TAMAnaRAW: Lady Archers, iginuhit ang unang panalo sa UAAP Season 87

mula UAAP Media Group

BINASAG ng De La Salle University (DLSU) Lady Archers ang nanunuyo nilang kampanya matapos araruhin ang Far Eastern University (FEU) Lady Tamaraws, 89–65, sa kanilang unang duwelo sa University Athletic Association of the Philippines (UAAP) Season 87 Women’s Basketball Tournament sa Smart Araneta Coliseum, Setyembre 25.

Nagningning ang galing ni Lady Archer Luisa San Juan matapos kumamada ng 34 na puntos mula sa pambihirang sampung tres, anim na rebound, at dalawang assist. Hindi naman nakaligtaang umalalay ng double-double performance nina Patricia Mendoza, sukbit ang 16 na puntos at 15 rebound, at Kyla Sunga, tangan ang 14 na puntos at 15 rebound. Sa kabilang dako ng kort, namayagpag para sa Lady Tamaraws si MJ Manguiat na umani ng 19 na puntos, apat na assist, at apat na rebound.

Maagang pumabor sa hanay ng Lady Tamaraws ang sagupaan matapos ungusan ang Lady Archers sa unang mga minuto, 2–5. Mabilis na umagapay si San Juan para sa kampo ng Taft nang magpakawala ng tres upang ikadena ang salpukan, 5–all. Dahan-dahan ding sumulpot ang kagilasan ng iba pang armas ng Taft sa pagkurba nina Mendoza, Lee Sario, at Claudine Santos upang iwaksi ang puwersa ng Lady Tamaraws, 21–10. Nasalanta pa ng mga turnover ang FEU na siyang pinalala ng mga offensive rebound ni Sunga na naging sanhi ng tuluyang pagpabor ng yugto sa Berde at Puti, 25–10.

Sukbit ang nag-aalab na mga galamay mula sa unang kuwarter, dikdikang depensa sa ilalim ang ipinamalas ni Sunga sa kaniyang pagposte ng sunod-sunod na rebound para sa Taft mainstays. Hindi naman nagpahuli at sumubok ng kaniyang bersiyon ng tres si Lady Tamaraw Shane Salvani na agad nirespondehan ng back-to-back na marka ni Sunga sa loob ng paint, 29–13. Sa kabila ng pamamayagpag ng Lady Archers, namuhunan sa mga fastbreak play ang mga taga-Morayta, 30–17. Nagpatuloy ang mga kalkuladong yabag ng dalawang kampo mula sa palitan ng mga umaatikabong three-point shot na pinangunahan nina San Juan at Manguiat, 38–23. Ngunit, nanindigan ang pagtagas ng kalamangan ng Lady Archers para selyuhan ang ikalawang bahagi ng puksaan, 42–31.

Binuksan ni Lady Tamaraw Maria Fe Paras ang ikatlong kuwarter gamit ang dalawang puntos, ngunit agad na nagising ang diwa ni Sunga at bumira ng limang puntos para sa Taft, 49–35. Hindi naman nagpasindak si Manguiat at pumukol ng back-to-back na tres upang tapyasin ang kalamangan sa pitong marka, 49–42. Hindi nag-atubili ang hanay ng Berde at Puti bunsod ng pananalanta ng three-pointer nina San Juan at Micay Rodriguez na nagbalik sa grupo sa tuktok, 55–45. Muli namang pumukol ng tres si San Juan upang itarak sa Lady Archers ang kabanata, 60–52.

Naalarma ang depensa ng Lady Archers na nagpahinto sa kanilang lumolobong bentahe kasunod ng pag-init nina Lady Tamaraw Maxene Dela Torre at Rea Ong, 60–56. Gayunpaman, agad na tinupok ni Mendoza ang tangkang paglagablab ng mga taga-Morayta at umindayog ng 5–0 run upang muling ibalik ang 11 bentahe ng DLSU, 67–56. Kumaripas na ang mga nakakikilabot na tres nina Lady Archer San Juan at Mendoza na nagpatibay sa kanilang kalamangan, 80–60. Sa huling dalawang minuto ng laro, patuloy na humaltak ng isang jumper at isa pang three-pointer si San Juan upang tuluyang mapuntirya ang kanilang unang tagumpay ngayong season, 89–65.

Nilisan ni San Juan ang tapatan dala ang pambihirang UAAP record bilang isa sa may pinakamaraming three-pointer sa isang laro. Binigyang-diin ni DLSU Head Coach Cholo Villanueva na bunga ito ng pagpupursigi ni San Juan sa mga ensayo. Wika naman ni San Juan sa Ang Pahayagang Plaridel, “I just did my role, ‘yung mga pinapagawa sa’kin ni Coach Cholo.”

Matapos makasilat ng kanilang unang panalo sa torneo, nananatili pa rin sa ilalim ng talaan ang Lady Archers bitbit ang 1–3 panalo–talo kartada. Susubukan ng Taft mainstays na lalong pag-initin ang kanilang mga pana laban sa University of Santo Tomas Golden Tigresses sa parehong lugar sa ika-11:30 n.u., Setyembre 29.

Mga Iskor: 

DLSU 89 – San Juan 34, Mendoza 16, Sunga 14, Sario 9, Paraiso 4, Dela Paz 3, Rodriguez 3, Santos 3, Bacierto 2, Camba 1

FEU 65 – Manguiat 19, Salvani 13, Lopez 8, Dela Torre 7, Ong 7, Gavaran 5, Villanueva 2, Nagma 2, Paras 2

Quarter scores: 25–10, 42–31, 60–52, 89–65.