TINABAS ng De La Salle University (DLSU) ang sungay ng Far Eastern University (FEU), 81-76, sa kanilang unang sagupaan sa FilOil EcoOil 17th Preseason Cup sa FilOil EcoOil Centre, Hunyo 3.
Pinangunahan ni Best Player of the Game Raven Cortez ang mga nakaberde matapos umukit ng 13 puntos, siyam na rebound, at dalawang block. Umagapay rin si point forward Kevin Quiambao na nagtala ng 12 puntos, siyam na rebound, siyam na assist, at dalawang steal. Nagsilbing tanglaw naman para sa Tamaraws si Francis Pre nang magtala ng 21 marka, limang rebound, tatlong assist, at isang steal.
Waging napasakamay ni DLSU center Henry Agunanne ang bola sa jump ball na siya namang sinamantala ni Quiambao upang simulan ang unang kwarter sa bisa ng nag-aalab na tres, 3-0. Agad namang nakahanap ng sagot ang mga nakaginto sa bisa ng mga jumpshot nina point guard John Ray Pasaol at Pre, 3-4. Pagpatak ng 3:14 marka, nagpasiklab si DLSU small forward Earl Abadam at Cortez ng magkasunod na layup upang iangat ang bentahe ng Taft mainstays, 15-9. Buhat ng momentum, nagwakas ang unang sampung minuto ng sagupaan sa pabor ng Berde at Puting koponan, 17-13.
Binasag ni DLSU small forward CJ Austria ang katahimikan sa unang 50 segundo ng ikalawang yugto gamit ang nagbabagang jump float, 19-13. Pagdako ng 6:41 marka, umariba si Green Archer Jcee Macalalag matapos dagundungin ang labas ng arko upang palobohin ang kalamangan ng Taft-based squad, 25-15. Gayunpaman, gumuhit ng 7-0 run ang Morayta-based squad upang itabla ang tapatan kaakibat ng layup ni small forward Luke Felipe sa pagtatapos ng first half, 29-all.
Naging dikdikan ang sagutan ng magkabilang koponan sa pagpasok ng ikatlong kwarter buhat ng mga naglalagablab na pukol nina Green Archer Lian Ramiro at Tamaraw Pasaol, 38-37. Nag-init na ng tuluyan si DLSU center Cortez matapos kumamada ng sunod-sunod na puntos para sa DLSU upang paigtingin ang agwat sa talaan, 54-45. Hindi na nagpatinag pa ang Taft-based squad matapos sungkitin ang double-digit na kalamangan sa pangunguna nina point guard Lionel Rubico at Cortez sa pagtatapos ng nasabing yugto, 60-49.
Pagdating ng huling kwarter, maagang nagsumite ng 10-3 run ang koponan ng Tamaraws upang tapyasin ang kalamangan ng luntiang koponan sa apat na marka, 63-59. Naging mabagal pa rin ang takbo ng Taft mainstays sa kalagitnaan ng yugto matapos maidikit ng Morayta-based squad ang talaan mula sa mga tirada ni Pre, 73-71. Gayunpaman, nabuhayang muli ang dugo ng Berde at Puting hanay nang magpakawala ng magkasunod na two-point shot sina Quiambao at Cortez, 77-71. Sa huli, nanaig ang Green Archers nang kanilang selyuhan ang laro buhat ng pinagsamang mga tirada nina Ramiro at Austria, 81-76.
Bunsod ng matagumpay na pag-arangkada, umangat sa 5-1 ang panalo-talo kartada ng Green Archers. Samantala, susubukang igapos ng Taft-based squad ang koponan ng National University Bulldogs ngayong Huwebes, Hunyo 6, sa parehong lugar.
Mga Iskor:
DLSU 81 – Cortez 13, Quiambao 12, Policarpio 9, Agunanne 8, Ramiro 8, Rubico 8, Austria 6, Abadam 5, Macalalag 5, Marasigan 5, Gollena 2, Dungo 0.
FEU 76 – Pre 21, Felipe 15, Bautista 13, Pasaol 9, Konateh 6, Daa 5, Bagunu 4, Alforque 3, Buenaventura 0, Godinez 0.
Quarter scores: 17-13, 29-29, 60-49, 81-76.