IBAYONG KAGITINGAN AT DETERMINASYON ang ipinamalas ng De La Salle University Green Archers nang maisakatuparan nila ang reverse sweep kontra University of the Philippines Fighting Maroons sa best-of-three finals ng University Athletic Association of the Philippines (UAAP) Season 86 Men’s Basketball Tournament. Bunsod nito, natuldukan ng koponan ang pitong taong paghihikahos na muling nagpatingkad sa Berde at Puting watawat.
Ipinahayag ng kasalukuyang Team Captain na si Joshua David at Assistant Captain Michael Phillips, kasama ang kanilang punong tagapagsanay na si Coach Topex Robinson sa Ang Pahayagang Plaridel (APP) ang landas na kanilang tinahak upang susian ang kandadong nakakabit sa tugatog ng tagumpay. Gayundin, idinetalye nila ang kanilang kasalukuyang kondisyon para sa nalalapit na pagsisimula ng Season 87.
Paghulma ng matatag na samahan
Sumuong ang Green Archers sa umarangkadang UAAP Season 86 bitbit ang sariwang sistema ng beteranong tagapagsanay na si Coach Topex. Bagamat hindi maipagkakailang may mga hamong bunga ng pagkakaroon ng panibagong mukha sa coaching staff, nalagpasan pa rin ang mga ito sa tulong ng nangingibabaw na pagpapahalaga ni Coach Topex sa bawat isa. “He really built that relationship with us, so, ‘yon talaga ‘yung naging foundation namin pagdating sa mga games, parang sobrang close kami sa isa’t isa,” masiglang pagbabahagi ni Phillips sa APP.
Kalakip ng matatag na samahan sa loob at labas ng kort, itinuturing ng Taft-based squad na kalakasan ang pinagtibay na paniniwala sa kakayahan ng bawat isa. Maliban dito, kinilala ni Coach Topex ang naunang hanay ng mga tagapagsanay na pinangunahan ni Derrick Pumaren at ang kanilang ambag sa tagumpay ng pangkat nitong Season 86. Pinasalamatan din ni Phillips ang pundasyong inilatag ni Coach Pumaren sa kultura ng Green Archers na ganap namang pinagbunga ni Coach Topex sa nagdaang kampanya.
Ibinunyag ni Phillips na naging susi sa kanilang tagumpay ang bukod-tanging tiwalang kanilang tinatamasa mula kay Coach Topex. “The freedom that he gave us, iba talaga ‘yon. Never ko naranasan sa coach na he wants us to be free and [to] experiment. Kahit magkamali kami, okay lang ‘yan basta matuto [kami],” saad ng big man. Isiniwalat naman ni David na bago magsimula ang Season 86, ikinintal nila sa bawat miyembro ng grupo ang pagpapanatili ng gigil na maiuwi ang tropeo sa Taft. Kalakip ng kagustuhang ito ang pagtutulungan at pagtulak sa isa’t isa na hasain ang kakayahan sa bawat ensayo.
Pagpaniningas ng dilaab
Kasabay ng pagsungkit ng Green Archers sa kampeonato ang pagsidhi ng kanilang hangaring lalong pagbutihin ang mga sarili. Sa bawat pawis na tumatagaktak sa pook na pinagsasanayan, nadidiligan ang punlang itinanim at pinayayabong ng mga manunudlang gutom sa pagkatuto. “We’re not defending the crown, we’re attacking it,” may diing siwalat ni Phillips sa sistemang tatak Coach Topex sa paparating na Season 87.
Sa paglisan ng anim na senyor na manlalaro sa pagtatapos ng Season 86, ibinahagi ni Kapitan David ang kahalagahan ng pag-alalay sa mga baguhan upang makasabay sa sistema ng koponan. Dagdag pa ni Coach Topex, bagamat nagkaroon ng mga pagbabago sa mga manlalarong sasabak sa court, nananaig pa rin ang mithiin ng bawat isang sungkitin muli ang kampeonato.
Haligi ng pagkakakilanlan
Sa kanilang pag-abot sa tugatog, motibasyon ng Berde at Puting pangkat ang masigabong hiyawan ng kanilang mga tagahangang lubos nilang pinasasalamatan. Para kay David, ang pagkamit ng panalo ang tanging paraan upang makapagbigay-karangalan sa Pamantasan at masuklian ang hindi nauupos na suporta ng pamayanang Lasalyano.
Ipinagmamalaking isinalaysay ni Coach Topex na kaakibat ng pagiging Green Archer ang pagsasapuso sa katagang “Never shall we fail.” Itinuturing niya ito bilang repleksiyon ng pagiging isang tunay na Lasalyano. Aniya, “Isa po ‘yon sa pinanghawakan namin na masasabi kong nagpatibay sa aming kampanya at ‘yon po siguro ‘yung isang bagay na palagi pong magiging kasama sa aming kampanya.”
Sa kabila ng bako-bakong ruta, nagsisilbing testamento ang tinamasang tagumpay ng Green Archers sa kahalagahan ng pagsusumikap ng bawat isa sa kanila. Tinagurian mang mga kasalukuyang hari ng collegiate basketball ng bansa, hindi rito nagtatapos ang kanilang layuning ipalasap sa pamayanang Lasalyano ang tamis ng kampeonato. Sa mga susunod na kabanata ng UAAP, bitbit ng Green Archers ang pinagtibay na kalasag upang mapanatili ang tagumpay sa panig ng Berde at Puti.