SININDAK ng De La Salle University (DLSU) Lady Spikers ang nagmamatapang na puwersa ng University of the Philippines (UP) Fighting Maroons, 25–14, 18–25, 26–24, 25–12, sa kanilang pagtutuos sa 2024 Shakey’s Super League Preseason Championship sa Rizal Memorial Coliseum, Setyembre 28.
Itinanghal na Player of the Game sina opposite spiker Shevana Laput na nagrehistro ng 18 puntos mula sa 17 atake at isang ace, at open spiker Angel Canino na nagtala ng 16 na marka. Sa kabilang panig, pinangunahan ni opposite hitter Kianne Olango ang Fighting Maroons matapos kumamada ng 12 puntos mula sa 11 atake at isang block.
Maalab ang naging simula ng Lady Spikers sa unang set matapos magpasiklab ng mga atake si DLSU opposite spiker Laput, 8–2. Patuloy na umarangkada ang Taft mainstays sa bisa ng power tip ni Lilay Del Castillo at down-the-line hit ni Canino upang iangat ang kanilang kalamangan sa pito, 12–5. Sinubukang umangal ni UP open hitter Irah Jaboneta na nagpakawala ng dalawang magkasunod na off-the-block hit, ngunit naging masyadong makamandag ang tapang ni Del Castillo at tuluyang inangkin ang naturang yugto sa isang service ace, 25–14.
Matapos dominahin ng luntiang kampo ang unang yugto, agad na naghiganti ang ikalawang stringers ng Fighting Maroons sa pagbuwelta nina Olango at Bienne Bansil, 0–2. Pumorma naman ang Lady Spikers sa hindi mahulugang depensa ni libero Franceska Rodriguez, subalit bigo itong suklian ng mga nagngingitngit na set ni Eshana Nunag na nagpapurol sa opensa ng grupo, 7–11. Nagpumiglas si Mikee Santos mula sa sandaling pagkapako ng DLSU upang pabulusukin ang back-to-back na puntos at ibaba ang bentahe ng UP sa isa, 12–13. Unti-unting dumikit ang koponan mula sa Taft bunsod ng pagresponde nina Canino at playmaker Jules Tolentino. Gayunpaman, hindi ito naging sapat upang pigilan ang paghulog ng mauutak na drop ball at pagputo ng mga taga-Diliman, 18–25.
Nangapa ang Lady Spikers sa pagpitik ng ikatlong set matapos bigong salagin ang puwersa nina Fighting Maroon Olango at Jaboneta sa ere, 2–4. Sa pagtahimik ng karakas ng Taft-based squad, nagsimulang kabigin ni Canino ang manibela upang pagliyabin ang bawat bolang ipinihit sa kaniya, 22–17. Ginulantang naman ng UP ang DLSU matapos tumarak ng sariling ingay mula sa 5–0 run, 22–all. Pumorsiyento si Tolentino sa pagpapagana kay Laput na bumomba ng crosscourt hit, 25–24. Agaran itong sinundan ni DLSU middle blocker Amie Provido gamit ang single block kontra kay Kassandra Doering upang waging hablutin ang yugto, 26–24.
Sa kabila ng pagkapanalo sa nagdaang set, matibay na depensa sa net ang sumalubong sa luntiang koponan kasunod ng pagrehistro ni Doering ng dalawang magkasunod na block, 0–2. Hindi naman nagpatinag si Laput at binasag ang pader ng Fighting Maroons na sinundan pa ng service ace ni Provido upang maibalik ang kalamangan sa DLSU, 6–4. Pinaigting ng Lady Spikers ang kanilang pamamayagpag matapos magpakawala ng 10–1 run sa pangunguna nina Canino at Laput, 16–5. Ganap na napasakamay ng DLSU ang kanilang unang panalo sa torneo sa bisa ng crosscourt attack ni Laput, 25–12.
Nagningning ang Lady Spikers sa Pool C tangan ang 1–0 panalo–talo kartada. Sunod nilang pauulanan ng mga pana ang hanay ng Colegio de San Juan de Letran Lady Knights sa parehong lunan sa ika-3:30 n.h., Oktubre 11.