IPINAHAYAG ng pamayanang Lasalyano ang kanilang pananaw tungkol sa etikal na pangangampanya sa Pamantasan, kasabay ng kanilang mungkahi para sa pagpapanatili ng integridad sa eleksyon at pagbabago sa mga tuntunin ng pangangampanya upang higit pang palakasin ang prosesong elektoral sa darating na General Elections 2024.
Nagpahayag ng opinyon sina Dr. Anthony Borja, Dionessa Bustamante, at Telibert Laoc, mga propesor mula sa Department of Political Science and Development Studies; Denise Sue Avellanosa, chairperson ng De La Salle University-Commission on Elections (DLSU COMELEC); at ilang mga estudyante tungkol sa mga estratehiya ng mga kandidato tuwing eleksyon at kahalagahan ng etikal na pangangampanya sa pagpapatibay ng integridad sa halalan.
Pamantayan ng COMELEC
Ipinabatid ni Avellanosa na magsasagawa ang DLSU COMELEC ng mga programa at seminar upang ikintal sa isipan ng mga kandidato ang mga patakaran sa Revised Omnibus Election Code (OEC) at mga paglabag na nakapaloob dito. Binalaan din niya ang mga kandidatong maging responsable sa kanilang pangangampanya.
Inabisuhan din niya ang pamayanang Lasalyano hinggil sa electoral complaint system na maaaring magamit ng mga estudyante upang magsampa ng reklamo laban sa mga partido o kandidatong lumalabag sa mga probisyon ng OEC. Hinihikayat niya ang bawat estudyanteng makilahok at panagutin ang mga kandidatong lumalabag sa mga patakaran. “It is always crucial to be informed, so guidelines and rules can be upheld,” giit ni Avellanosa.
Kahalagahan ng etikal na pangangampanya
Ipinaliwanag ni Laoc na katangian ng etikal na pangangampanya ang pagkakaroon ng mga kandidato ng respeto sa mga botante. Nilalayon din nitong isapuso sa mga manunungkulan ang kahalagahan ng pagsasaalang-alang sa kapakanan ng mga estudyante. “Ang tungkulin ng isang mabuting kampanya ay hindi lang inaangat ang kaniyang sarili—kun’di inaangat niya ang lahat,” salaysay ni Laoc.
Sinang-ayunan ito ni Bustamante at ipinaalala na ang etikal na pangangampanya ang magsisilbing patnubay ng mga kandidato sa pagsulong ng kanilang plataporma sa tamang pamamaraan. Dagdag pa niya, kailangang masigurong makatotohanan ang mga impormasyong ilalahad ng mga manunungkulan at nakasentro sa kapakanan ng mga estudyante.
Hinikayat din ni Bustamante ang pamayanang Lasalyanong lumahok sa pagsulong ng etikal na prosesong elektoral. Batay sa kaniya, isa itong hakbang upang ipahayag ang mga pagbabagong nais nilang maipatupad sa Pamantasan. “Ang pakikilahok sa eleksyon kaugnay ng pagsulong ng etikal na pangangampanya ay magiging mahusay na pagkakataon upang ipahayag ang pagbabago na gusto nilang makita,” paglalahad niya.
Binigyang-punto naman ni Borja ang responsibilidad ng mga kandidato na alamin ang kanilang layunin sa pagtakbo dahil ito ang pundasyon sa pagpapatupad ng etikal na sistema sa eleksyon. Pagdidiin niya, kaakibat ng lahat ng posisyon sa pamahalaang pang-estudyante ng Pamantasan ang mabigat na responsibilidad para sa mga tatakbo.
Sa mata ng mga Lasalyano
Ipinabatid ni Joseph Evangelista, ID 123 mula AB Political Science, na batayan ang etika ng tunay na hangarin at prinsipyo ng isang kandidato. Wika niya, “Kung mali ang kaniyang ipinapakita, magiging banta ito ng korap na pamamahala . . . kung ito naman ay tama, nagpapakita ito ng potensyal na maganda at maayos na pamamahala.”
Para naman kay Jacey Concepcion, ID 121 mula rin sa AB Political Science, dapat suriin ng DLSU-COMELEC ang bawat kandidatong tatakbo at paganahin ang kritikal na pag-iisip ng bawat estudyante sa panahon ng eleksyon. Idiniin niyang kailangang alamin ng mga kandidato ang tunay na diwa ng pagiging isang lider at hindi dapat nakabatay lamang sa hangaring maupo sa posisyon.
Binigyang-pokus din ni Evangelista ang paggamit ng social media bilang isang makinarya sa pangangampanya. Aniya, “Ang malungkot na katotohanan ay maraming mga kasinungalingan ang kumakalat ngayon sa social media . . . dahil sa patuloy na paglaganap ng mga trolls at mga negatibong makinarya.” Inuudyok niya ang mga kandidato na tumalima sa tamang asal sa internet at gamitin ang social media sa paglalahad ng tapat na impormasyon.