Growling Tigress Pastrana upang itabla ang talaan, 29–all. Pagsapit ng 3:43 marka, nagpasiklab sa loob ng arko ang scoring trio nina Claudine Santos, San Juan, at Kyla Sunga na umukit ng 6–0 run para sa Taft-based squad, 29–35. Sa kabila ng pagkumahog ng mga tigre, napasakamay ng Lady Archers ang bentahe sa pagtatapos ng first half, 37–36.

Sa panunumbalik ng mainit na laban, umentrada ng easy layup si Lady Archer Sunga mula sa pasa ni Arabel Bacierto, 39–36. Mabilis namang nakabawi ang Growling Tigresses matapos umariba mula sa technical foul at backdoor play, 39–all. Rumatsada rin si Growling Tigress Gin Relliquette upang dakmain ang kalamangan, 47–49. Sinubukang pakalmahin ni San Juan ang momentum ng Growling Tigresses sa bisa ng block kasunod ng free throw ni Mendoza, 48–49. Subalit, pinakinabangan ng España-based squad ang sari-saring turnover ng mga taga-Taft upang angkinin ang ikatlong kuwarter, 53–56.

Nagpatuloy ang pagpapakitang-gilas ng Growling Tigresses matapos magtala ng 11–0 run bitbit ang mga tirada nina Pastrana sa tres at Maglupay sa midrange sa pagbubukas ng huling yugto, 53–67. Nanatili namang nagliliyab ang Taft mainstays kasunod ng pagpapakawala ni Mendoza ng nagbabagang tres, 56–67. Gayunpaman, hindi nagpasindak si Growling Tigress Karylle Sierba at humirit ng puntos sa loob at labas ng arko, 59–74. Sinubukan pang bumawi nina Sario at Mendoza sa free throw line, subalit huli nang kontrolin ang pamamagang dulot ng Growling Tigresses, 68–76.

Nananatili sa ilalim ng ranggo ang Lady Archers tangan ang 1–5 panalo–talo baraha. Susunod na makahaharap ng Berde at Puting pangkat ang University of the Philippines Fighting Maroons sa parehong lugar sa ika-1:30 n.h. sa Linggo, Oktubre 6. 

Mga Iskor:

DLSU 68 – Mendoza 21, San Juan 16, Sario 13, Camba 4, C. Santos 4, Dela Paz 4, Bacierto 2, Sunga 2, Paraiso 2, Rodriguez 0, Dalisay 0.

UST 76 – Pastrana 21, Sierba 16, B. Santos 12, Maglupay 8, Soriano 6, Bron 5, Ambos 4, Relliquette 2, Tacatac 2, Dionisio 0, Serrano 0, Danganan 0, Pescador 0, Pineda 0.

Quarter scores: 27–20, 37–36, 53–56, 68–76.