NANGUNA ang Pilipinas sa importasyon ng bigas sa buong mundo, ayon sa proyeksyon ng United States Department of Agriculture (USDA) nitong Enero. Tinatayang mapapanatili ng bansa ang kanilang puwesto sa susunod na taon, batay sa panibagong datos na inulat ng USDA nitong Mayo. Nais paigtingin ng Department of Agriculture (DA) ang importasyon bilang paghahanda sa kakulangan ng suplay ng bigas.
Nilalapit ng karagdagang suplay ang produktong bigas sa mga hapag-kainan ng mga Pilipinong araw-araw itong ihinahain. Subalit, unti-unti naman nitong nilalayo ang bansa sa pagyabong ng sarili nitong industriya upang magkaroon ng sariling kasapatan sa pagsuplay ng mga produkto.
Nalulugmok na makinarya
Sa panayam ng Ang Pahayagang Plaridel (APP) kay Julian*, isang magsasaka mula sa Laguna, binigyang-diin niya ang kakapusan ng gobyerno sa pag-aasikaso sa mga balakid na kinahaharap ng mga magsasaka sa kasalukuyan. Iginiit niyang isang malaking hamon ang kakulangan sa kaalaman ng mga magsasaka ukol sa pangunahing batayan ng pagsasaka, katulad ng soil analysis, kaalaman sa kalidad ng mga binhi, at klima. Hayag niya, “Dapat may basic foundation ang magsasaka. [Kasi] ang pagtatanim ay may science din. . . Alam [ito] ng government, dapat sila ang nagtuturo sa mga magsasaka ng best timing ng pagtatanim.”
Isa ring sanhi ng pagkalumpo ng lokal na industriya ang pagpatas ng taripa sa mga import na bigas. Paglalahad ni Julian, “hindi [sumasapat ang kinikita namin], kasi binabaha ’yung market ng mga import at ‘pag binabaha ng mga import hindi [kami] masyado nakakabenta.” Matatandaang inaprubahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong Disyembre 2023 ang pagpapatuloy ng mababang tariff cut para sa bigas upang maiwasan ang inflation hanggang sa dulo ng 2024. Gayunpaman, ayon sa Department of Agriculture, nagkaroon ng 36% pagtaas sa presyo ng bigas nitong Marso kompara sa nakaraang taon.
Bagaman may naiaabot na tulong ang gobyerno sa mga magsasaka sa anyo ng mga binhi, abono, at mga programa sa pagsasanay, idiin ni Julian na panandalian lamang ang ginhawa nito at kailangan pang palakasin. Aniya, ilan sa mga salik na pumipilay sa industriyang agrikultura ang patuloy na pagpapahintulot ng gobyerno sa import na bigas at hindi pag-suplay ng sapat na makinarya sa lokal na magsasaka.
Bumabagsak na ekonomiya
Pinabulaanan ni PH Agriculture Undersecretary Leocadio Sebastian ang prediksyon ng USDA noong Setyembre 2023 na magiging top rice importer ang Pilipinas at sinabi niyang inaasahan ng kagawaran na mababawasan ang bilang ng pag-angkat sa taong 2024. Gayunpaman, batay sa datos na inilabas ng Bureau of Plant Industry (BPI) nitong Pebrero 2024, umabot na sa halos 570,000 metric tons ang inangkat na bigas ng Pilipinas, 44.28% mas mataas kompara sa nakaraang taon.
Sa panayam ng The Philippine Star kay Rowena Sadicon, founder at lead convenor ng Philippine Rice Industry, iginiit niyang ang Enero at Pebrero ang angkop na buwan para mag-angkat dahil ito ang off-peak season para sa lokal na ani ng bigas.
Dagdag pa rito, ipinaliwanag ni Raul Montemayor, National Manager ng Federation of Free Farmers, na maaaring dulot ng antisipasyon ng traders at importers sa pagtaas ng global rice prices ang patuloy na pagtaas ng rice imports. Aniya, “Pagdating ng July, August, September, lalo na kung walang pumasok na imports dahil mahal, mas matindi pa ‘yung problema natin kaysa last year.”
Inilahad din ni Montemayor sa isang panayam sa ANC na isang epekto ng Rice Tariffication Law (RTL) ang patuloy na pag-angkat ng Pilipinas. Giit niya, bago ang RTL, 10% lamang ng pangangailangan ang inaangkat ng ating bansa. Subalit, dahil sa pagluwag ng restriksyon sa pag-angkat ng bigas dulot ng RTL, umabot na sa 21% ang inaangkat noong 2022.
Para kay Montemayor at sa mga grupo ng mga magsasakang tulad ng Bantay Bigas, isa lamang ang implikasyon nito–hindi matagumpay ang gobyerno sa pagpapalakas ng lokal na produksyon ng bigas. Kinakailangan pang sikapin ng administrasyong lumikha ng mga programa at batas upang mabigyang-solusyon ang lubusang pag-angkat ng bigas ng ating bansa.
Napag-iwanang industriya
Binigyang-linaw ni Rio*, isang mamamayan at masugid na mamimili ng bigas, ang tunay na halaga ng naturang produkto para sa mga Pilipino sa kaniyang panayam sa APP. Inilahad ni Rio na malaking bahagi ng kaniyang pang-araw-araw na buhay ang bigas dahil lagi nila itong hain sa hapag-kainan. Sa katunayan, may itinatabi na siyang badyet kada buwan na nagkakahalagang Php1,300 hanggang Php1,500 para sa pagbili nito.
Bukod sa presyo, isinaalang-alang din ni RIo ang kalidad ng bigas na binibili. Inamin niyang may pagkakaiba na sa kalidad ng nabibiling bigas. Paglalahad niya, “hindi consistent’ yung quality [ng] bigas ‘pag bumibili kami minsan may okay, minsan parang kakaiba ‘yung itsura niya. . . hindi nga namin sure kung gaano kaganda ‘yung quality.”
Maraming kaginhawaang hatid ang importasyon tulad ng pagbaba ng presyo ng bigas at dagdag sa mapagpipiliang produkto, subalit hindi lahat ng Pilipino ang nakikinabang dito. Ayon kay Rio, “Lugi [ang mga magsasaka] kasi mas bibilhin nung tao. . . ‘yung rice import na mas mababa ‘yung presyo kaysa sa ibinibenta nila.” Dagdag hirap din ang price ceiling na itinalaga ng gobyerno sapagkat kaunti lamang ang kikitain ng mga magsasaka mula sa bigas na ibinebenta.
Hindi maiiwasan ang importasyon sa Pilipinas dahil hindi pa nito nakakamit ang sariling kasapatan sa pagsuplay ng produkto. Subalit, kinakailangan ding isaalang-alang na maaaring malugmok ng solusyong ito ang mga lokal na industriya. Mainam na paigtingin ang suporta at kaukulang tulong sa mga magsasaka bilang pangmatagalang hakbang tungo sa sariling kasapatan dahil walang kabuluhan ang solusyong ipantatapal lamang sa kakulangan.
* hindi tunay na pangalan