PINIYAPIS ng De La Salle University (DLSU) Green Archers ang mababangis na San Beda University (SBU) Red Lions, 94-80, sa Quarterfinals ng FilOil EcoOil 17th Preseason Cup sa FilOil EcoOil Centre, Hunyo 8.
Itinanghal bilang Best Player of the Game si DLSU shooting guard Andre Dungo matapos bumuntal ng 12 puntos, dalawang assist, isang rebound, at isang steal. Bumandera rin ng 15 marka si big man Kevin Quiambao kaakibat ng pitong rebound at dalawang assist. Sa kabilang banda, pinasan ni prized recruit Bryan Sajonia ang Red Lions nang magtala ng 15 puntos, tatlong rebound, isang assist, at isang steal.
Nagpasiklab agad sa unang minuto ng laban si Green Archer Dungo matapos pumukol ng tres, 3-2. Kumayod naman ng bentahe ang mga leon sa bisa ng mga tirada nina Yukien Andrada at Joe Celzo, 3-6. Gayunpaman, lumikom ng 7-0 run sina Quiambao at center Raven Cortez upang ibigay muli ang kalamangan sa luntiang koponan, 17-10. Kumamada rin si Quiambao sa labas ng arko na sinundan pa ng offensive rebound at layup, 22-12. Tuluyang nanaig ang Taft-based squad sa pagtatapos ng unang yugto buhat ng mga tirada ni small forward CJ Austria sa free-throw line, 31-25.
Gitgitang sagupaan ang eksena hanggang sa pagdako ng 8:35 marka ng ikalawang yugto nang magpalitan ng mga puntos sina Green Archer Jonnel Policarpio at Red Lion Emmanuel Tagle, 36-30. Tumudla naman ng layup si Dungo mula sa pasa ni small forward Earl Abadam, 45-36. Sa huling 2:33 minuto ng kwarter, dinagundong ng Berde at Puting koponan ang kort nang magpundar ng 9-0 run sa pangunguna ng tres ni Dungo at jump shot ni Abadam, 54-39. Humabol pa ng foul si center Henry Agunanne sa pagpatak ng 0.39 marka upang pumorma sa free-throw line sa pagtatapos ng first half, 56-39.
Pinangunahan ni Abadam ang magandang simula ng mga manunudla sa ikatlong kwarter matapos pumana sa labas ng arko at magpamalas ng jump shot, 63-42. Samantala, nakipagsabayan ang pulang koponan sa liksi ng luntian nang magsagutan ng layup sina Cortez at Sajonia, 69-51. Subalit, nagpatuloy ang pananaig ng Taft mainstays matapos ang magkasunod na tirada ni shooting guard Vhoris Marasigan, 73-51. Pumailanglang din si Green Archer Jcee Macalalag nang bumandera ng tres, 83-57. Buhat ng momentum, napasakamay ng mga taga-Taft ang bentahe sa naturang yugto, 83-59.
Maalab na nagpalitan ng layup si Red Lion JC Bonzalida at Green Archer Austria sa panimula ng huling 10 minuto ng sagupaan, 85-61. Pinilit namang magkumahog ng Mendiola-based squad upang idikit ang talaan kaakibat ng jump shot ni Zane Jalbuena at tres ni Sajonia, 88-73. Pumoste ng apat na marka si Green Archer Marasigan, ngunit agad din siyang sinagot nina SBU point forward Bonzalida at Tagle, 92-78. Ipinukol naman ni DLSU rookie Santi Romero ang kaniyang unang dalawang puntos gamit ang layup, 94-78, bago tuluyang matapos ang pagtutuos buhat ng ball possession sa huling 21 segundo ng laban, 94-80.
Sa bisa ng panalong ito, aabante ang Taft-based squad sa semifinals ng naturang torneo kontra Colegio de San Juan de Letran Knights bukas, Hunyo 9, sa ganap na ika-6 ng gabi sa parehong pook.
Mga Iskor:
DLSU 94 – Quiambao 15, Cortez 12, Dungo 12, Austria 11, Abadam 10, Marasigan 8, Macalalag 6, Agunanne 5, Policarpio 4, Ramiro 4, Buenaventura 3, Romero 2, Rubico 2, Gaspay 0, Zamora 0.
SBU 80 – Sajonia 15, Andrada 10, Payosing 10, Jalbuena 10, Calimag 9, Tagle 9, Bonzalida 8, Gonzales 3, Celzo 2, Estacio 2, Hawkins 2, Calimag 0, Royo 0, Tagala 0, Torres 0.
Quarter Scores: 31-25, 56-39, 83-59, 94-80.