LUMUBOG ang MT Terra Nova nitong Hulyo 25, sa silangang baybayin ng Lamao Point, Limay, Bataan, na nagdulot ng malalang oil spill. Bitbit ang halos 1.5 milyong litro ng pang-industriyang langis, naapektuhan din ang ilang karatig lugar ng Bataan kagaya ng Bulacan, Cavite, at Maynila. Kasalukuyan pa ring nasa state of calamity ang ilang bahagi ng Cavite.
Tumugon naman ang Philippine Coast Guard (PCG), Department of Environment and Natural Resources (DENR), at mga lokal na gobyerno upang maibsan ang pagkalat ng langis. Bukod sa peligrong hatid nito sa karagatan, nanganib din ang kabuhayan ng mga mangingisda at kalusugan ng mga mamamayan sa mga apektadong lugar.
Laot ng lason
Habang patuloy na lumalawak ang epekto ng oil spill, labis na naapektuhan ang pang-araw-araw na pamumuhay ng mga mangingisda. Ayon sa tala ng Department of Agriculture nitong Agosto 7, umabot na sa Php78.69 milyon ang nawalang kita ng libo-libong mangingisda na apektado ng oil spill. Kinumpirma rin ng ahensyang 28,373 mangingisda ang apektado ng naturang sakuna.
Sa panayam ng Ang Pahayagang Plaridel (APP) kay Frederico Gumali, barangay tanod ng Brgy. Amaya, Tanza, Cavite, ipinahayag niya ang mga pinsalang hatid ng pagkalat ng langis. Ayon sa kaniya, isang araw makalipas ang oil spill, nangitim ang kahabaan ng baybayin ng Brgy. Amaya at dumikit ang langis sa mga basurang hatid ng alon. Giit niyang nahirapan ang mga residente linisin ang mga labing nakalatag sa dalampasigan dahil sa dami nito.
Bukod pa rito, naapektuhan din ang kabuhayan ng mga mamamayan ng ibang lugar tulad na lamang ng bayan ng Rosario, Cavite na pangingisda rin ang pangunahing hanapbuhay. Paliwanag ni Amado Dela Cruz, 15 taon nang mangingisda, limitado ang kanilang kita sapagkat tinatapon nila ang mga isdang nabibingwit dahil sa bantang makalason ito. Higit pa rito, nakaramdam ng paninikip ng dibdib at hirap sa paghinga ang mga residente ng lugar dahil sa matapang na amoy ng pinaghalong tubig dagat at langis.
Pagharap sa trahedya
Bunsod ng mga isyung pangkalusugan at isyung pangkabuhayang dinadanas ng mga residente ng Amaya, agad tumugon ang lokal na pamahalaan at ang PCG. Ayon kay Cheryl Merquita, barangay secretary ng Brgy. Amaya, matagumpay ang tulong na hain ng mga ahensya. “Nag-conduct po kami ng emergency coastal clean-up drive. Tinanggal namin sa baybayin ‘yung mga basurang may nakadikit na langis. Hindi po kasi siya dapat bumalik sa dagat,” aniya. Pahayag niyang sa loob ng isang linggo, nalinis ang karamihan ng mga duming inanod sa dalampasigan.
Naglaan din ang Department of Labor and Employment ng Php45 milyon upang makapagbigay ng panandaliang trabaho sa mga apektadong mangingisda. Gayundin, naghatid ang lokal na pamahalaan ng Cavite ng Php350 pinansyal na tulong kada araw sa 31,000 mangingisda hanggang sa manumbalik sa dati ang merkado. Patuloy din ang pagsusumikap ng iba pang ahensya upang malinis ang polusyon at mapabilis ang rehabilitasyon ng mga apektadong lugar.
Gayunpaman, sa kabila ng mga pagsisikap, nananatili pa rin ang pangamba ng mga residente tungkol sa pangmatagalang epekto ng oil spill sa kanilang kalusugan at kabuhayan. Halos isang buwan na ang nakalilipas mula nang nangyari ang trahedya, subalit, hindi pa rin bumabalik sa dati ang estado ng kanilang pamumuhay. Hanggang sa kasalukuyan, hatid ng pagkalat ng langis ang pinsala sa kabuhayan ng mga mangingisdang parang isang dagok na lalo pang naglubog sa kanila sa kahirapan.