INIHAIN ng Legislative Assembly (LA) at Commission on Elections (COMELEC) ang kanilang mga rekomendasyon para sa pag-enmiyenda ng Omnibus Election Code (OEC) sa isinagawang inquiry sa ika-14 na regular na sesyon, Setyembre 18. Iniuugnay ito sa pagtatapos ng tatlong terminong pagbabawal sa mga rebisyon sa OEC, alinsunod sa Artikulo 12, Seksyon 2 na ipinasa ng LA noong Setyembre 2023.
Inihalal din si Mikayla Sanchez, dating chairperson para sa Legislative Affairs ng BLAZE2025, bilang batch vice president (BVP).
Kahinaan at kalakasan ng OEC
Isinailalim ni COMELEC Chairperson Denise Avellanosa ang OEC sa Strengths, Weaknesses, Opportunities, and Threats analysis. Bagaman kapuri-puri ang komprehensibong estruktura ng batas, lubos aniyang nakasalalay ang mga panuntunan nito sa online na proseso.
Ibinato ni Chief Legislator Elynore Orajay sa LA floor ang isyu ng mga nasirang dokumentong nagresulta sa diskwalipikasyon ng mga kandidato noong Special Elections (SE) 2023. Pagbusisi niya, “It can be valid. . . baka may corrupted file talaga sila. Pero. . . puwede rin kasi magka-trust issue si COMELEC na what if it was done on purpose kasi hindi maaabot ‘yung deadline?”
Inirekomenda ni Avellanosa ang pagbibigay-akses sa Document Tracker System ng komisyon upang mabantayan ng mga kandidato ang kanilang mga dihital na papeles. Samakatuwid, magsisilbi itong gabay sa konsultasyon ng mga kandidato tungkol sa kani-kanilang Certificate of Candidacy (COC).
Siniyasat din ng magkabilang panig ang naging suliranin ng Santugon sa Tawag ng Panahon (SANTUGON) sa pagpapasa ng COC nitong General Elections 2024. Ipinaliwanag ni Avellanosa na nararapat magsumite ng apela ang mga partidong politikal o tatakbong kandidato sa COMELEC tatlong araw bago matapos ang paghahain ng kandidatura. Subalit, natanggap lamang ng komisyon ang hinaing ng SANTUGON sa huling petsa nito. Inilatag naman ni Irish Garcia, FAST2022, ang planong isabatas ang lingguhang pre-check para sa COC.
Tinutukan din ni Wakee Sevilla, EXCEL2024, ang burukratikong proseso ng pagpapasa ng cover letter para sa bawat kandidato. Nilalaman ng cover letter ang impormasyon ng mga estudyante at selyo ng kanilang kinabibilangang partido. Bunsod nito, magsusumite na lamang ang mga partido ng isang cover letter para sa kaniya-kaniyang executive board at college slate.
Iminungkahi naman ng mga partidong ilipat sa mga komisyoner ng COMELEC ang responsibilidad ng pagsusumite ng mga C-02A o certificate of verification sa Office of Student Leadership, Involvement, Formation, and Empowerment (SLIFE). Unang nilalagdaan ng COMELEC ang naturang dokumento bago muling ibalik sa mga partido o independiyenteng kandidato na hihingi ng pag-apruba mula sa SLIFE.
Ipinabatid ni Avellanosa na hindi ito maisasakatuparan ng kasalukuyang estruktura ng COMELEC dahil College of Liberal Arts pa lamang ang may komisyoner. Magiging pagsubok din aniya ang pagkompleto sa hanay ng mga komisyoner para sa SE 2024 dahil sa kinakailangang pagsasanay upang maitalaga sa naturang posisyon.
Pagsuri sa kalendaryo ng eleksiyon
Tinalakay rin ng LA at COMELEC ang kalendaryo ng SE 2024. Kinuwestiyon nina Orajay at Garcia ang pagsaklaw ng mga petsa ng naturang kalendaryo sa araw ng Linggo at sa independent learning week (ILW).
Magsisimula ang ILW sa Oktubre 28 habang magtatagal ang panahon ng pangangampanya mula Oktubre 30 hanggang Nobyembre 13. Inilahad ni Avellanosa na kinailangang pahabain ng COMELEC ang iskedyul nito dahil hindi sapat ang isang linggong nakasanayan. Balak din niyang buksan 24-oras ang komisyon sa kasagsagan ng nasabing yugto.
Ipinunto ni Huey Marudo, FAST2023, ang paglalaan ng mas maraming petsa para sa pangangampanya upang hindi ito tumama sa araw ng Linggo at maiwasan ang voter burnout. Ipinaalala naman ni Avellanosa na mahigpit ang iskedyul ng eleksiyon, sapagkat isinasaalang-alang nito ang academic calendar upang maidaos ang halalan sa loob ng isang termino.
Giit ni Orajay, “‘Yung main concern lang naman namin is ILW, kasi totally wala talaga [ang mga estudyante sa kampus]. Understandable pa ‘yung Wednesday and Saturday.”
Inilatag din ni Garcia ang pagtatakda sa AnimoSpace bilang pangunahing midyum ng pagboto sa OEC. Magtatapos ang SE 2024 sa Nobyembre 18 upang magbigay-daan sa activity ban at pinal na pagsusulit ng mga estudyante sa mga kasunod na linggo. Ibinahagi naman ni Avellanosa ang kaniyang planong maglabas ng feedback form para sa pangangalap ng sentimiyento ng mga estudyante sa dulo ng bawat eleksiyon.
Pagbabago sa pamamahala
Pinangunahan ni Reneese Aquino, BLAZE2025, ang pagtatalaga kay Sanchez bilang BVP. Tiniyak ni Sanchez na napatatag ng kaniyang karanasan sa lehislatura ang pag-unawa niya sa mga pangangailangan ng kanilang batch, partikular na sa pagsasaayos ng daloy ng impormasyon sa loob ng naturang yunit.
“I know that my commitments really align with [the] USG, and I know I am capable of being able to handle all of the commitments that I have,” mensahe ni Sanchez. Itinalaga siya bilang BVP ng BLAZE2025 sa botong 7 for, 0 against, at 0 abstain.
Samantala, ibinalita ni Orajay na nakipag-ugnayan sa LA si Executive Secretary Aisha Khan para sa pag-enmiyenda ng Code of Conduct. Ipinaalala rin ni Orajay sa mga lehislador na kompletuhin ang listahan ng mga mababakanteng posisyon kada kolehiyo upang maipasa ito sa Office of the Executive Secretary. Bunsod ito ng inaasahang pagbibitiw ng mga opisyal ng University Student Government matapos palawigin ang panunungkulan ng kasalukuyang administrasyon.