Grandioso: Pagbabalik-tanaw sa simponiya ng mga alaala ng LYO

Kuha ni Margaret Zapata

*Lights* 

Bumalot ang aninag ng mga ilaw sa bawat sulok ng teatro.

*Kamera*

Nananabik ang madla sa entrada ng mga tauhang mistulang mga larawan.

*Aksyon!*

Sa unang kompas ng patpat, nabigyang-buhay ng galaw ng mga instrumento ang entabladong madilim at tahimik.

*Klik*

Inihandog ng Lasallian Youth Orchestra, sa ika-15 nitong taon, ang “Grandioso: Symphonic Portraits” nitong Hulyo 6, 2024. Nagtipon ang mga manonood sa Teresa Yuchengco Auditorium upang saksihan ang nakapapanabik na obra maestra. Sa pagkalabit ng mga kuwerdas ng instrumento, ipinamalas ng mga manunugtog ang kahusayan at bersatilidad sa samo’t saring piyesa.

Alaala sa kuwadro

Dinala ng orkestra ang madla sa mapaglarong paglipad ng emosyon gamit ang musika mula sa Genshin Impact sa rendisyon ni Tamara Cloa at Studio Ghibli na rendisyon ni Christian Galang. Dumagundong naman ang bigat ng mga instrumentong panghangin sa paglapag ng mga himig mula sa Phantom of the Opera at ni John Williams. Naipakita ang kadalubhasaan ng mga miyembro sa bawat uri ng instrumento habang binubuo ang nakalulugod na armoniya ng musika.

Mula sa obertura ng mga katutubong awitin hanggang sa kompilasyon ng mga musika mula sa laro at pelikula, pagbabalik-tanaw ang tema ng Grandioso. “[Grandioso is] our way of framing the different eras of LYO and trying to showcase each one in its own special way,” ani Galang, tselista at estudyanteng konduktor ng orkestra, sa panayam sa Ang Pahayagang Plaridel (APP)

Hindi lamang sa manonood naging espesyal ang pagtatanghal, ngunit pati sa mga bumubuo nito. “It was fulfilling—I don’t think I’ll have any other opportunity later on,” masayang sabi ni Cloa sa APP, biyolinista at estudyanteng konduktor ng orkestra. Nagsilbing oportunidad din ang gabi para paghusayin ang ilan sa mga pagtatanghal na huling ginawa pa noong pandemya. Inilarawan ni Galang ang matagumpay na produksyon bilang “nostalgic and magical.”

Pagkompas ng patpat

Hindi lamang selebrasyon ng musika, nagbigay-bunyi rin ang Grandioso sa residente nitong konduktor at direktor ng musika na si “Sir Jeng” De Ramos. Sa panimulang kompas ng kaniyang unang obertura, nagulat ang awditoryum nang tumugtog ang pagbati sa kaniyang kaarawan. “Talagang nagulat ako hanggang sa ako’y mapaluha sa tuwa—memorya na iyong dadalhin magpakailanman,” pasasalamat ni De Ramos. 

Bukod-tangi ang mga himig na inihandog, hindi lamang sa mga miyembrong tumugtog, ngunit pati sa buong grupo. “Naging mas mapanghamon sa mga playing members ang mga piyesa—sa mga managing members gaya ng produksyon sa pagpapatakbo ng buong programa,” ayon kay De Ramos. Kaya naman malaki ang pasasalamat ni De Ramos sa Diyos, Culture and Arts Office at mga Executive Board, Section Heads, at bawat miyembro ng Lasallian Youth Orchestra. Sa kabila ng mga hamon, naabot ng LYO ang rurok ng kanilang kakayahan. 

Larawang hindi kumukupas

Sa mga nota na lumalabas sa bawat instrumento, ginabayan ang madla sa serye ng paglipad, pagtakbo, at pahinga ng damdamin. Bilang selebrasyon ng istorya ng Lasallian Youth Orchestra, naging engrande at masaya ang pagtatapos sa mga panghuling piyesa. Dinala ng orkestra ang manonood sa isang Latin Fiesta kasunod ng rendisyon ng I’d Do Anything for Love, kasama ang DLSU Innersoul. Sa pagwawakas, napaindayog ang madla sa bawat pulso ng mga klasikong awitin ng VST & Company—pagtatapos na nagpakitang hindi kumukupas ang nakaraan at mga alaala.

Puno ng galak ang bawat miyembro sa gabi ng pagdiriwang. Hinimok ng LYO ang pamayanang Lasalyano na suportahan ang orkestra sa mga susunod pang pagtatanghal. “Orchestra music is also evolving because it’s not tied to one genre,” tindig ni Galang. Mula sa Jazz, Anime, kontemporaneo hanggang sa mga klasiko, handang tumuklas ng iba’t ibang genre ang LYO ayon kay Cloa.

Bilang huling salita mula sa residenteng konduktor at direktor ng musika. “Ang inyong suporta at pagtangkilik ay magsisilbing inspirasyon sa aming patuloy na pagtatanghal,” ani De Ramos.

Hindi lamang pagsasaulit ng mga nakaraang piyesa, nagsilbing oportunidad din ang gabi para sa bawat miyembro ng orkestra. Pagkakataon muli ang pagtatanghal upang balikan at bigyan ng bagong buhay ang mga obrang bumuo sa kanila sa mga nagdaang taon. Maihahalintulad sa isang album ng retrato ang hindi malilimutang gabi—kompilasyon ng alaala at musikang gumagabay sa kanilang buhay.