IKINADENA ng De La Salle University (DLSU) Green Spikers ang hanay ng University of Santo Tomas (UST) Golden Spikers, 25–23, 26–24, 23–25, 23–25, 15–11, upang selyuhan ang tiket sa pinal na yugto ng 2024 V-League Men’s Collegiate Challenge sa PhilSports Arena, Setyembre 25.
Itinanghal na Player of the Game si DLSU open spiker Chris Hernandez matapos magrehistro ng 15 puntos mula sa 14 na atake at isang block. Tumulong din sa panig ng Taft-based squad si opposite spiker Rui Ventura na nagsumite ng 17 marka. Sa kabilang dako, pinangunahan ni open hitter Jan Macam ang Golden Spikers matapos kumamada ng 17 puntos mula sa 13 atake at apat na block.
Dikitang sinimulan ng dalawang koponan ang laro sa pagpapalitan ng mga atake, 11–all. Pumorsiyento naman si DLSU wing spiker Yoyong Mendoza mula sa over-receive ng Golden Spikers upang ibigay ang kalamangan sa luntiang grupo, 12–11. Nagpatuloy ang pagpapakitang-gilas ng dalawang koponan bago linlangin ni Macam ang depensa ng Berde at Puti sa bisa ng isang drop ball, 18–17. Sa kabilang banda, hinulugan ni DLSU playmaker Eco Adajar ang butas na depensa ng UST upang makuha ang set-point advantage, 24–23. Hindi na nga nagpapigil pa ang Green Spikers at tinuldukan na ang unang set gamit ang crosscourt attack ni Hernandez, 25–23.
Sariwa sa pagkanti ng unang yugto, agad na sinalansan ng Green Spikers ang 4–1 run sa bisa ng manipis na cutshot ni Hernandez. Sinubukan namang sindihan ni Macam ang opensa ng mga tigre, bagaman sinalag ni Mendoza ang bawat bombang pinakawalan gamit ang masugid na depensa sa sahig, 9–5. Sa pagpapatuloy ng set, unti-unting lumapit ang UST sa talaan buhat ng pagdagsa ng mga service error ng Green Spikers, 11–10. Nagpatuloy ang gitgitan ng mga kampo, subalit namayagpag si Macam matapos tipakin ang crosscourt shot ni Ventura, 18–all. Isinuko ng UST ang set kasabay ng bigong pagkabig ni open hitter Gboy De Vega, 26–24.
Agresibo ang naging bungad ng Green Spikers sa simula ng ikatlong set dala ng mga atake nina middle blocker Eric Layug at Joshua Magalaman, 8–6. Nagpasiklab para sa UST si De Vega, ngunit hindi nito napigilan ang bagsik ni Mendoza sa kuwatro at nanatili ang kalamangan sa luntian, 16–14. Gayunpaman, nagsunod-sunod ang unforced error ng DLSU na sinabayan pa ng maaanghang na atake nina Golden Spiker Popoy Colinares at Trevor Valera. Bunsod ng pag-alab sa dulong bahagi, napasakamay ng mga tigre ang naturang yugto, 23–25.
Matuling rumatsada ang Green Spikers pagtungtong ng ikaapat na set. Gayunpaman, pinaigting ng España-based squad ang kanilang depensa sa net upang makamtan ang limang puntos na bentahe, 5–10. Sa kabilang panig, kumayod si Hernandez upang itabla ang talaan, 17–all. Nagpatuloy ang pagningning ni Hernandez matapos magbitaw ng isa pang crosscourt attack at ibigay ang kalamangan sa Green Spikers, 22–20. Samantala, nilinlang ni UST playmaker Dux Yambao ang depensa ng Taft mainstays sa bisa ng 1-2 play, 22–23. Nagtuloy-tuloy ang pag-arangkada ng Golden Spikers sa naturang yugto kasunod ng error ni DLSU sophomore Ventura, 23–25.
Ginulantang ni setter Adajar ang bantayog ng mga taga-España matapos magpakawala ng palo mula sa kanan, 6–4. Pinangunahan pa nina DLSU rookie Hernandez at UST rookie Macam ang pagragasa ng dalawang koponan sa pagpapatuloy ng ikalimang set, 10–8. Umalagwa naman ang gilas ni Layug sa gitna upang ihain ang match point para sa Taft mainstays, 14–11. Tuluyan nang naisalba ng Green Spikers ang pag-asang madepensahan ang kanilang korona sa torneo sa service error ni UST opposite hitter Al-Bukharie Sali, 15-11.
Naireserba ng mga taga-Taft ang huling tiket sa finals ng torneo tangan ang 2–1 panalo–talo kartada sa nagtapos na serye. Makatutunggali ng Green Spikers ang hanay ng Far Eastern University Tamaraws sa huling yugto ng paligsahan sa parehong lugar sa ika-6:00 n.g. sa Linggo, Setyembre 29.