YUMUYUKOD ang mga manlalaro sa bawat simula at wakas ng kani-kanilang duwelo. Sa pag-usbong ng panibagong pagkakataon, ipinakita ni De La Salle University Lady Jin Mary Angeline Alcantara ang marubdob na pagsulong sa University Athletic Association of the Philippines (UAAP) Season 86 Women’s Taekwondo Kyorugi Tournament. Mula sa mga sipa ng atleta, nagningning ang pangalan ng Pamantasan sa naturang larangan.
Maagang nabuo ang reputasyon ni Alcantara sa taekwondo matapos hirangin bilang kauna-unahang babae mula sa Pilipinas na nakasungkit ng gintong medalya at kinilala bilang Most Valuable Player sa 3rd World Cadet Taekwondo Championships na ginanap sa Egypt noong 2017. Sa paglipas ng panahon, patuloy niyang pinag-alab ang kaniyang dilaab sa bawat laban matapos makamtan ang pilak na medalya at tanghaling UAAP Season 86 Rookie of the Year (ROTY).
Pasilip ng isang paslit
Sa pagbabalik-tanaw, sinipat ng Ang Pahayagang Plaridel (APP) ang nagbabadyang sipa ng siyam na taong gulang na si Alcantara. Nasikwat ng paslit ang pasilip sa kaniyang kinabukasan matapos palagan ang flyers na ipinamahagi sa mall. Nakaukit dito ang imbitasyon para sa summer training ng taekwondo. Walang pag-aalinlangang umamba sa hamon ang batang si Alcantara na kinilala bilang kauna-unahang manlalaro ng taekwondo sa kaniyang pamilya. Pagbabahagi niya, “I told my father na gusto ko i-try. Tapos nag-start ako summer training sa taekwondo.” Kasabay sa paglalakbay na ito, naging kaagapay ni Alcantara ang kaniyang magulang at ang kanilang hindi nagmamaliw na suporta sa landas na tinahak.
Pumilay sa sipa
Bagamat dumaloy ang kasiyahan nang makapasok sa mundo ng taekwondo, sumipa pabalik ang pagsuko matapos mabugbog ang katawan sa pagsasanay. “No’ng dumating ako rito sa Manila before class started, around August 2023, nag-start kami [ng] training 10 times a week,” sambit niya sa APP. Bilang isang estudyanteng atleta, isang malaking dagok ang mapiga siya ng kaniyang oras. Ikalima pa lamang ng umaga, inihahanda na ni Alcantara ang kaniyang sarili sa nakapapagal na ensayong mag-uumpisa sa ganap na alas sais ng umaga at magtatagal ng tatlong oras. Isinisingit pa niya bandang alas dos y medya sa hapon ang klase at muling sasabak sa matinding pagsasanay mula ikaanim hanggang ikawalo ng gabi. Bunsod nito, naramdaman niya ang kakulangan ng oras para sa sarili.
Naging balakid din para kay Alcantara ang pinansiyal na aspekto buhat ng kaniyang pamamalagi sa Maynila, malayo sa kaniyang mga magulang na nasa probinsya. Dahil dito, kinakailangan niyang tipirin ang kaniyang pera upang makakain nang maayos araw-araw. Naging hamon din sa atleta ang makatanggap ng baluktot na pahayag mula sa mga taong kaniyang pinagkakatiwalaan at tinitingala. “I can’t please everyone naman, so bahala sila kung anong sasabihin nila. Basta ako, gagawin ko ‘yung gusto ko,” matapang na bulalas ni ROTY Alcantara.
Sinag ng pangarap
Sa kabila ng malubak na daang binagtas ni Alcantara, ipinagpatuloy niya ang pag-arangkada sa kaniyang larangan. Nagsilbing sandigan ang malugod na pagdamay ng kaniyang pamilya, kasamahan sa koponan, at mga kaibigan. Napatunayan ni Alcantara na malaking bahagi ang suportang ibinibigay ng mga mahal niya sa buhay bilang enerhiya sa pang-araw-araw na sagupaan—personal man o pampalakasan.
Nagbigay-kislap din ang mga katagang inukit ni Coach Pogs Jazmines, tagapagsanay ng Lady Jins, nang makita ang pagtangis ni Alcantara matapos ang kanilang ensayo. Paalala ng tagapagsanay, “Dalawa lang ang mapupuntahan ng pag-iyak mo, either bababa ka or mas aangat ka pa. Alam ko at alam mo sa sarili mo kung alin [diyan] sa dalawa.” Matapos madalumat ni Alcantara ang payo ni Coach Jazmines, ikinintal niya sa kaniyang puso na siya ang magdidikta sa kaniyang kapalaran at kinabukasan.
Pasan ang salita ng tagapagsanay, bitbit ng atleta ang prinsipyong pinanghahawakan hinggil sa pag-abot ng pangarap. Paglalahad niya, “Be obsessed with [your dream]. In a sense that, gawin mo lahat para maabot mo ‘yung dream na ‘yan. Wala namang madaling pangarap.” Banayad niyang ipinaalalang hindi basta-basta mabubura ang pag-asa; magbalik-tanaw lamang sa mithiin upang muling suminag ang kumupas na liwanag.