SINURI ang mga mungkahi ng mga estudyante para sa pag-amyenda ng University Safe Spaces Policy (SSP) sa ika-13 regular na sesyon ng Legislative Assembly (LA), Hulyo 31. Tinutukan din ang pagdagdag ng mga lokal na sayaw at laro sa kurikulum ng Physical Education Department (PED) at 15-minutong grace period sa Br. Andrew Gonzalez Hall.
Pinasadahan din ang pagbibitiw sa puwesto nina FAST2020 Khurt Go at FOCUS2023 Sam Panganiban kaugnay ng bagong University Student Government (USG) extension guidelines para sa magsisipagtapos na batch at mga opisyal na lumisan sa kanilang batch government. Nagbitiw naman si FOCUS2022 Vien Dy sa LA kasunod ng kaniyang pagkapanalo bilang batch president nitong General Elections 2024.
Pinalawig na proteksiyon
Inilahad ni FAST2022 Irish Garcia ang mga suhestiyon ng LA para sa pag-amyenda ng SSP. Aniya, ipinagkakait ng kasalukuyang saklaw ng polisiya ang proteksiyon para sa lahat ng mga Lasalyano sa harap ng pag-usbong ng mga makabagong anyo ng harassment.
Pagpapalalim ni CATCH2T26 Sai Kabiling, “After the pandemic, with all the recent issues—the crossdressing incidents or the discriminatory remarks sa [DLSU] Freedom Wall regarding ‘yung recent Pride Month events natin, I believe it’s already necessary and high time that we actually kickstart these things.”
Palalawigin ang SSP sa gender-based, cultural, at religious harassment. Bibigyang-pansin din nito ang iba’t ibang anyo ng sexual assault. Magdaragdag ng mga depinisyong may kinalaman sa mga nabanggit na paksa at pagtugon sa mga krimen kagaya ng extortion at pandering. Maglulunsad naman ang USG ng reporting channels para sa mga biktima. Bubuo rin sila ng kumpidensyial na sistema ng imbestigasyon at disciplinary actions.
Ipagkakaloob din ng USG ang Safe Spaces Support para sa mga biktima sa kasagsagan ng kaso at Mental Health Support para sa mga nangangailangan ng propesyonal na tulong mula sa Office of Counseling and Career Services (OCCS). Magbibigay din sila ng Academic Support para sa mga estudyante at Occupational Support para sa mga kawani.
Hahawakan naman ng Committee on Decorum and Investigation ang mga kaso sa pagitan ng mga Lasalyano at mga tauhan mula sa labas ng Pamantasan sakaling mangyari ang insidente sa loob ng kampus. Iminungkahi rin ni Panganiban ang pagkakaroon ng sariling task force ng OCCS.
Ipinagbigay-alam ni Kabiling na inatasan sila ng Lasallian Center for Inclusion, Diversity, and Well-Being na ipasa ang batas bago magpatuloy sa konsultasyon ang dalawang panig. Layunin nitong bumuo ng batayan para sa epekto ng SSP sa sektor ng mga estudyante. Naglabas ng sarbey ang Students’ Rights and Welfare (STRAW) ukol sa SSP nitong Mayo at nag-organisa ng roundtable discussion nitong Hulyo.
Isinapormal ang panukala sa botong 15 for, 0 against, at 0 abstain.
Pagtatak ng Pilipinong identidad
Pinangunahan ni EDGE2022 Billy Chan ang pagdaragdag ng mga lokal na sayaw at laro sa physical education curriculum ng De La Salle University (DLSU). Binibigyang-halaga nito ang kulturang Pilipino at dibersidad sa Pamantasan. Magsisilbing kinatawan ng USG ang College Government of Education sa mga susunod na diyalogo kasama ang PED.
Unang napagkasunduan ng PED at mga may-akda ang P-Pop, cariñosa, singkil, at kuratsa para sa GEDANCE. Isasama naman ang patintero, tumbang preso, sipa, at piko para sa GESPORT at GETEAMS. Naging batayan sa pagpili ng mga ito ang Laro ng Lahi na isinagawa bago ang pandemya. Pabor naman ang PED sa pagsama ng mga ito sa warm-up at cool down routines bago idagdag sa kurikulum.
Ipinahayag ni Panganiban na maaaring pumili ang mga may-akda ng mga hindi pisikal na laro para sa modified PE at paggamit sa kursong folk ng DLSU Integrated School bilang basehan sa kolehiyo. Nagsagawa rin ang lupon ng sarbey para sa inisyatiba nitong Hulyo 3.
Ipinasa ang panukala sa botong 16-0-0.
Muli namang inihain ni 77th ENG Ian Cayabyab ang panukala para sa 15-minutong grace period sa mga klase sa Br. Andrew Gonzalez Hall. Tinutugunan nito ang mahahabang pila dahil sa mga sirang elevator at malayong distansya ng gusali mula sa main campus. Nagdudulot ang mga ito ng pagkabahala sa mga estudyante at paghantong sa failure due to absences.
Isinulong ng resolusyon ang attendance checking matapos ang unang 15 minuto ng nakatakdang iskedyul. Gayunpaman, ituturing pa ring absent ang estudyanteng darating matapos ang unang isang-katlo ng klase. Ililipat sa Office of the President ang panukala upang itaas sa Academic Council, Office of the Provost, at Vice President for Academics.
Pinagtibay ang panukala sa botong 17-0-0.
Paglisan ng mga lehislador
Inamin ni Dy na pinili niyang lumisan sa LA bunsod ng kaniyang pagnanais na pangunahan ang mga proyekto ng kanilang batch bilang pangulo. Naging emosyonal din si Panganiban sa pamamaalam niya sa STRAW.
Ipinahayag naman ni Go na hindi naging madali ang kaniyang karera bilang huling lehislador ng kanilang yunit. Wika niya, “It has been a full circle moment for me, because I started as a Student Welfare executive [under the Office of the Batch Legislator]. . . I am grateful because I get to serve my batchmates for one last time.”
Ibinalita naman ni Chief Legislator Elynore Orajay ang pagtatalaga kay BLAZE2025 Reneese Aquino bilang bagong minority floor leader.