MATIKAS NA SIPA ang pinakawalan ni De La Salle University Lady Booter Alisha Del Campo matapos matamo ang gantimpalang Season 86 Best Midfielder. Pinangunahan din niya ang kaniyang koponan upang maibulsa ang pilak na medalya sa University Athletic Association of the Philippines (UAAP) Season 86 Women’s Football Tournament.
Hindi man nadagit ng DLSU Lady Booters ang kampeonato sa ikalawang sunod na pagtapak sa pinal na yugto, itinuturing pa rin itong tagumpay ni Kapitana Del Campo para sa kaniyang koponan at mga tagasuporta. Kaugnay nito, itinampok ni Del Campo sa Ang Pahayagang Plaridel (APP) ang kaniyang naging saloobin sa nakaraang Season 86 at karanasan matapos sumailalim sa panibagong sistema ang koponan.
Tamis ng gantimpala
Sa bawat hakbang sa landas na tinatahak, hindi mawawala ang mga hamong nagpatitibay rin sa kagustuhang magpatuloy. Walang katumbas ang sayang madarama sa pagkamit ng inaasam na panalo sa oras na malagpasan ang mga balakid. Hindi naging biro ang naging papel ni Del Campo bilang Team Captain at Midfielder ng Lady Booters nitong nagdaang UAAP Season 86. Gayunpaman, bunsod ng bigong pagsungkit ng gantimpalang Top Striker, hindi niya inaasahang makakukuha pa siya ng ibang parangal. “Hindi ko talaga in-expect na Best Midfielder. For me, bonus lang, but I’m really happy that I got it,” pahayag niya na may kasamang ngiti.
Sa kabila ng nasungkit na parangal, hindi maitago ni Del Campo ang panghihinayang sa kinahantungan ng kaniyang koponan. Matatandaang napasakamay ng Taft-based squad ang pilak noong Season 85 kaya labis ang kanilang panlulumo nang muli silang kapusin sa pagkuha ng ginto nitong Season 86. Gayunpaman, binigyang-diin ng Kapitana na magsisilbi itong motibasyon sa kanila sa susunod na season. “I hope third timeʼs a charm. This coming Season 87 [sana] ‘di lang silver ‘yung makamit namin [kung hindi] ‘yung gold na,” umaasang sambit ni Del Campo.
Sistema ng tagumpay
Para sa isang determinadong football player na naglalayong matamasa ang panalo, hindi balakid ang tirik na araw o maulang alapaap upang makapag-ensayo. Ibinahagi ni Del Campo na nagkaroon ng pagbabago sa kanilang sistema buhat ng presensiya ni Coach Alvin Ocampo bilang bago nilang tagapag-ensayo. Sa paglalakbay ng Lady Booters, pinatunayan nilang malaking tulong ang pagkakaroon ng matiwasay na sistema mula sa mga tagapagsanay sa paghubog ng kanilang abilidad matapos masungkit ang pilak na medalya. Hindi man ito ang tunay nilang hinangad sa Season 86, magsisilbi pa rin itong matinding motibasyon para sa koponan.
Nananatiling matatag ang tiwala ng Lady Booters sa kakayahan ng bawat isa. Bilang isang senyor at kapitan ng koponan, naging mahalagang haligi si Del Campo sa pagbuo ng marka sa naturang season. Malaki ang kaniyang naging papel sa paghubog ng kumpiyansa ng mga kasamahan at sa pagtulong sa mga baguhan na maging pamilyar sa sistema.
Dilaab ng determinasyon
Bitbit ang mga aral at hamon ng nakaraang season, patuloy ang pagnanais ni Kapitana Del Campo at ng buong Lady Booters na muling magreyna sa naturang larangan. Kasalukuyan namang pinaghahandaan ng Taft mainstays ang pagsisimula ng susunod na season ng Women’s Football Tournament na nakatakdang magsimula sa unang termino kaysa sa nakasanayang ikalawang termino. Maikli man ang dalawang buwang preparasyon na kanilang gugugulin para mag-ensayo, patuloy ang paghahasa ng mga pana ng Lady Booters para sa mailap na ginto.
Bukod pa rito, malaki ang pasasalamat ni Del Campo para sa pamayanang Lasalyano sa pagiging 12th man ng Taft-based squad. “Of course, I’m grateful for everyone. With you guys as well, na going sa mga games namin na sobrang init, I would say na I am thankful for each and everyone’s time and effort to support us,” nagagalak niyang pagbabahagi sa APP.
Bagamat masyado pang maaga para isulat ang kapalaran ng Lady Booters, sa tulong ng panibagong sistemang hatid ng kanilang tagapagsanay, malinaw ang pag-asang muli silang makaapak sa tugatog ng torneo. Sa pagkaripas ng Season 87, buong tapang na susuungin ng koponan ang mga panibagong pagsubok na haharang sa kanilang mithiing makuha ang kampeonato. Dala ang tikas at disiplina, buong pusong naniniwala si Del Campo na maibabalik nilang muli ang korona sa Taft Avenue.