ITINAMPOK ng anim mula sa pitong kandidato para sa General Elections 2024 ang kanilang mga paniniwala at plano sa isinagawang Debate at Miting De Avance (MDA) sa Henry Sy Sr. Grounds ng Pamantasang De La Salle (DLSU), Hulyo 6.
Pinangunahan ni Elise Santos, tumatakbong Arts College Government president, ang kampanya para sa College of Liberal Arts (CLA), kasama ang mga kumakandidatong batch president ng FAST2021 at FAST2022 na sina Marty Rebesencio at Geli Davocol. Hindi naman nakadalo si Ken Gaviola, para sa FAST2023 batch vice president, dahil sa off-campus activity para sa isang kurso.
Itinatag naman ang YUGTO Coalition upang maghatid-serbisyo sa College of Science (COS). Kabilang sa koalisyon sina Eshylle Lee, kumakandidato bilang Science College Government president, Vien Dy, para sa FOCUS2022 batch president, at Josh Mercado, tumatakbong FOCUS2022 batch vice president.
Tugon sa mga isyu sa Pamantasan at bayan
Itinampok sa debate ang pananaw ng mga kandidato hinggil sa iba’t ibang usapin at suliranin sa loob at labas ng Pamantasan. Kabilang dito ang pagtalakay sa mahalagang papel at aktibong partisipasyon ng mga estudyante sa eleksyong pangkampus, paglahok ng mga Lasalyano sa mga diskusyon tungkol sa mga isyung panlipunan, at politikal na paninindigan ng mga kandidato.
Naniniwala si Davocol na kailangan ng mga proyektong nakatuon sa boses ng mga Lasalyano upang muling mabuo ang tiwala at koneksyon sa pagitan ng mga estudyante at ng DLSU University Student Government (USG). Dagdag pa niya, kinakailangan ding lumikha ng mga inisyatibang tunay na magpabubuti sa karanasan ng mga estudyante ng Pamantasan.
Iginiit naman ni Dy ang kahalagahan ng pagiging tapat at kakayahang kumatawan ng mga kandidato sa DLSU bilang tugon sa malaking bilang ng abstain votes tuwing eleksyon. Aniya, “As a candidate, dapat naming patunayan. . . sa mga taong boboto sa’min kung bakit ba kami karapat-dapat na iboto nila. Nandito kami sa harap nila ngayon upang irepresenta sila at para marinig ang kanilang boises bilang estudyante.”
Tinalakay din sa debate ang aktibong partisipasyon ng mga estudyante sa mga usaping panlipunan. Para kay Lee, gampanin ng DLSU USG na imulat ang mga estudyante sa iba’t ibang isyung panlipunan upang makatulong sa pag-unlad ng bayan. Paglilinaw niya, “. . . kulang ‘yung exposure ng COS students on how they can help in societal development because we are focused on theoretical.”
Naniniwala naman si Santos na may mga espesyalisasyon ang iba’t ibang programa sa ilalim ng CLA pagdating sa mga isyung panlipunan. Paliwanag niya, “. . . for International Studies, they’re very passionate about international human rights. . . For Political Science and Development Studies, they’re very passionate about policy making, policy writing, and understanding policies. So, we should create platforms that would ensure that their advocacies are being reached.”
Adhikain para sa pamayanang Lasalyano
Pinangunahan ni Davocol ang paglalatag ng mga plataporma sa MDA. Binigyang-diin niya ang kahalagahan ng student resources upang mas mapadali ang paghahanap ng practicum at trabaho ng mga estudyanteng mula CLA. Pagpapalawig niya, nais niyang ipabatid sa mga Lasalyano ang mga oportunidad sa loob ng Pamantasan sa pamamagitan ng programang “Kaagapay Initiative”.
Iniangkla naman ni Rebesencio ang kaniyang mga plataporma para sa CLA sa tatlong haligi: pagpapabuti ng karanasan ng mga estudyante sa Pamantasan, pagpapaigting ng suportang pang-akademiko, at pagpapalalim ng kaalaman ng pamayanang Lasalyano hinggil sa mga isyung pangkampus at panlipunan. Ipinunto niyang mahalaga ang mga naturang haligi sa pag-agapay sa mga ID121 sa kanilang huling taon sa kolehiyo.
Isinentro naman ni Santos ang kaniyang mga plataporma sa serbisyo. Aniya, “Our vision for our College of Liberal Arts is a community where service is at the core of everything we do. You are at the core of everything we do.” Ipinangako niya sa mga estudyante ang suporta at representasyong walang pinipili at para sa lahat.
Sa kabilang banda, ibinahagi ni Mercado ang programang “Sci-Connect” na layong itaguyod ang kaalaman at koneksyon ng mga estudyante ng COS sa propesyonal na mundo. Inilatag din niya ang “Opening the Galaxy” na magbibigay-oportunidad sa mga estudyanteng magturo ng mga bata sa mga katuwang na komunidad ng Pamantasan.
Isinulong naman ni Dy ang representasyon at pag-aalaga sa kapakanan ng mga estudyante. Aniya, “We centered our projects in ensuring that we get the most out of your education by enhancing your student welfare and bridging you to academic success.” Hinimok din niya ang mga estudyanteng pumili ng mga lider na kayang tumindig para sa kanilang karapatan.
Bilang tumatakbong College Assembly President ng COS, binigyang-diin ni Lee ang pangangailangan ng mga estudyante ng kolehiyo sa mga panglaboratoryong kagamitan at suporta sa mental na kalusugan. Nais din niyang bumuo ng isang Science College Government na epektibo at nararamdaman ng mga pinamumunuan nito.
Sentimyento ng mga kandidato
Pinakinggan naman ang mga agam-agam at hinaing ng pamayanang Lasalyano sa open forum ng MDA. Siniyasat ang paninindigan ng mga kandidato tungkol sa mga kritisismo buhat ng mga napakong pangako. Pagsasaad ni Santos, “As student leaders, one thing we should really prioritize is to be criticism-oriented. . . In the case that [my promises] are not met, I will take full accountability, but as a reassurance, my promises are not just said; they are based on actions.”
Ipinunto naman ni Dy na hindi dapat tingnan ang kritisismo bilang insulto kung hindi bilang isang oportunidad upang mapaunlad ang sarili. Dagdag pa niya, sakaling makaupo, maglalatag ang kaniyang administrasyon ng transparency pubs bilang tugon sa naturang isyu.
Binusisi naman ang pagiging inklusibo ng mga platapormang inilatag ng YUGTO coalition sa iba pang larangan ng agham bukod sa medisina. Bilang tugon, inilahad ni Lee ang kaniyang proyektong “COS Career Expo” na naglalayong ipakita ang iba’t ibang propesyonal na landas para sa kapwa-estudyante. Ipinakilala naman ni Dy ang “SciVoyage”, isang immersion program na layong ilantad sa mga estudyante ang iba’t ibang larangang konektado sa kanilang kolehiyo.
Kaugnay ng nalalapit na ikatlong State of the Nation Address ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., inusisa rin ang kabatiran ng mga kandidato tungkol sa mga makabuluhang polisiya o proyektong nagawa ng administrasyon para sa mamamayang Pilipino. Pagdidiin ni Santos, “We see constant lapses from the Marcos administrations. . . I have not seen any effective, efficient, and even transparent governance from the Marcos administrations.”
Iginiit rin ni Dy na hindi niya dama ang administrasyong Marcos. Magkawangis man ang kanilang sentimyento, ngunit walang tiyak na proyekto o polisiyang nabanggit ang dalawang kandidato. Sa kabilang banda, siniyasat ang kani-kanilang pananaw hinggil sa kasalukuyang administrasyon ng DLSU USG na nakaupo sa posisyong kanilang tinatakbuhan.
Kinilala ni Davocol ang mga naisakatuparang proyekto ng kasalukuyang administrasyon ng FAST2022. Nagsilbi aniyang daan ang mga ito sa mas matibay na ugnayan sa kapwa-estudyante. Binigyang-tuon naman ni Lee ang kahalagahan ng ihahatid pa nilang serbisyo. “For me, what’s important is [what] we offer next. . . to offer an SCG that is maximized. . . will present the students solutions kung ano ‘yung pinoproblema nila,” pagdidiin niya.
Binigyang-linaw rin sa naturang open forum ang pagtakbo nina Santos at Dy bilang mga independiyenteng kandidato kaugnay ng diskwalipikasyon ng partidong Alyansang Tapat sa Lasallista. Matatandaang parehong miyembro ng partido ang dalawang kandidato. Paninindigan nina Santos at Dy, tumakbo lamang sila upang pagsilbihan ang pamayanang Lasalyano.