GINIBA ng De La Salle University (DLSU) Green Spikers ang kalasag ng Emilio Aguinaldo College (EAC) Generals, 25-15, 25-22, at 25-21, sa 2024 V-League Men’s Collegiate Challenge sa Paco Arena, Agosto 14. Pinarangalan naman bilang Player of the Game si DLSU middle blocker Joshua Magalaman matapos magtala ng 13 puntos mula sa 10 atake at tatlong block.
Maagang nakamit ng Green Spikers ang kalamangan sa unang yugto ng sagupaan bunsod ng mga unforced error ng Generals, 8-5. Nagpatuloy naman ang pag-arangkada ng Taft-based squad sa bisa ng nagbabagang opensa ni outside hitter Emman Hernandez, 16-10. Ganap na nangibabaw ang Taft mainstays nang magsanib-puwersa sina opposite hitter Rui Ventura at outside hitter Eugene Gloria na tuluyang sumikil sa opensa at depensa ng kabilang koponan, 25-15.
Bahagyang pinaralisa ng Generals ang Green Spikers sa ikalawang set ng bakbakan matapos ipalasap ang umaatikabong atake ni opposite hitter Jan Abor, 3-5. Gayunpaman, muling nagpakita ng dominasyon ang defending champions nang magrehistro ng 7-0 run, 10-5. Patuloy na lumubo ang puntos ng DLSU nang lampasuhin ni opposite hitter Michael Fortuna ang zone 5 ng kort sa bisa ng down-the-line hit, 24-20. Sinubukang gisingin ni Abor ang dilaab ng Generals sa tulong ng service ace, 24-22, subalit sa kabila ng pagpupumiglas, ibinulsa ng Taft-based squad ang set matapos ang service error ni Abor, 25-22.
Matinding sagutan ng atake ang ipinamalas nina Magalaman at EAC middle blocker Edward Gura sa pagbubukas ng ikatlong yugto, 6-all. Buhat ng dikit na tunggalian, nagpasiklab ng combination play si Fortuna upang dalhin sa kalamangan ang Taft-based squad, 9-7. Nagpatuloy ang momentum ng Green Spikers matapos ang quick attack ni Magalaman mula sa agapay ni DLSU setter Diogenes Poquita, 16-12. Muli namang pumalag si outside hitter Frelwin Taculog para sa Generals nang ihulog ang bola upang pagdikitin ang talaan, 22-20. Gayunpaman, tuluyan nang tinuldukan ni outside hitter Arjay Magallanes ang sagupaan gamit ang down-the-line hit, 25-21.
Bunsod ng panalo, umangat sa 3-0 panalo-talo ang kartada ng Green Spikers sa torneo. Samantala, susubukang asintahin ng Taft-based squad ang pakpak ng Ateneo De Manila University Blue Eagles sa darating na Linggo, Agosto 18, sa ganap na ika-12 ng tanghali sa Ynares Sports Arena, Pasig City.