NAGNINGNING ang angking galing ni De La Salle University (DLSU) Green Spiker Menard Guerrero sa University Athletic Association of the Philippines Season 86 Men’s Volleyball Tournament nang itanghal siya bilang Best Libero. Nag-iwan ng marka ang pangalan ni Guerrero matapos niyang tulungan ang kaniyang koponang makapasok muli sa Final Four.
Bago mapasakamay ang titulong pinakamahusay na floor defender, walang humpay na kumayod si Guerrero at tinahak ang landas patungo sa rurok ng tagumpay. Ibinahagi niya sa Ang Pahayagang Plaridel ang kaniyang karanasan sa pagkamit ng indibidwal na parangal at ikalawang sunod na pagtapak ng Green Spikers sa Final Four.
Silakbo ng damdamin
Maagang isinabuhay ni Guerrero ang pagiging isang atleta ng volleyball noong ikalimang baitang pa lamang. Pumulso na kaagad ang kaniyang damdamin sa naturang isport at hindi na niya pinakawalan pa. Isinalaysay niyang mapalad siya dahil maaga siyang namulat sa kaniyang tatahaking landas na nagbitbit sa kaniya patungo sa Taft.
Naging mailap ang paningin ni Guerrero sa pagsungkit ng gantimpalang Best Libero buhat ng pangunguna ni Ateneo Blue Eagle Lance De Castro sa receiving at digging sa unang bahagi ng naturang kompetisyon. Gayunpaman, patuloy niyang hinubog ang kaniyang kakayahan at determinadong nagpakitang-gilas sa larangan ng depensa kasama ang kaniyang koponan nitong Season 86. “Ang mindset ko na lang noon, gagawin ko na lang ‘yung best ko para sa team at para makapasok kami ng Final Four,” paglalahad ni Guerrero.
Ibinahagi ng Season 86 Best Libero ang ilang mga sangkap sa kaniyang larong humantong sa pagsungkit sa naturang parangal. Pinagtuonan niya ng pansin ang kaniyang passing at digging bilang mga pangunahing instrumento sa kaniyang laro. Binigyang-pagkilala din niya sina Season 85 2nd Best Middle Blocker Billie Anima at Season 86 2nd Best Middle Blocker Nathaniel Del Pilar na nagsilbing katuwang niya sa pagdepensa. Gayundin, idiniin ni Guerrero ang kahalagahan ng kumpiyansa bilang susi sa pagiging isang matagumpay na floor defender.
Subok na dedikasyon
Bakas sa loob ng court ang nag-uumapaw na dedikasyon ni Guerrero na lalong pagbutihin ang kaniyang talento sa paglalaro ng volleyball. Naging saksi si DLSU Green Spiker Head Coach Jose Roque sa determinasyong ipinamalas ni Guerrero sa bawat sagupaang kanilang sinuong. Bukod dito, maayos na isinagawa ng floor defender ang lahat ng gampaning ibinigay sa kaniya upang maihatid nang tama ang bola sa kanilang setter.
Ibinahagi ni Coach Roque ang kaniyang paghanga kay Guerrero dahil hindi natatapos ang kaniyang dedikasyon sa pagtaas ng bola, bagkus itinataas din niya ang moral ng kaniyang mga kasamahan. “Gano’n kataas ‘yung respeto ko sa kaniya bilang libero natin dahil talagang sumusunod lang siya. Kung ano ‘yung kailangan ng team, ‘yon ang ibinibigay niya, hindi siya nagtitipid,” ani Coach Roque. Bunga ng dedikasyon ni Guerrero, pangungunahan niya ang mga susunod na kampanya ng Green Spikers matapos siyang
italaga ni Coach Roque bilang bagong kapitan ng koponan.
Sibol ng pag-asa
Tangan ang pinalawig na kaalaman sa paglalaro, napabilang si Guerrero sa listahan ng Alas Pilipinas Men’s Volleyball Team ngayong taon. Ayon kay Coach Roque, isang ginintuang oportunidad ang makasama sa national team tungo sa mas mataas na antas ng kahusayan. Isa itong pambihirang pagkakataon upang lalo pang magningning ang talento ni Guerrero bilang ipinagmamalaking atleta ng Pamantasan.
Sa nagtapos na Season 86, dala-dala ni Guerrero ang motibasyon bilang puhunan sa tumataginting na ginto. Kaya naman, inaasam ni Guerrero ang patuloy na suporta ng pamayanang Lasalyano sa bawat pagsalo at pagpalo ng bola ng Green Spikers sa nalalapit na Season 87. “‘Wag lang silang magsawang sumuporta sa amin kasi alam ko na next season, kini-claim na namin na babawi at babawi kami,” kampanteng sambit ng susunod na kapitan ng luntiang pangkat.
Buong tapang na tinanggap ni Guerrero ang hamon ng pagiging libero at lider. Patuloy niyang ipinamamalas ang determinasyong maiangat ang kaniyang koponan tungo sa tugatog ng tagumpay. Kaya sa bawat pagsalo niya ng bola, nagiging sibol ng pag-asa ang kaniyang presensiyang nagbibigay-inspirasyon sa Green Spikers.