NATAKASAN ng De La Salle University (DLSU) Green Archers ang dagit na hatid ng Colegio de San Juan de Letran Knights, 91-87, sa dikdikang semifinal match ng FilOil EcoOil 17th Preseason Cup sa FilOil EcoOil Centre kagabi, Hunyo 9.
Minanduhan ni Best Player of the Game Jonnel Policarpio ang kampanya ng Green Archers matapos umalagwa ng 19 na puntos, siyam na rebound, limang assist, tatlong steal, at dalawang block. Umagapay rin si big man Henry Agunanne tangan ang 19 na puntos at 12 rebound. Sa kabilang panig, pinangunahan naman nina Jonathan Manalili at Jovel Baliling ang hanay ng Knights matapos makapagtala ng pinagsamang 26 na puntos.
Kaagad na pinatikim ni point forward Kevin Quiambao ang umaalingawngaw na puwersa ng Taft matapos umeksena ng hook shot sa pagsisimula ng sagupaan, 2-0. Nagawa namang pagdikitin ng Intramuros-based squad ang talaan nang tapatan nila ang mga tirada ng Green Archers, 9-all. Gayunpaman, nagpatuloy ang momentum ng Berde at Puting koponan matapos sunggaban ng magkasunod na tres nina EJ Gollena at Lian Ramiro ang Knights, 19-9. Buhat nito, napasakamay ng Green Archers ang kalamangan sa unang kwarter, 33-24.
Nagawang patamlayin ni small forward Jcee Macalalag ang depensa ng Knights matapos iangat ang iskor ng luntiang pangkat pagdako ng ikalawang yugto, 39-30. Nagpatuloy pa ang pananalasa ni Green Archer Quiambao gamit ang second chance points at midrange jumper, 52-40. Tuluyan nang isinilid ni CJ Austria ang bentahe para sa mga taga-Taft matapos mamuhunan ng puntos sa pagtatapos ng first half, 56-43.
Patuloy ang pagpapasawalang-bisa ni DLSU big man Agunanne sa depensa ng Intramuros-based squad sa pagbubukas ng ikatlong kwarter matapos bumulusok sa loob ng paint, 62-47. Muling nagpamalas ng liksi si Quiambao sa bisa ng kaniyang umaatikabong slam mula kay Matthew Rubico, 66-51. Rumatsada rin si power forward Policarpio matapos magtala ng magkakasunod na puntos upang namnamin ang tamis ng kalamangan sa naturang yugto, 74-56.
Nanatiling maalab ang opensa ng Taft mainstays matapos umeksena si Earl Abadam ng layup mula sa pasa ni Vhoris Marasigan, 78-56. Nagpakitang-gilas din si Ethan Alian matapos umarangkada ng reverse layup, 84-69. Gayunpaman, numipis ang kalamangan ng mga nakaberde nang tapyasin ito ng Knights sa bisa ng tres ni Baliling, 90-87. Sinubukan pang makahabol ng mga taga-Intramuros, ngunit tuluyan nang namayani ang puwersa ng Green Archers matapos lumayag si Ramiro ng isang free-throw shot sa nalalabing dalawang segundo ng tapatan, 91-87.
Bunsod ng tagumpay, aabante ang Green Archers sa Finals ng naturang torneo. Susubukang angkinin ng Taft mainstays ang kampeonato kontra defending champions University of the Philippines Fighting Maroons ngayong Miyerkules, Hunyo 12, sa parehong lugar.
Mga Iskor:
DLSU 91 – Policarpio 19, Agunanne 19, Gollena 11, Quiambao 10, Ramiro 8, Dungo 6, Macalalag 4, Austria 4, Abadam 4, Marasigan 2, Buenaventura 2, Alian 2, Rubico 0, Gaspay 0.
CSJL 87 – Manalili 13, Baliling 13, Montecillo 11, Galoy 11, Cuajao 11, Go 8, Nunag 6, Jumao-as 6, Dimaano 6, Pradela 2. Quarter Scores: 33-24, 56-43, 74-56, 91-87.