BIGONG MAPUKSA ng De La Salle University (DLSU) Lady Archers ang langkay ng Adamson University (AdU) Lady Falcons, 54–65, sa University Athletic Association of the Philippines Season 87 Women’s Basketball Tournament sa Smart Araneta Coliseum, Setyembre 11.
Nagpasiklab si Lady Archer Lee Sario sa pagpapatuloy ng kanilang kampanya matapos magtala ng 12 puntos, walong rebound, apat na assist, at isang steal. Hindi rin nagpahuli sa opensa si Patricia Mendoza na umukit ng sampung marka. Nagpasikat naman si Player of the Game Elaine Etang na pumoste ng 15 puntos, limang rebound, dalawang assist, at limang steal.
Bumatbat ng isang two-pointer shot si Lady Falcon Oluwakemi Adeshina na binuweltahan ni Lady Archer Mica Camba ng isang pukol mula sa loob, 2–all. Nagpatuloy ang sagutan ng dalawang koponan sa mga tirada nina Adeshina at Mendoza, 7–all. Sa natitirang minuto ng yugto, nagsumite ng layup si Luisa San Juan na nagbigay ng dalawang puntos na kalamangan para sa Lady Archers, 11–9.
Napako ang mga yapak ng Taft-based squad sa pagbubukas ng ikalawang kuwarter matapos magbitaw sina Etang at Cheska Apag ng sunod-sunod na tirada, 13–17. Sinubukan namang pumatol ni Luisa Dela Paz nang magrehistro ng dalawang puntos mula sa free throw line. Umalalay rin si Bea Dalisay sa pagratsada ng luntiang pangkat at giniba ang depensa ng Lady Falcons, 19–24. Ngunit, sa huling minuto ng naturang kuwarter, tuluyan nang kumawala si Etang matapos palobohin ang bentahe ng San Marcelino-based squad tangan ang tatlong jump shot, 23–33.
Nag-iba ang ihip ng hangin para sa Lady Archers pagdako ng ikatlong kuwarter matapos kumamada ang koponan ng 12–2 run upang maitabla ang sagupaan, sa pangunguna ni Dela Paz at Arabell Baciertio, 35–all. Agad na tumawag ng timeout ang San Marcelino mainstays na nagpagising sa diwa nina Kat Alogo at Angela Alaba. Bunsod nito, muli nilang napihit ang manibela ng laro, 35–43. Nagawa pang sumagot ng isang two-pointer layup ni DLSU Team Captain Bernice Paraiso, ngunit tinapatan ito ni Crisnalyn Padilla ng isang umaapoy na tres upang umabante ng siyam na marka ang Lady Falcons, 37–46.
Mainit na sinimulan ng San Marcelino-based squad ang huling sampung minuto ng sagupaan matapos magtala si Alogo ng mga puntos sa labas at loob ng arko, 37–52. Humirit naman ng mga free throw si Dalisay at sinundan ng pag-alalay ni Sario matapos magbitaw ng layup para basagin ang momentum ng Lady Falcons, 41–52. Gayunpaman, hindi nagpatinag ang mga palkon at tuluyang kinontrol ang takbo ng laro sa pangunguna nina Apag at Kim Limbago, 54–65.
Bunsod ng pagkatalo, nananatiling kapos sa tagumpay ang Lady Archers sa torneo bitbit ang 0–2 panalo-talo kartada. Sunod namang makasasagupa ng Taft mainstays ang Ateneo de Manila University Blue Eagles sa AdU Gym sa ika-1:30 n.h. sa Linggo, Setyembre 15.
Mga Iskor:
DLSU 54 – Sario 12, Mendoza 10, Paraiso 7, Camba 6, Dela Paz 5, San Juan 5, Dalisay 4, Bacierto 3, Sunga 2, Delos Reyes 0, Villava-Cua 0, Rodriguez 0
AdU 65 – Etang 15, Alogo 12, Padilla 9, Apag 6, Meniano 6, Alaba 5, Limbago 4, Adeshina 4, Mazo 2, Bajo 2, Cortez 0, Alaba 0, Ornopia 0
Quarter scores: 11–9, 23–33, 37–48, 54–65.