Walang laban ang malakas na patak ng ulan sa bigat ng mga hakbang ng mga naghahangad na masilayan ang bahaghari sa kalangitan. Taglay nila ang determinasyong hindi matitibag dahil mayroong kinakapitang pangakong nagtutulak sa kanilang ipagpatuloy ang paglakad. Madilim man ang langit, tanaw ang mga kulay na nagsilbing liwanag habang pumapalibot sa kalipunan. Naging palatandaan ang katingkaran ng kanilang kasuotan sa nag-iisang rason ng kanilang pagtitiis sa anomang sakunang humahadlang—mapatunayan ang kanilang pag-iral at isigaw ang mga ipinaglalaban.
Dala ang makukulay na payong at watawat, hindi nahadlangan ng masamang panahon ang mga miyembro ng Lesbian, Gay, Bisexual, Transgender, Queer, Intersex, at Asexual (LGBTQIA+) community upang makiisa sa Pride celebration nitong Hunyo 21 sa Quezon Memorial Circle. Sa taong ito, muling ipinarada ng komunidad ang kanilang masugid na panawagang kontra sa diskriminasyon at tungo sa inklusibong lipunan.
Makulay na pag-alpas
Nagtipon ang libo-libong tao mula sa iba’t ibang panig ng Pilipinas upang ibandera ang kanilang pagkakakilanlan. Magkakaibang kasariang may iisang ipinagdiriwang at ipinaglalaban ang adhikaing nanaig sa selebrasyon. Sa araw na iyon, kanilang ipinamalas ang matatag na samahan at marubdob na pakikibaka para sa adbokasiya.
Isa si Kenseey*, kinikilala ang sarili bilang gay, sa mga nakapanayam ng Ang Pahayagang Plaridel (APP) sa taunang Pride March. Paglalahad niya, masarap sa pakiramdam na masaksihan ang suportang natatamo ng mga miyembro ng LGBTQIA+ sa naturang pagdiriwang. Nagbibigay-inspirasyon umano ito sa kaniyang huwag maduwag na ilantad ang kasarian. Dito nagagawa niyang ipagdiwang ang kaniyang sarili nang walang panghuhusga mula sa mga taong nakapalibot sa kaniya.
Ipinahayag naman JP* sa APP na kagaya ni Kenseey, dumalo siya ng Pride upang makihalubilo sa komunidad na malaya sa kritisismo at pangmamata. Sa isang inilaang araw para sa mga miyembro ng komunidad ng LGBTQIA+, isinaad ni JP na lubos niyang napakawalan ang sarili sa pamamagitan ng pagdadamit ng pambabae. “Nakakuha rin naman ako ng compliments about my look, which is super nakaka-boost ng confidence,” pagbabahagi pa niya.
Hindi lingid sa karamihan na isang pagdiriwang ang Pride March. Para sa marami, isa itong araw ng pagiging malaya sa mapang-aping lipunan. Karagdagan lang ang mga tanghalan sa karanasan ni JP sa pagdaraos. Sa huli, pangunahing layunin nila sa pagkilos ang maipakita ang mga sarili nang walang takot at pagkabahala.
Kasarinlan ng kasarian
Kaakibat ng pagdiriwang ang paninindigan na isinusulong ng LGBTQIA+ sa paglunsad ng Pride March. Tanda ng alyansa ng mga miyembro ng komunidad para sa kanilang adbokasiya ang humigit tatlong oras na pagmartsa sa Quezon Memorial Circle.
Pagtutol sa diskriminasyon at pagpaparinig ng binubusalang boses ang pinupuntirya ng LGBTQIA+ na makamtan sa Pride March. Sa kaunting oras, ipinagsigawan ng komunidad ang daan-daang taong pagkukubli dulot ng panghuhusga. “Para sa akin bilang isang gay siguro ay irespeto po kami. Hindi lang kami isang bakla, tomboy, o ano pa ‘yan,” turan ni Kenseey.
Subalit, libo-libo man ang dumalo sa Pride March, napansin ni JP na hindi nakiisa ang karamihan sa protestang ipinaglalaban ng komunidad. Sa paglubog ng araw at pagdagsa ng mga tao sa entabladong paggaganapan ng mga pagtatanghal, tila nabunyag ang tunay na pakay ng karamihan sa mga dumalo—pumunta lamang sila upang manood ng pagtatanghal ng kanilang mga paboritong artista. Nakalulungkot mang pagmasdan, ngunit mistulang napangibabawan ng kanilang tilian ang sigaw ng komunidad kagaya ng pagsasabatas ng Sexual Orientation, Gender Identity, and Expression Equality Bill.
Hawak-hawak ang mga naglalakihang karatulang naglalaman ng samo’t saring panawagan, hindi nagtatapos ang pagkilos para sa kanilang komunidad lamang. Masigasig ding iminulat ng LGBTQIA+ community ang lahat sa mga suliranin ng mga nasa laylayan ng lipunan. Ilan lamang dito ang pagkontra sa charter change, panawagan sa kalayaan ng mga Palestino, at paglaban sa agresibong pag-angkin ng Tsina sa West Philippine Sea.
Pagdidiin ni JP, pakikibaka para sa minimithing karapatan at kalayaan ng LGBTQIA+ ang nararapat na motibasyon sa pakikiisa sa Pride March. Kasama rin dito ang tuluyang pagpuksa ng inhustisya at diskriminasyon sa mga sinisiil. Giit niya, “I hope na ma-realize ng mga tao na this is not just a some type of music festival na pwede nilang puntahan basta-basta.”
Sa kabila ng lahat ng panunupil, hindi kinalimutan ng komunidad ang kanilang gampanin bilang miyembro ng lipunan. Pinatunayan nilang may kakayahan ang bawat isang pumiglas at makalaya sa gapos ng pang-aapi, anoman ang kanilang kasarian o pagkakakilanlan.
Banderang hindi tutumba
Gaano man kasikip ang kalsada, tatahakin ng isang komunidad ang daan tungo sa kanilang minimithing kalayaan. Bago ang pagdiriwang, itataas muna ang bahagharing watawat at titiisin ang mga naggigitgitang katawan. Sisigaw sila nang paulit-ulit upang marinig ng lahat na nais nilang makamtan ang maluwag na pagtanggap ng pamayanan. Hangarin ng komunidad ang kalayaang magmahal at maipakita anoman ang kanilang kasarian.
Sa pagtila ng ulan, mayroong bahagharing papalamutian ang kalangitan—sumisimbolo sa pagtindig at pakikibaka ng LGBTQIA+ sa pag-angkin ng nararapat nilang espasyo sa lipunan. Maghahari ang mga kulay na kakatawan sa bawat pagkakakilanlan laban sa mabibigat na ulap na pilit itong tinatakpan. Makikitang hindi kayang burahin ng tubig ang koloreteng pumipinta sa katauhan ng pagmamahal. Hangga’t hindi nagmamarka ang katotohanang ito sa lahat, ipagpapatuloy ang pagrampa tungo sa kalayaan.
*hindi tunay na pangalan