INIHAIN ni De La Salle University – University Student Government (DLSU USG) President Raphael Hari-Ong ang mga programa at inisyatibang naipatupad ng kanilang administrasyon sa isinagawang State of Student Governance 2024 (SSG) sa Learning Commons, Henry Sy Sr. Hall, Hulyo 31.
Lideratong may malasakit
Itinampok ni Hari-Ong ang tagumpay ng mga proyektong isinulong sa kaniyang panunungkulan upang pangalagaan ang kapakanan ng pamayanang Lasalyano. Sa kabuoan, nakagawa ng 20 flagship initiatives ang kaniyang administrasyon.
Ibinida ni Hari-Ong na matagumpay silang nakabuo ng mga makasaysayang polisiya at inisyatibang naglalayong magtagal sa hinaharap. “Nearly eight months into my administration, we have strived to lead with authenticity, integrity, and a relentless commitment to our DLSU community,” paglalahad niya.
Ikinintal din niya ang kahalagahan ng pagtugon sa tungkuling kaniyang sinumpaan. Bilang kinatawan ng mga estudyante, layunin niyang maging boses ng mga nangangailangan at maging karamay nila sa pagbuo ng magandang kinabukasan.
Pinasalamatan ni Hari-Ong ang pamayanang Lasalyano sa oportunidad na ipinagkatiwala sa kaniya upang makapaglingkod sa Pamantasan. Hinikayat din niya ang mga estudyanteng maging daluyan ng pagbabago at patuloy na makiisa. Mensahe niya, “Each of you has the potential to make a profound impact, to lead with heart, and to bring about meaningful change. Ako ay nakikiusap sa inyong lahat na tayo ay magtulungan para sa kapakanan ng Lasallian community.”
Pagsulong ng inklusibidad
Inilatag ni Hari-Ong ang tagumpay ng nagdaang selebrasyon ng pride month. Kabilang dito ang paglalagay ng makukulay na dekorasyon sa mga pasilyo ng Pamantasan at Animo Pride Fun Run na dinaluhan ng tinatayang 200 kalahok.
Itinanghal din ang pagsasagawa ng kauna-unahang pride concert sa Pamantasan. Inulan man ito ng pambabatikos mula sa mga konserbatibong indibidwal, hindi pa rin natinag ang tagumpay ng programa. Sa katunayan, nakalikom ito ng mahigit Php1,000,000 na inilaan para sa Home for the Golden Gays at DLSU USG scholarship para sa susunod na termino.
Naghandog din ng kasiyahan ang Pride March na pinangasiwaan at dinaluhan ng mga estudyanteng miyembro ng LGBTQIA+ community. Ibinandera ni Hari-Ong na isa itong hakbang patungo sa mas progresibo at inklusibong hinaharap para sa lahat. “The march was not just a celebration but a powerful statement of solidarity, as we walked through the university grounds, spreading messages of love, acceptance, and human rights,” saad niya.
Pangangalaga sa pamayanang Lasalyano
Pinasadahan din ni Hari-Ong ang tagumpay ng Arrows Homebound na namahagi sa pamayanang Lasalyano ng mga sorbetes, cotton candy, ice scramble, at inumin upang iparamdam sa kanila ang malugod na pagbati sa unang araw ng termino. Tinalakay rin ang Honesty School Supplies Drive na proyekto ng Office of the President (OPRES) at DLSU PUSO na nagkaloob ng mga kagamitan sa pag-aaral sa mga DLSU scholars at iba pang estudyanteng nangangailangan.
Namahagi rin ang OPRES ng sensory materials sa Gokongwei study hub noong nagdaang midterm exam. Layunin nitong bigyan ng mental break ang mga estudyanteng naghahanda para sa kanilang mga pagsusulit. Kabilang sa mga ipinamahagi ang paint by numbers, diamond painting, at tic tac toe.
Nagbigay-tulong din ang OPRES sa mga estudyanteng apektado ng nagdaang bagyong Carina. Matatandaang binuksan ang Enrique Razon Sports Complex noong Hulyo 24 para sa mga Lasalyanong nangangailangan ng akomodasyon. Katuwang ang administrasyon ng Pamantasan at Office of the Vice President for External Affairs (OVPEA), namahagi rin ng mahigit 200 libreng pagkain sa mga kawani at estudyante ng Pamantasan noong Hulyo 25.
Nagkakaisang layunin
Isiniwalat din ni Hari-Ong ang mga programang naipatupad ng mga miyembro ng ehekutibong sangay ng USG. Sa pangunguna ng Office of the Vice President for Internal Affairs (OVPIA), nabuo ang Green Light Central Program na naglalayong gabayan ang mga estudyante sa paggamit ng pampublikong transportasyon. Bumuo rin ang OVPIA ng Lasallian Study Space Efficiency Program upang episyenteng magamit ng mga estudyante ang mga espasyo sa Pamantasan sa kanilang pag-aaral.
Itinatag naman ng OVPEA ang Animo SkillSprint upang tulungan ang mga estudyanteng maghanda sa kanilang potensyal na propesyon. Nagsagawa rin ang naturang sangay ng COMELEC Voter ID registration at voter education seminar na tumatalakay sa mga bagong ACM machine na gamit sa midterm elections. Naging makabuluhan naman ang Leadership Playbook ng Office of the Executive Secretary para sa mga estudyanteng naghahangad maging lider.
Binigyang pag-asa naman ng proyekto ng Office of the Executive Treasurer (OTREAS) ang mga estudyanteng pinagsasabay ang paghahanapbuhay at pag-aaral sa kanilang inisyatibang Working Students Assistance Grant (WSAG). Ngayong termino, nakapamahagi ang opisina ng Php150,000 sa mga nangangailangang estudyante. Sa kabuoan, nakapaglaan ng Php1,000,000 ang OTREAS sa iba’t ibang scholarship initiatives.
Kinilala rin ni Hari-Ong ang mga inisyatibang napagtagumpayan ng bawat kolehiyo at Legislative Assembly. Pinasalamatan din niya ang mga kinatawan ng bawat kolehiyo para sa kanilang mga proyektong naisakatuparan.
Para sa kinabukasan
Pinasilip din sa SSG ang mga nakahandang plano ng OPRES para sa susunod na termino. Ilalaban nila ang Menstrual Pain-Induced Absences upang bigyan ng pahinga ang mga estudyanteng nakararanas ng sakit dulot ng kanilang buwanang dalaw. Itatatag din ang HEAL: The Next Phase Initiative na layong magbigay-suporta sa mga estudyante, kawani, at pamilya ng mga Lasalyanong nangangailangan ng tulong medikal.
Ibinahagi rin ni Hari-Ong na makikipag-ugnayan sila sa administrasyon ng Pamantasan upang ipatupad ang extended hours sa The Learning Commons. Isinasapinal na rin ang mga dokumentong kinakailangan upang maisakatuparan ang digitalization ng campus payments.
Ipinangako ni Hari-Ong na ipagpapatuloy niya ang kaniyang mga nasimulan at palalawigin pa ang bisyon para sa hinaharap. Kaugnay ng kawalan ng kandidato noong General Elections 2024, mahigpit na nanindigan si Hari-Ong na mananatiling kasangga ng mga Lasalyano sa susunod na termino.
“I may not be able to increase my height, but I can always increase and improve myself,” aniya.