Bilang pook ng liberalismo, saksi ang Cavite sa pagkabuhay ng kalayaang inaasam ng mga Pilipino. Sa lupang sinilangan ng unang presidenteng si Emilio Aguinaldo itinaas ang kauna-unahang bandera ng Pilipinas—bughaw sa ibabaw, pula sa ilalim. Pinahiwatig ng pagwagayway ang pagdating ng kapayapaan matapos ang pagdanak ng dugo ng mga lumaban para sa soberanya.
Sa kaniyang pagproklama sa simula ng kalayaan, naibalamban ni Aguinaldo at ng kaniyang hukuman ang kataksilan. Isa sa mga biktima si Andres Bonifacio, Ama ng Himagsikan. Saksi ang lalawigan ng Cavite sa magkasalungat nilang kapalaran. Inialay ni Bonifacio ang sarili sa harapan ng linya ng himagsikan; lumaban sa mga dayuhang Espanyol na pilit ginawang kolonya ang bansa. Kapalit ng mga ito, sinaksak siya sa likuran ng inakala niyang mga kasangga. Kinampihan ng mga nakatataas na Pilipinong opisyales ang kalaban at siniil ang tulad niyang nais pang lumaban.
Marka ng pagtatangka
Utak si Bonifacio sa pagpupulong ng mga rebolusyonaryo sa Mandaluyong. Isa siya sa mga lider na waging bumawi sa iba’t ibang lalawigan ng Cavite. Bunsod nito, mababatid sa kasaysayan ang impluwensyang taglay ni Bonifacio at pagkilala ng mga mamamayan ng lalawigan bilang isang “Supremo”.
Subalit, kapalit ng kapangyarihan ang pagdagdag ng kaniyang mga katunggali. Naipit si Bonifacio sa hidwaan ng Magdiwang at Magdalo. Bukod pa rito, hindi siya kinilala ni Aguinaldo at ng kaniyang mga kalihim bilang awtoridad na kaanib sa pamahalaang rebolusyonaryo. Samot-saring paninira sa kaniyang dangal ang kaniyang natanggap hanggang sa hindi na siya ituring na Supremo. Sa huli, si Aguinaldo mismo ang humatol ng kaniyang kamatayan.
Nabulag ng kapangyarihan ang mga dapat na lider ng himagsikan. Patunay ang kinahinatnan ni Bonifacio na nalilinlang ang mata ng hustisya. Naging tanda ang kaniyang kamatayan ng patuloy na paniniil sa mga mamamayang sumasalungat sa katiwalian ng gahaman.
Apoy ng himagsikan
Higit sa pagiging bahay paglilitis, naging simbolo ang Museo De Tolentino Y Fundacion ng pananalaytay ng kawalan ng katarungan sa lipunan. Bagamat walang sapat na ebidensya, nakatagpo si Bonifacio ng hindi makatarungang hatol. Nakapanayam ng Ang Pahayagang Plaridel si Michael Charleston Chua, isang mananalaysay at propesor sa Pamantasang De La Salle, ukol sa naging legasiya ni Bonifacio.
Sa kabila ng mga pinagdaanan ng pinuno ng Katipunan, waring napalilibutan ng halo-halong pananaw ang kaniyang ngalan. “Para sa’kin, bukod sa bayani siya, biktima rin,” pahayag ni Chua. Patunay rito ang hindi pag-abot sa dalawang araw ng pagpapasya ng desisyon sa kaso ni Bonifacio. Masaklap man ang naging katapusan ng nasabing bayani, hindi mauuntol ang kaniyang ideya ng paghihimagsik laban sa sistemang taliwas sa masa.
Sa kabila ng kawalan ng pormal na edukasyon, itinalaga si Bonifacio bilang Supremo ng Katipunan. Hain ng Katipunan sa ilalim ng kaniyang pamamalakad ang iba’t ibang moral tulad ng pagmamahal sa bayan na nagsilbing punla sa pakikibaka laban sa mga dayuhan. Pagpapaliwanag ni Chua, “He is open to learning. . . ‘yung paghihimagksik niya, nagsimula ito dahil sa love niya for history. Pagmamahal sa kasaysayan, pagmamahal sa wika.”
Isang siglo man ang nakalipas mula sa pagpaslang sa kaniya, iniwan niya sa bansa ang legasiya ng Katipunan na hindi kukupas sa kinabukasan. Kaya naman, inaanyayahan ni Chua ang bawat Pilipino na bigyang karangalan ang matingkad na buhay ni Andres Bonifacio.
Bayaning taksil
Hatid ng mapait na katapusan ni Bonifacio ang samot-saring interpretasyon at pananaw ng taong bayan. Para sa iilan, isang taksil si Andres—nakipagsabwatan laban sa pamahalaan at nagsilbing tagapagsimuno sa landas tungong anarkiya. Sa kabilang dako, kinikilala siya bilang isang martir; biktima ng sistemang walang bahid ng katarungan at hustisya. Gayunpaman, pinagsilaw ng sawing-kapalaran ang kagitingan ng bayaning dalisay. Kinutya man ang kaniyang kadakilaan, nangibabaw ang dala niyang pamanang pagsasapuso ng paniniwala.
Marami sa bansa ang hindi nakakamit ng hustisya at legasiya lamang ang maipamamana kagaya ni Supremo. Sa kanilang iisang pakikibaka para sa katuwiran, mas pinasisinag nito ang kahalagahan ng kanilang pakikipaglaban—huwag matakot harapin ang sistemang tiwali at walang kapanatagan. Patunay ang pagkamartir ni Bonifacio na ibinubunyag ng kasaysayan ang lahat ng lihim; walang pinipili, lahat inihahayag.