Green Spikers, pinayukod ang Altas sa V-League 2024

mula V-League

NANGIBABAW ang De La Salle University (DLSU) Green Spikers sa mainit na bakbakan kontra University of Perpetual Help System DALTA (UPHSD) Altas, 27–25, 25–22, 25–21, sa pagpapatuloy ng 2024 V-League Men’s Collegiate Challenge sa Paco Arena, Setyembre 8.

Hinirang bilang Player of the Game si DLSU playmaker Eco Adajar matapos kumasa ng 17 excellent set at dalawang block. Tumulong din sa kaniya sina opposite hitter Michael Fortuna at open spiker Chris Hernandez na pumoste ng pinagsamang 26 na puntos. Sa kabilang banda, pinangunahan ni Kobe Tabuga ang hanay ng Altas matapos umukit ng 16 na puntos mula sa 14 na atake at dalawang block. 

Malamlam na binuksan ng Green Spikers ang unang set mula sa maagang pag-asinta ni outside hitter Tabuga sa butas na depensa ng DLSU, 5–7. Ngunit, kumana ng 3–0 run ang mga taga-Taft buhat ng ikinumpas na set ni Adajar tungo kay Fortuna, 12–9. Muling nagbago ang ihip ng hangin matapos rumatsada ang Altas ng 5–0 run dulot ng pinaigting na pader ni Tabuga kontra sa atake ni middle blocker Josh Magalaman, 14–19. Gayunpaman, tuluyang inangkin ng Green Spikers ang makapanindig-balahibong unang yugto matapos bigong maitawid ni Tabuga ang alanganing atake mula sa kanan, 27–25. 

Pinakinabangan naman ng luntiang koponan ang malamig na bungad ng Altas sa ikalawang yugto matapos ang kanilang apat na unforced error, 6–3. Humarurot pa ng crosscourt attack si outside hitter Yoyong Mendoza upang bitbitin ang Green Spikers sa unang technical timeout, 8–6. Nagsilbi ring kalbaryo para sa Las Piñas-based squad ang nakapaparalisang running attack ng koneksiyong Adajar-Magalaman, 20–18. Bagamat naisalba ng UPHSD ang isang set point, ganap nang ibinulsa ng Taft-based squad ang naturang set sa bisa ng middle attack ni JJ Rodriguez patungong zone 6, 25–22.

Mainit ang naging simula ng ikatlong set matapos magpalitan ng nagbabagang atake ang dalawang koponan, 8–all. Nagpatuloy ang bangayan ng mga pangkat sa mga sumunod na serye. Subalit, nangibabaw ang Altas ng dalawang puntos matapos paganahin ang depensa sa net, 15–17. Bitbit ang hangaring tuldukan ang laro, nagpakawala si Fortuna ng atake upang idikit ang bakbakan, 17–all. Kumamada naman si Rui Ventura upang dalhin ang Taft mainstays sa match point, 24–21. Hindi na nagpapigil pa si Hernandez at tuluyang sinelyuhan ang bakbakan sa bisa ng isang crosscourt attack, 25–21. 

Bunsod ng panalo, mananatili sa ikalawang puwesto ang Green Spikers tangan ang 5–1 panalo-talo kartada. Sunod namang makatutunggali ng Taft-based squad ang hanay ng National University Bulldogs sa kaparehong lugar sa ika-5:00 n.h. sa Biyernes, Setyembre 13.