Kontrol, kayamanan, at kapangyarihan—mga tunay na pakay ng mga Kastila sa Inang Bayan. Tila isang lobong nagpapanggap bilang isang tupa, dumaong lamang sa isla upang ipalaganap ang Kristiyanismo, ngunit unti-unting sinakop ang bansa. Pighati at pagdurusa ang natamo ng ating mga ninuno, pati ng mga insulares at mestizo—mga ipinanganak sa bansa na may dugong Kastila.
Mahigit 300 taong pinamunuan ng mga Espanyol ang bansa. Pilit na pinatahimik ang mga boses na puno ng hinaing at pagtangis, ngunit may mga hindi nagpatinag sa pagpapatikom—tatlong paring naging mitsa ng pagbabago. Binigyang-kulay sa pelikulang GomBurZa ni Pepe Diokno, ang masasalimuot na pangyayaring nagmarka ng bagong panahon ng bansa. Sa pagganap nina Dante Rivero bilang Padre Mariano Gomez, Cedrick Juan bilang Padre Jose Burgos, at Enchong Dee bilang Jacinto Zamora, naipadama sa mga manonood ang masaklap nilang pinagdaanan sa kamay ng mga Kastila.
Pagtanggap sa kapalarang ipinagkaloob
“Alam kong walang dahon sa isang punong makakapagpabago sa nais ng Panginoon, dahil ginusto Niyang mamatay ako para sa kaniya, susundin ko ang Kaniyang nais,” sambit ni Padre Gomez bago ang pagbitay sa kanila. Kalmado at bukas-loob niyang tinanggap ang kaniyang kamatayan sapagkat naniwala siyang may dahilan ang lahat ng pagdurusa. Hindi nagkamali ang padre sapagkat ang kanilang pagpanaw nina Padre Burgos at Padre Zamora ang nagmulat sa musmos na pag-iisip ni Jose Rizal. Nagbunga ito ng mga nobelang nag-udyok sa mga Pilipino na lumaban sa mga kalapastangang ginawa ng mga naghahari-harian sa bansa—Noli Me Tangere at El Filibusterismo.
Maayos ang ibang aspeto ng pelikula, mula sa wika, pananamit, at lugar. Dagdag pa rito, tama ang pagtatagpi ng mga pangyayari. Subalit, marami mang natanggap na papuri, isa sa mga kritisismo ang kakulangan ng makabuluhang eksena ni Padre Zamora. Mahihinuha mang nadamay lamang ang padre sa pag-aalsa sa Cavite, subalit malaki ang kaniyang ginampanan sa pagsesekularisa ng simbahan. Ginamit lamang ang imbitasyon sa sugal ng kaniyang mga kaibigan upang paratangan siyang erehe ng mga Espanyol.
Salamin ng kahapon
Nakawala man tayo sa kamay ng mga banyaga, patuloy pa rin tayong pinanghahawakan ng kanilang iniwang pananampalataya. Bilang isang Katolikong bansa, nakatanim na sa ating kultura ang pagsunod sa tradisyon at relihiyon. Sa kabila ng matibay na pananampalataya ng tatlong martir, ipinakita ng pelikula ang mga tauhang nagsilbing inspirasyon sa kanilang pakikibaka para sa pantay na pagtrato sa kanilang mga kababayan.
Lingid sa kaalaman ng iilan, maraming tao pa ang may mahalagang kontribusyon sa rebolusyon. Isa rito si Padre Pelaez, ginampanan ni Piolo Pascual, isang mestizong pari at tagapayo ni Padre Burgos na tutol sa paglipat ng pamumuno ng simbahan sa mga prayle, mga paring galing Espanya. Naniwala siyang mas may karapatan ang mga paring Pilipino na matagal nang naninirahan rito.
Binigyang-halaga rin ang ginampanang papel ng mga estudyante ni Padre Burgos na pinagbidahan nina Tommy Alejandrino bilang Felipe Buencamino at Elijah Canlas bilang Paciano Rizal. Itinatag ng mga binata ang La Juventud Liberal, isang organisayon ng mga estudyanteng ipinaglalaban ang reporma ng gobyerno. Sa mga huling eksena ng pelikula, makikitang sa pamamagitan ni Paciano Rizal, nag-alab ang nasyonalismo ng kaniyang kapatid na naging pambansang bayani rin kinalaunan.
Paglaya sa pagkagapos
Mahigit apat na siglong sinakop ng mga Espanyol, 48 taon ng mga Amerikano, at tatlong taon ng mga Hapon ang Pilipinas. Ilang rebolusyon ang pinagdaanan bago makamit ang kalayaan, na tila nagkatotoo ang sinabi ni Felipe Buencamino na malas talaga ang Pilipinas.
Isang Pilipino man ang namumuno sa bansa, hindi pa rin tayo tunay na malaya sa diskriminasyon. Nababalot ng korapsyon ang bansa na siyang humihila sa atin pabalik sa hawla at pumipigil sa ating paglipad. Nararapat na itatak sa ating isipan ang nakaraan hindi lamang para sa pagkakakilanlan nating mga Filipino, bagkus para hindi na muling maulit ang mga kamalian. Huwag nating hayaang bumalik tayo sa pagkagapos gamit ang sarili nating mga kamay.