Hindi madali maging isang lider.
BINIGYANG-DIIN ng ilang kasalukuyang lider ng De La Salle University – University Student Government (DLSU USG) ang naranasang burnout at pinansiyal na pasaning dulot ng pangangampanya sa eleksyon. Sinuri rin ang epekto nito sa kalusugan ng mga kandidato at kanilang kakayahang magpalaganap ng mga plataporma para sa kapakanan ng pamayanang Lasalyano.
Kinapanayam ng Ang Pahayagang Plaridel (APP) sina USG Treasurer Juliana Faye Meneses at School of Economics College President Annika Natania Subido hinggil sa kanilang mga naranasang hamon sa pangangampanya. Nagbahagi rin sila ng mensahe sa mga kandidato sa paparating na General Elections 2024.
Pahinga, hindi pagsuko
Inilahad nina Meneses at Subido na hindi naging madali ang kanilang ginawang mga pagsasanay at paghahanda para sa kanilang mga plataporma, talumpati, at debate. Dagdag pa ni Meneses, naging mahirap din ang room-to-room campaigns dulot ng bigat na naramdaman sa pagkadiskwalipika ng kanilang mga kapartidong tumatakbo para sa Executive Board. Bunsod nito, nakaranas si Meneses ng burnout nitong nagdaang eleksyon at nakaapekto aniya ito sa kaniyang pag-aaral.
Sa kabila nito, napagtagumpayan nina Meneses at Subido ang mga naturang hamon dahil sa pagkakaroon ng sapat na pahinga at suporta mula sa kanilang mga kaibigan at kapwa kandidato. Gaano man kabigat ang kanilang responsibilidad, ibinaling na lamang anila ang kanilang pokus sa pangangampanya at paglalatag ng kanilang mga plataporma.
Nakatanggap din sila ng tulong, tulad ng pagkain at gamot, mula sa kinabibilangang partido para matiyak ang kanilang pisikal na kalusugan sa gitna ng pangangampanya. Nagsisilbing katuwang din ang kanilang partido sa pagpapabuti ng kanilang mga plataporma at pagtulong sa kanilang mga emosyonal na pasanin. Pagbabahagi ni Subido, “Alam mong may kasama at kapanalig ka sa lahat-lahat; ang iyong pasanin ay pasanin ng lahat. [Ang partido] ang makakaintindi at tutulong sa iyo.”
Pinansiyal na sakripisyo sa eleksyon
Bukod sa burnout na naranasan ng mga kandidato, hindi rin maikakaila ang pinansiyal na pasaning dulot ng pangangampanya. Ayon kay Subido, kinailangan niyang maglabas ng sariling pera para sa ilang materyales tulad ng tarpaulin, flyers, damit, at mga aksesorya, gaya ng lanyard at ID.
Ayon naman kay Meneses, nagbayad siya ng humigit-kumulang Php3,000 sa kaniyang partido para sa mga pangunahing pangangailangan sa pangangampanya. Ibinahagi niyang napunta naman ang kabuuang halaga sa lahat ng materyales na kinailangan para sa eleksyon.
Binigyang-diin ni Meneses na kailangang paglaanan ng badyet ang pangangampanya upang madaling maipalaganap ang mga plataporma ng mga kandidato. Pagpapaliwanag niya, “Kung talagang gusto mong mag-serve, abonado ka talaga.”
Gayunpaman, inilahad niyang hindi sapat ang naturang pera sa buong panahon ng pangangampanya kaya ginagamit din ang mga donasyon mula sa mga alumni na patuloy na sumusuporta sa kanilang partido.
Payo para sa mga susunod na kandidato
Bunsod ng paparating na eleksyon, hindi nag-atubiling magbigay ng payo sina Meneses at Subido sa mga kandidato hinggil sa pagdanas ng burnout at mga pinansiyal na problema. Pagbabahagi ni Subido, mahalagang magkaroon ng mga taong magsisilbing sandigan. Dagdag pa niya, “Know your why . . . kasi ito ang magbibigay sa iyo ng lakas.”
Iginiit naman ni Meneses na hindi dapat kalimutan ng mga kandidato ang magpahinga. Ipinabatid niyang mabigat ang tungkulin ng isang kandidato at kailangan nilang pangalagaan ang kanilang pangangatawan.
Ipinaalala rin ni Meneses na kailangang manaig sa mga kandidato ang tiyaga at kagustuhang magbigay ng serbisyo sa pamayanang Lasalyano dahil ito ang makatutulong sa kanila upang mapagtagumpayan ang mga darating na pagsubok sa eleksyon.