TINALAKAY ng mga progresibong grupo mula sa De La Salle University – Manila (DLSU-M) at De La Salle University – Dasmariñas (DLSU-D) ang kawalan ng interes ng mga estudyante sa mga kampanyang pang-edukasyon, ang burukratikong proseso ng halalan, at ang pagtaas ng matrikula sa Pamantasan sa State of the Nation Address (SOLA) 2024, Hulyo 19.
Idinaos ang SOLA kaugnay ng panawagan ng Anakbayan Vito Cruz (ABVC), Diwa ng Kabataang Lasalyano – Vito Cruz (DIWA), Alyansang Tapat sa Lasallista (TAPAT), at Coalition of Concerned Lasallians (CCL) para sa mas maayos na sistema ng edukasyon bilang paghahanda sa State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. nitong Lunes, Hulyo 22.
Umiiral na represyon
Binigyang-atensiyon ni Francis Mendoza, chairperson ng ABVC, ang burukratikong proseso ng mga eleksiyon sa DLSU-M na nagdulot ng diskwalipikasyon ng mga partidong politikal. Isiniwalat niyang nasa 100 estudyante ang nakatakdang tumakbo sa General Elections 2024, subalit pitong independiyenteng kandidato lamang mula sa college at batch levels ang pinayagan. Ipinaliwanag din niyang nagiging sanhi ng abstention o hindi pakikilahok sa halalan ang limitadong pamimilian ng mga estudyante.
Itinuturing naman ni Marlon Dayo, kalihim ng TAPAT, na isang hamon sa tagumpay ng parating na Special Elections 2024 ang voter burnout dahil muli na namang sasalang sa prosesong elektoral ang mga botante. Pagbabahagi niya, napapagod na rin ang ilang estudyanteng bumoto sapagkat wala pa rin silang nakikitang pagbabago sa Pamantasan sa kabila ng pagdaan ng ilang siklo ng eleksiyon.
Gayunpaman, binigyang-diin ni Dayo ang kahalagahan ng eleksiyon sa pagpili ng mga kinatawan ng mga estudyante para sa University Student Government (USG). Pahayag niya, “Ang katapangan ng pitong independent candidates upang kaharapin ang nagbabantang abstain campaign, voter burnout, at iba pang komplikasyon tuwing eleksyon ay isang magiting na karanasan at trabaho upang maglingkod.”
Ipinaunawa naman ni Paolo Tarra, coordinator ng CCL, na hindi dapat sisihin ang mga student council sa kanilang pagtalima sa burukratikong proseso ng administrasyon ng Pamantasan. Binigyang-diin niyang hindi ito nararapat gawing hidwaan sa pagitan ng mga estudyante, sapagkat biktima lamang din ang mga student council.
Inilahad din ni Tarra na nabigo lahat ng USG elections sa DLSU-D mula nang buwagin ng administrasyon ang mga partidong politikal tatlong taon na ang nakararaan. Iginiit ng DLSU-D na nagdulot ng kaguluhan ang inisyatiba ng mga partidong palawakin ang kamalayan ng kanilang mga kapwa-estudyante hinggil sa mga isyung nakaaapekto sa kanila.
Laban ng lipunan
Sunod na binuksan ni Mendoza ang usapin ng tatlong taong pagtaas ng matrikula sa DLSU-M. Kaugnay nito, isiniwalat ni Tarra na nakaranas ng 30% tuition fee increase (TFI) ang DLSU-D noong akademikong taon 2021–2022 at 5% noong akademikong taon 2022–2023, ngunit walang natanggap na paliwanag ang kanilang mga estudyante hinggil dito.
Samantala, ibinahagi ni Ericka Jacinto*, kinatawan mula DIWA, na kasalukuyang hamon sa DLSU Integrated School (DLSU-IS) ang kawalang-interes ng kanilang mga estudyante sa mga kampanyang pang-edukasyon. Itinuro niyang sanhi ang naiibang karanasan sa mga pribadong institusyon, kagaya ng DLSU-IS, sa mga pampublikong unibersidad na direktang naaapektuhan ng mga polisiya ng gobyerno.
Gayunpaman, ipinunto ni Renee Bernas, vice chairperson ng ABVC, ang koneksyon sa pagitan ng burukratikong proseso ng halalan, pagtaas ng matrikula sa Pamantasan, at mas malawak na komersyalisasyon ng edukasyon sa bansa. Wika niya, “‘Yung nararanasan natin dito sa Pamantasan ay sanga-sanga na lang siya na dulot ng longstanding na oryentasyon ng ating lipunan.”
Iniugnay naman ni Dayo ang pagkakatatag ng TAPAT noong Batas Militar sa panunumbalik ng administrasyong Marcos. Nanindigan siyang patuloy na makikiisa ang TAPAT sa pagsulong ng pagbabago sa lipunan. Ginunita rin ni Bernas ang malalim na kasaysayan ng pakikibaka sa DLSU, kabilang ang mga estudyanteng aktibistang namartir para sa demokrasya.
Ayon kay Bernas, binibigyang-patunay ng SOLA na nananatiling huwad ang mga pangako ni Marcos. Ikinintal niyang itinataas sa talakayang ito ang iba’t ibang isyung kaugnay ng edukasyon dahil nakakulong pa rin sa mapaniil na sistema ang mga estudyante. Pagwawakas ni Bernas, “Patunayan natin once more na ang Pamantasang De La Salle, lagi’t lagi nasa front ‘yan. Kaisa ‘yan lagi ng iba’t ibang sektor.”
*Hindi tunay na pangalan