Mula sa dibdib umaagos ang kapusukang pinagsasaluhan ng dalawang uhaw na kaluluwa. Sa sikmura naman nananahan ang mga halang na bitukang gasgas na. Patuloy na nagpapakalunod sa agos ng damdaming nanghahalina. Tinatanggap ang bawat halik kahit pa may ibang kalaguyo ang mga labi niya. Lahat sinusuong maging ang kadiliman ng kabisera makuha lamang ang ninanasang pag-ibig at ligaya.
Sa pagdiriwang ng Philippine Film Industry Month, muling binigyang-espasyo sa mga takilya ng Film Development Council of the Philippines ang mga klasikong pelikula ng mga Pambansang Alagad ng Sining, Setyembre 4 hanggang 27. Kabilang sa mga obrang ito ang Manila by Night, sa direksiyon ni Ishmael Bernal, na tumuklas sa mga lihim ng Maynila sa pagsapit ng dilim noong 1980. Sa gabing hayok ang diwa ng madla, ano nga ba ang nararapat makita ng iyong mga mata?
Sirko ng pag-ibig at pagkatao
Kasabay ng mga aninong nakamasid sa lagalag na gabi, naglipana ang nagtitingkarang ilaw sa entrada. Nakasisilaw man sa karaniwang mata, ito ang pugad ng mga taong tila nakawala sa hawla. Hindi alintana ang sikip ng eskinita sa mga nais makaalpas sa maduming sistema. Sa sulok ng maingay at magulong siyudad, nagkukubli ang mga sikretong nagbabadyang mabunyag.
Habang nakatanghod sa mapagkunwaring liwanag, unti-unting nalilibang ang mga taong nagbubulag-bulagan sa katotohanan. Walang awang binabayo ng mapanamantalang kadiliman ang pag-asa ng mga nangangarap ng kaginhawaan. Gayunpaman, sa ilalim ng kabilugan ng buwan, matutunghayan ang realidad ng Maynila sa mukha ng sari-saring katauhan.
Unang bumida si Alex, sa pagganap ni William Martinez, isang kabataang nalulong sa bisyo sa kabila ng nakagisnang pribilehiyo. Sinunod niya ang sariling layaw hanggang habulin siya ng taksil at mapaglarong tadhana. Nasadlak naman sa hirap ang karakter ni Orestes Ojeda na si Pebrero, isang taxi drayber na sali-saliwa ang prinsipyo. Tunay na pag-ibig ang ipinangako, subalit tatlong puso ang kaniyang binigo. Si Alex at Pebrero—dalawang lalaking may magkasalungat na danas, ngunit sa iisang kapalaran nagkatagpo.
Binigyang-katauhan naman ni Gina Alajar si Vanessa, isang kolehiyalang umasa at tumaya sa pag-ibig na panandalian lamang. Gayundin, walang anino ng pagdududang nagmahal si Baby, isang probinsiyanang pinagbidahan ni Lorna Tolentino. Sa kabilang banda, ginampanan ni Alma Moreno si Adelina, ang babaeng may lihim na katauhan dulot ng mapapait na karanasan. Puno ng pagdurusa ang sinapit ng tatlong kababaihang umibig lamang ang pagkakamali.
Sa pagganap ni Bernardo Bernardo bilang Manay Sharon, ipinakita ang isang baklang buong-pusong ibinigay ang sarili kahit sa mga taong hindi siya ang pinipili. Binigyang-buhay naman ni Cherie Gil si Kano, isang tomboy na may busilak na kalooban, ngunit nahahantad sa mundo ng droga. Samantala, ginampanan ni Rio Locsin si Bea, ang bulag na masahistang uhaw sa ginhawa. Tatlong iba’t ibang pagkataong pinaglaruan na para bang mga sirko—may kani-kaniyang pithaya at masalimuot na mga kuwento.
Pighati sa tadhanang ‘di pinili
Sala-salabat ang kanilang mga buhay, ngunit may iisang pangarap—ang makalaya sa dusa at pag-iisa sa piitan ng Maynila. Subalit, matindi man ang kasabikan nilang makaahon sa karalitaan, tila hinahadlangan sila ng buhay na kinagisnan. Pinahihiwatig nito ang mapait na katotohanang pribilehiyo ang kalayaang baguhin ang katayuan sa lipunan.
Higit pa rito, sa panahong wala nang kasiguraduhan ang kinabukasan, patalim ang tanging makakapitan. Gaya ng mamamayang walang ibang inaasahan, uunahin nang maibsan ang pangangailangan ng kalamnan bago pa makonsensiya ang isipan. Mas madali na lamang libangin ang sarili sa parausan kaysa harapin ang masaklap na kasalukuyan. Sa huli, nagsilbing panandaliang lunas ang pagpapakasasa sa adiksiyon at pagsabak sa prostitusyon laban sa nananalaytay na kanser ng lipunan.
Isang matalas na pagkritik ang pelikula sa kahirapang naranasan ng mga Pilipino noong dekada ’70 na pilit pinagtakpan ng diktadurang Marcos. Mula sa kawalan ng trabaho sa bansa, laganap na prostitusyon, adiksiyon, at kawalan ng edukasyon, hindi maikukubling sadlak sa putik ang masa habang nagpapakasasa sa karangyaan ang naghahari-hariang pamilya. Sa likod ng gintong imaheng inihahayag ng rehimeng Marcos, hindi mabubura ang dumi’t galos ng bansa sa kanilang walang pusong pamamahala.
Bukod dito, natural lamang ang kuha ng kamera, kaya mas lumitaw ang kulay ng gabi sa Maynila. Mapangahas ding naiparamdam sa mga manonood ang bawat sensasyon ng istorya. Marami mang mga sensuwal na eksena, hindi naging malaswa ang depiksiyon nito dahil sa mahusay na pagganap ng mga artista. Hindi nabitin ang mensahe ng pelikula, bagkus nakapaloob sa bawat linya ang sentimyento ng masa.
Pagmulat sa bayang salat
Tahasang ibinulgar ng pelikula ang marahas na buhay at makalat na kalakaran sa Maynila. Isiniwalat ng kuwentong ito ang mga lihim ng pag-ibig at pagkataong nasaklot sa panganib ng kabisera. Bumida rin ang iba’t ibang karakter bitbit ang kani-kanilang pait at ligaya.
Sa ilalim ng direksiyon ni Bernal, mariing siniyasat sa obra ang seksuwalidad, pagnanasa, kahinaan, at pagdurusa ng mga Pilipino sa panahon ng diktadura. Hindi nagtimpi ang pelikula sa paglantad sa katotohanang nararapat makita ng mga mata. Samakatuwid, mas madali mang lunukin ang ilusyon ng sarap at ginhawa, hindi ito ang papawi sa gutom ng mga tunay na sakdal sa dusa.
Bukod sa obrang ito, marami pang klasikong pelikulang Pilipino ang pamanang handog ng mga batikang direktor at artista. Higit pa sa pagpuno sa takilya ang layunin ng mga makulay at mapagpalayang literatura. May responsibilidad at kapangyarihan din ang mga pelikula ng nakaraang magmulat, mambulabog, at magpakilos ng makabagong diwa.