Sa pagpatak ng buwan ng Hunyo, nagiging makulay ang iba’t ibang panig ng mundo sa pagdiriwang ng Pride Month. Nagsisilbing panawagan ang naturang selebrasyon ng Lesbian, Gay, Bisexual, Transgender, Queer, Intersex, at Asexual (LGBTQIA+) community para sa mas inklusibong lipunan. Mistulang piyestang may protestang kaakibat, sapagkat hindi magpatitinag ang komunidad na hangad ang pagkakapantay-pantay at pagtanggap.
Sa unang pagkakataon, matagumpay na idinaos ang isang Drag Concert sa Pamantasang De La Salle sa pangunguna ng Office of the President at De La Salle University (DLSU) PRISM noong Hunyo 20. Ginanap ang “Animo Pride: Drag Concert Extravaganza” sa Teresa Yuchengco Auditorium na pinagbidahan ng mga kilalang drag queen sa bansa. Dala ang kanilang inihandang sorpresa para sa mga tagahanga, pinadagundong ng mga reyna ang tanghalan bitbit ang panawagan sa bayan.
Mga reyna ng sangkabaklaan
Sa paghina ng liwanag sa entablado, tumaas naman ang enerhiya ng mga tao. Unang nagtanghal si Arizona Brandy, 1st runner-up ng Drag Race Philippines Season 2. Nabuhay ang diwa ng madla sa mga awiting “Focus” at “No Tears Left To Cry” ni Ariana Grande. Umani pa ng halakhak mula sa mga manonood ang reyna nang walisin ang mga pira-pirasong makukulay na papel sa entablado. Sinundan naman ito ng emosyonal at nakatitindig-balahibong himig ni Winter Sheason Nicole sa pag-awit niya ng “Rise Up” ni Andra Day at “Himala” ng Rivermaya. Tila kasing lamig ng kaniyang pangalan ang tinig nang humuni si Winter.
Nakabibinging-hiyawan naman ang sumalubong kay Marina Summers nang sambitin niya ang mga katagang “DLSU, it’s summer time!” Ibinida ng Drag Race UK vs. The World Season 2 finalist ang “AMAFILIPINA”, sariling rendisyon ng kantang “AMAKABOGERA” ni Maymay Entrata. Matapos ang pasabog ng reyna, nagbahagi siya ng mensahe para sa mga dumalo. “Congratulations, because you have a space in your university [where] you are valued and celebrated! A lot of schools in the Philippines should follow suit,” pahayag niya.
Lalo pang nabighani ang lahat sa pagtatanghal ni M1ss Jade So, bahagi ng Top 4 ng Drag Race Philippines Season 2, ng mga kanta ni Ariana Grande. Hindi naman nagpahuli ang worldwide sensation na si Taylor Sheesh na ginawang mistulang Eras Tour ang loob ng awditoryum sa pagtatanghal niya ng siyam na kanta ni Taylor Swift.
Nagpakitang gilas din si Maxie Andreison, kalahok sa Queen of the Universe Season 2. Nagsayawan ang lahat nang awitin niya ang “2012 (It Ain’t The End)”, “Down”, at “Do You Remember” ni Jay Sean. Paalala ni Maxie na habang nagdiriwang ang Pride ng samu’t saring mga identidad, protesta pa rin ito. Buong-tapang niyang sigaw, “Huwag kayong mapapagod, huwag kayong matatakot ipaglaban ang ating karapatan! SOGIE Bill is not just for the queer, it’s for humanity.”
Paglayag ng indibiduwalidad
Malayo pa pero malayo na ang narating ng komunidad ng LGBTQIA+ patungo sa isang lipunang tanggap at kasama sila. Sa bawat pasabog ng mga reyna ng drag, umaalingawngaw ang pagsuporta ng sangkabaklaan at mga ally sa loob ng teatro. Isang entablado, tatlong palapag, daan-daang upuan—walang puwang para sa diskriminasyon at tampok ang pagbibigay-pugay sa pagkakaiba-iba ng bawat isa. Sa panayam ng Ang Pahayagang Plaridel (APP) sa drag queen na si M1ss Jade So, ibinahagi niyang nais niyang magbigay-inspirasyon sa mga tao upang mahalin at alamin ang sariling halaga sa pamamagitan ng drag.
Kabilang naman sina Carl Ramos, mag-aaral ng BS Biology Major in Medical Biology, at Anton Mandal, mag-aaral ng BS Industrial Engineering, sa mga dumalo para subaybayan ang mga iniidolong drag artist. Nais din umano nilang masaksihan ang malaking hakbang ng Pamantasan patungo sa pagiging inklusibo’t progresibong institusyon. Pagbabahagi ni Ramos, malaking bagay para sa mga Lasalyanong kabilang sa LGBTQIA+ community ang ganitong klase ng pagtitipong ipinagdidiwang ang kanilang indibiduwalidad.
Bahagi lamang ng protesta ang konsiyerto at marami pang kailangang ipaglaban ang komunidad. Pagdidiin ni Ramos, “Sana, sa mga ganitong inisyatiba, nawa’y makamit na natin ang malayang pagmamahalan at pag-express ng ating mga sarili sa bansang walang diskriminasyon.” Hangad din ni Mandal na mabigyan ng boses ang mga miyembro ng LGBTQIA+ community upang maipaglaban ang kanilang mga karapatang ipinagkakait sa kanila ng nanlulugmok na lipunan.
Sa laban para sa pagkakapantay-pantay, imbitado ang lahat. Kinapanayam ng APP si Elli Yaona, isang mag-aaral mula sa UP Diliman, na dumayo pa ng DLSU kasama ang kaniyang mga kaibigan bilang masugid na tagasubaybay ng Drag Race. Paglalahad niya, “[Masayang] tingnan at [mapakinggang] hanggang ngayon, ipinagkakatiwala sa mga drag queens ang pagiging front-runner in this fight for acceptance, equality, and inclusivity.”
Gabing puno ng kislap
Napuno ng musika at kinang ang awditoryum sa ipinakitang talento ng mga nagtanghal. Nagbigay-kasiyahan din sa mga manonood ang kanilang mga nakatatawang biro. Subalit sa kabila ng makulay at magarbong palabas na ipinakita ng mga drag queen, protesta ang masayang konsiyerto para sa komunidad na inirerepresenta nito. Hindi lamang magtatanghal ang mga drag queen, mga mandirigma rin silang gumagamit ng sining upang ipaglaban ang pagkakapantay-pantay at pagtanggap sa lipunan. Binabalot man ng dilim ang kanilang mundo, patuloy pa rin ang pagkinang ng kanilang adbokasiyang nagbibigay-inspirasyon sa komunidad.
“I hope after this event, you use this energy when you go outside this auditorium [and] share it with your friends, share it with your families . . . Let’s all help touch each others’ hearts.”, mensahe ni Marina Summers. Mamatay man ang ilaw sa entablado, patuloy pa ring ibabandera ng mga reyna at madla ang makulay na pagmamahal para sa pagbabago. Lalakasan pa ang naglalagablab na pagkakaisa para sa inklusibidad at patuloy lalaban upang itaguyod ang respeto para sa lahat ng kasarian at identidad sa lipunan. Malayo pa man ito sa hinahangad na katarungan, ngunit malayo na ang narating ng kanilang ipinaglalaban.