BUMAGTAS patungong ikalawang sunod na titulo ang DeLLa Salle University Lady Paddlers gamit ang kalkuladong mga palo at banat ng kahusayan sa University Athletic Association of the Philippines (UAAP) Season 86 Women’s Table Tennis Tournament. Tangan ang sanib-puwersang disiplina at pagsusumikap, umalagwa ang sinag ng koponan upang tuluyang humanay muli sa isang pambihirang tagumpay.
Tangan ang nag-aalab na ningas, pinangunahan ni Most Valuable Player (MVP) Angelou Laude ang pagbitbit ng bandera ng Taft sa taluktok ng torneo. Sa panayam ng Ang Pahayagang Plaridel (APP) kina Laude, Lady Paddler Mariana Caoile, at Head Coach Lauro Crisostomo, isiniwalat nilang lubos na kasiyahan ang kumalampag sa koponan matapos kumana ang kanilang mga sandata upang muling makamit ang titulo.
Muling pagpadyak sa tugatog
Pagsipat sa ikalawang sunod na kampeonato ang itinatak ng Lady Paddlers sa pagpasok pa lamang ng Season 86. “‘Yon ‘yung goal namin eh, tiyaka nagsimula na kami noong 85 [kaya] gusto na naming ituloy-tuloy,” wika ni Caoile. Bilang tugon sa hamon ng pagiging defending champions, maagang pinagtibay ng koponan ang pagpapatuloy ng kanilang layunin sa bisa ng masigasig na pag-eensayo.
Lubusang paghahanda ang inilatag ni Coach Crisostomo sa Lady Paddlers para sa Season 86. Ibinahagi niya sa APP na agad na nagtipon ang kaniyang hanay sa Enrique Razon Sports Center matapos ang kampeonato noong Season 85 upang planuhin ang bawat detalye sa magiging takbo ng kampo. Ibinida ni Coach Crisostomo na bukod sa programang inihanda para sa kaniyang mga manlalaro, inaral din nilang maigi ang mga makatutunggali ng Lady Paddlers sa naturang torneo.
Hindi biro para sa Taft-based squad ang kanilang nakaambang pasanin bilang mga nananaig na kampeon ng liga. Isiniwalat ni Laude na pagsapit pa lamang ng Hunyo noong nakaraang taon, pagpapanday na ng kanilang kakayahan sa loob ng apat na oras mula Lunes hanggang Biyernes ang kanilang ginagawa. “Minsan nagdo-double time kami kapag may mga free time, nag-eextra training kaming buong team,” dagdag pa niya.
Hagupit ng ginintuang sagwan
Agad na umalingawngaw ang galing at determinasyon ng Lady Paddlers sa kanilang pagtapak sa Season 86 nang makamtan ang maagang bentahe sa bisa ng 3-0 panalo-talo kartada. Hindi alintana ang nakasasakal na impluwensiya ng pagiging defending champions, buong tapang na tinudla ng grupo ang kaba upang patuloy na lumaban. “Lagi kong iniisip tuwing game is to always give our best kasi nag-practice naman kami. Bakit kami matatakot?,” matapang na sambit ng kasalukuyang MVP na si Laude.
Sa kabila ng tangkang pag-ariba sa unang bahagi ng torneo, natisod ang Lady Paddlers kontra University of Santo Tomas (UST) Lady Paddlers na nagdulot ng mantsa sa kanilang kartada. Gayunpaman, hindi nagpayanig ang luntiang kampo dahil naging tanglaw ito ng kanilang pagbalik sa ginintuang landas. Pinabagsak ng mga reyna ng Taft ang UST sa kanilang ikalawang paghaharap at luhaang pinauwi ang mga tigre sa Espanya pagdako ng semifinals.
Pagpapatuloy sa bakas ng kagitingan
Sa kasukdulan ng kanilang kampanya, mas nagngitngit ang karakas ng Taft mainstays sa pagpasok sa finals kontra Ateneo. Pulidong mga kalasag ang pinakawalan ng koponan sa pagdepensa ng kanilang titulo upang tuluyang pungusin ang pagaspas ng mga agila. “Sobrang saya dahil nagbunga ‘yung pinaghirapan namin,” salaysay ni Coach Crisostomo.
Sa kabila ng taginting ng ikalawang kampeonato, kumamada agad ang hanay patungo sa pagtahak sa mailap na 3-peat. Muling kumaripas ang araw-araw na pag-eensayo ng Lady Paddlers tangan ang mga team match tuwing Miyerkules na inihanda ng kapitana na si Laude. Kasabay nito, muli nang umarangkada ang pagsilip ng coaching staff sa kanilang mga katunggali. Sumabak din ang koponan sa mga tune up game kontra sa mga manlalaro ng bansa at mga atleta mula sa iba’t ibang koponan ng propesyonal na liga.
Naghanda rin si Coach Crisostomo ng team building bilang parte ng kanilang preparasyon para sa Season 87. Kinausap niya rin ang mga tatayong haligi ng koponan na sina Laude at Mary Therese Go. Pinayuhan ni Coach Crisostomo ang kaniyang mga manlalarong ibigay ang kanilang isang daang porsyento sa pagsasanay.
Habang kumakayod ang pangkat, hindi maipagkakaila ang bigat na kanilang nararamdaman sa pagbitbit ng korona. Gayunpaman, binigyang-diin ni Caoile ang kahalagahan ng paghahanda ng pisikal at mental na kalusugan. “Ngayon nagpapalakas kami, hindi lang physically pero mentally rin, kasi kailangan pa rin namin i-fight ‘yon,” aniya sa APP.
Kaakibat ang tagumpay sa pagdepensa ng kanilang titulo, panibagong kadakilaan ang iuukit ng Lady Paddlers—ang ikatlong sunod na korona para sa Taft. Sa bawat palo ng kanilang raketa, damhin ang patuloy na pag-aalab ng koponan tungo sa rurok ng UAAP; alay para sa bawat tagahanga at sumusuporta, alay para sa bawat Lasalyano.