Madilim na entablado at mga aninong gumagalaw lamang ang nasisilayan ng sabik na sabik na madla. Binibilang ng bawat isa ang mga sandali hanggang sa unti-unting lumiwanag ang espasyo dulot ng mga talentong nagniningning. Masidhing itinuon ang mga mata sa harapan hanggang mamasdan ang mga manananghal na dinadamdam ang bawat sulok ng tanghalan. Sa bawat kumpas at pitik ng katawan, tila ang pagsayaw ang wikang kinagisnan.
Ipinagdiwang ng La Salle Dance Company (LSDC) Folk, Contemporary, at Street noong Hunyo 7 at 8 ang 20 taong anibersaryo ng samahan sa Pamantasan. Binigyang-pugay ng programa ang bawat miyembrong humuhulma sa pagkakakilanlan ng tahanan. Ipinamalas ng tatlong dibisyon ang mayamang katangian ng pagsasayaw sa “The Emerald Stage: Celebration of 20 Years of Dance” sa Teresa Yuchengco Auditorium ng Pamantasang De La Salle.
Balitaw ng katawan at musika
Sa pagpalo ng tambol at kalabit sa kuwerdas ng mga gitara, masigabong binuksan ng LSDC-Folk ang selebrasyon. Binigyang-buhay ng Balay Rondalla, manunugtog mula Pandacan, ang musikang yumayanig sa mga katawan ng nagtatanghal. Matipuno ang entrada ng mga mananayaw sa pagpasok pa lamang, mistulang mga agilang lumilipad sa kalangitan. Sa kanilang pagtapak sa entablado, mararamdaman ang bigat ng mga galaw na nakapupukaw ng atensyon. Waring naging ekstensyon ng mga mananayaw ang mga telang sumasabay sa alon ng kanilang galaw. Kahanga-hanga ang bawat indak na nagsilbing katalista sa kamanghaan ng susunod na sayaw.
Nagpakitang-gilas naman ang LSDC-Contemporary sa kanilang malumanay ngunit pihadong pagbungad sa entablado. Inakay nila ang madla sa isang paglalakbay-diwa, dala ng kanilang eleganteng mga galaw kasabay ng trangkilong musika. Aparato ng pagsasalaysay ang mga binti at braso sa nabubuong mga linya at hugis ng mga istoryador. Inakit ng kanilang bayle ang madla habang pinararating ang kuwento sa likod ng ritmo ng musika. Winakasan ang lahat ng ito ng isang masiglang rendisyon ng pinagmulan ng grupo, ang Jazz. Sa sining ng modernong pag-indak, naipadama ng mga mananayaw ang emosyon ng takot, lungkot, at tuwa.
Bilang pagtatapos ng selebrasyon, dama sa hiyaw ng tanghalan ang malakas na dating ng LSDC-Street. Sa pagpasok pa lamang, naramdaman na ang personalidad ng grupo at bawat indibidwal. Matigas ang bawat suntok at malambot naman ang bawat kembot—naipamalas ng bawat isa ang bersatilidad at kahusayan. Natunghayan din ang bangis ng sayaw sa mga galaw at mga mukhang maangas. Sa pagwawakas ng pagdiriwang, sinigurado ng obra maestrang kilala ng mga manonood ang diwa ng LSDC-Street.
Bayle ng buhay
Pag-indak ang nakapagpahasa sa kaalaman ng La Salle Dance Company (LSDC) sa kulturang Pilipino. Nakasunod sa ritmo ng sayaw ang paglalakbay nila bilang mga tagapagtanghal at mamamayang Pilipino. Sa magiliw na pagsabay ng LSDC-Folk sa indayog ng musika, nagsilbing tulay ang mga mananayaw upang makilala ang tribo sa iba’t ibang sulok ng Luzon, Visayas, at Mindanao.
Sunod na tumapak sa entablado ang LSDC-Contemporary na nagsabuhay sa pagkabayani ni Jose Rizal sa harap ng kasalukuyang henerasyon. Ipinaalala ng grupo sa mga manonood ang pinagdaanan ng bansa bago ang kalayaan sa pamamagitan ng marubdob na pag-indayog. Sa huli, naitawid ng modernong estilo ng pag-indak ang pagsasabuhay ng kasaysayan at kultura ng Pilipinas.
Hindi rin nagpahuli ang LSDC-Street sa pagmamalas ng nakabibighaning galaw sa entablado. Inilakip ng mga mananayaw ang “Archer Pose” sa kanilang pagbayle—representasyon ng kanilang dugong berdeng habambuhay na mananalaytay.
Winakasan ang pagtatanghal sa huling pagyukod ni Coach Mycs sa entablado bilang tagapagsanay ng LSDC-Street. Ipinangako naman ng mga miyembrong ipagpapatuloy ng grupo ang mga natutuhang aral mula sa tagapagturo.
Hanggang sa huling tagaktak ng pawis, naitaguyod ng LSDC ang paglalahad ng kultura at kasaysayan sa esmeraldang entablado. Napatunayang higit pa sa panlilibang ang larangan ng pagsayaw.
Susunod na entablado
Sa pagtatapos ng selebrasyon, nagpalit na sa simpleng kasuotan ang mga mananayaw. Kahit masikip, pinagkasya ng tatlong haligi ng LSDC ang kanilang mga katawan sa maliit na espasyo ng entablado. Sa kabila ng iba’t ibang estilo sa pagsayaw, ipinakita pa rin ang sama-samang ugnayang bumubuo sa pundasyon ng kanilang tahanan. Kasabay nito ang palakpakan at hiyaw ng mga sumusuporta sa bawat mananayaw—isa sa kanilang inspirasyong umindak hanggang sa makakaya.
Bitbit ng LSDC sa kanilang pagtatanghal ang mahahalagang aral na natutuhan sa paglipas ng panahon. Sa kabila ng mga lilisang mahahalagang kasapi, hindi nito mapapalitan ang masasayang alaala. Titiyakin ng mga natitira at bagong darating ang patuloy na pag-indayog ng iniwang legasiya.