Green Archers, niyanig ang lupon ng Tamaraws

Kuha ni Riezl Gayle

BINUWAG ng De La Salle University (DLSU) Green Archers ang puwersa ng Far Eastern University (FEU) Tamaraws, 68–62, sa kanilang bakbakan sa unang yugto ng University Athletic Association of the Philippines Season 87 Men’s Basketball Tournament sa Smart Araneta Coliseum, Setyembre 25.

Dinagundong ni Player of the Game Michael Phillips ang kort gamit ang sumisiklab na double-double output mula sa 13 puntos, 14 na rebound, dalawang assist, at dalawang block. Lumilok din ng sariling bersiyon ng double-double si reigning Most Valuable Player Kevin Quiambao bitbit ang 12 puntos, 11 rebound, walong assist, at tatlong steal upang pag-alabin ang kampanya ng Green Archers. Samantala, pinangunahan ni Tamaraw John Rey Pasaol ang pagragasa ng FEU sa bakbakan tangan ang 13 puntos at tatlong rebound, assist, at steal.

Maagang kinalampag ni power forward Kevin Quiambao ang sagupaan matapos bumulsa ng isang nakababagabag na step-back shot, 11–4. Agad namang humarurot ng isang tira mula sa labas ng arko si Tamaraw Jorick Kyle Bautista upang puksain ang kalamangan, 11–7. Sa kabila nito, nagpatuloy ang momentum ng Berde at Puting pangkat nang tumudla ng isang hook shot si shooting guard CJ Austria, 17–9. Ibinulsa ng Green Archers ang unang yugto sa bisa ng skyhook ni center Henry Agunanne, 19–13,

Mariing inilusot ni Pasaol ang layup pagpatak ng ikalawang kuwarter upang tapyasin sa apat na marka ang kalamangan ng mga nakaberde, 19–15. Subalit, pumuwesto sa labas ng arko si EJ Gollena at pinakawalan ang unang tres ng Green Archers sa naturang yugto, 22–15. Hindi naman nagpaawat si foreign student Mohamed Konateh at kumumpas ng floater kontra sa depensa ng DLSU, 35–28. Sa kabila ng tangkang pagdikit, tuluyan nang pinahinto ni Green Archer Lian Ramiro ang pag-abante ng Tamaraws matapos magpakawala ng tres sa nalalabing 0:02 ng first half, 38–28.

Pumitik sa 12 markang kalamangan ang Taft-based squad matapos isalaksak ni Quiambao ang jumper shot sa pagsisimula ng ikatlong yugto, 40–28. Humirit naman ng dalawang puntos ang Tamaraws nang hakutin ang iskor sa dalawang matagumpay na free throw shot, 45–36. Ngunit, hindi nagpaawat ang higante ng Taft na si Aguananne upang humarurot ng atake gamit ang putback point, 47–36. Mula sa agapay ng bullet pass ni Quiambao, ipinako ni Gonzales ang kalamangan matapos tumikada ng puntos, 49–43. Umalingawngaw ang kompetisyon sa pagitan ng dalawang kampo matapos maglatag ng puntos ang Morayta-based squad mula sa labas ng arko sa pagtatapos ng kuwarter, 51–50. 

Muling pumalag ng layup si Tamaraw Miguel Ona upang tuluyang ungusan ang Taft mainstays sa pagbubukas ng huling kuwarter, 53–52. Sa pagbulusok ng tensiyon, sinupalpal ni Phillips ng dunk shot ang kabilang koponan upang ibalik ang momentum sa Berde at Puting pangkat, 57–56. Dinomina ng Taft-based squad ang talaan nang ibulsa ang 4–0 run mula sa pagkaripas ng reverse layup ni Agunanne, 61–56. Tuluyang pinuksa ng Green Archers ang bakbakan nang kalawitin ni Gollena ang free throw shot, 68–62. 

Nakabalik ang Green Archers sa talaan ng mga panalo tangan ang 4–1 panalo–talo kartada matapos ang kanilang pagkasindak sa University of the East Red Warriors. Susubukang makalikom ng tagumpay ng mga taga-Taft mula sa mabagsik na University of Santo Tomas Growling Tigers sa parehong lugar sa ika-4:30 n.h. sa Linggo, Setyembre 29. 

Mga Iskor:

DLSU 68 – Phillips 13, Quiambao 12, Abadam 9, Agunanne 9, Gonzales 8, Gollena 6, David 3, Macalalag 3, Ramiro 3, Marasigan 2, Austria 0, Dungo 0, Rubico 0.

FEU 62 – Pasaol 13, Konateh 12, Pre 11, Bautista 9, Alforque 6, Montemayor 5, Nakai 4, Ona 2, Daa 0, Bagunu 0.

Quarter scores: 19–13, 38–28, 51–50, 68–62.