KUMPLETONG DOMINASYON ang ipinamalas ng De La Salle University (DLSU) Green Archers kontra Ateneo de Manila University (ADMU) Blue Eagles, 98-61, sa kanilang sagupaan sa FilOil EcoOil 17th Preseason Cup sa FilOil EcoOil Centre, Hunyo 2.
Binansagan si Kevin Quiambao bilang Player of the Game matapos magtala ng 31 puntos, pitong rebound, at apat na assist. Tumulong din sa kaniya si Earl Abadam at Andrei Dungo na pumoste ng pinagsamang 23 puntos. Samantala, nanguna naman para sa Blue Eagles si Josh Lazaro matapos umukit ng 15 marka.
Mainit na sinimulan ng Green Archers ang bakbakan kontra sa kanilang karibal na Blue Eagles matapos maglatag ng 10-0 run. Patuloy ang kanilang pag-arangkada sa mga sumunod na minuto sa bisa ng layup ni CJ Austria, 26-7. Samantala, tinapos ni ADMU point guard Jared Bahay ang unang yugto gamit ang isang three-point shot, 35-15.
Hindi nagpaawat sina Quiambao at Austria sa pagpasok ng ikalawang yugto matapos magpakitang-gilas ng alley-oop, 50-17. Sa kabilang banda, uminit si Lazaro sa kalagitnaan ng laro at nagpamalas ng dalawang magkasunod na layup shot na agad sinundan ng tres ni Bahay upang umukit ng 7-0 run, 57-28. Gayunpaman, hindi nagpatinag ang Green Archers sa pagpapakawala ng mga tirada upang panatilihin ang kanilang bentahe sa pagtatapos ng first half, 65-30.
Bitbit ang komportableng 35 kalamangan, nagbitiw agad si Quiambao ng marka sa labas ng arko sa pagpasok ng ikatlong yugto, 68-30. Sumama rin sa three-point club si Dungo upang paigtingin ang kanilang 48 puntos na abante, 84-36. Sa kabilang dako, kumayod si Mason Amos ng isang reverse layup, 84-38. Winakasan naman ni Kyle Ong ang naturang kwarter sa bisa ng isang layup upang panipisin ang kalamangan ng Green Archers, 85-43.
Sa huling sampung minuto ng sagupaan, hindi nagpatinag si Bahay nang magpakawala ng magkasunod na tres, 85-49. Nagningning din si Kyle Gamber para sa Blue Eagles matapos bumulusok ng magkasunod na layup, 87-53. Gayunpaman, natigil ang pag-arangkada ng Blue Eagles bunsod ng nakagigimbal na tres ni Quiambao, 90-53. Hindi na nakabangon ang Loyola-based squad at tuluyan nang sinelyuhan ni DLSU center Raven Cortez ang laro gamit ang isang layup, 98-61.
Bunsod ng naturang panalo, napasakamay ng Green Archers ang 4-1 panalo-talo kartada sa torneo. Samantala, sunod na makatutunggali ng Taft-based squad ang hanay ng Far Eastern University Tamaraws bukas, Hunyo 3, sa ganap na ika-5 ng hapon sa parehong lugar.
Mga Iskor:
DLSU 98 – Quiambao 31, Abadam 12, Dungo 11, Austria 9, Cortez 9, Policarpio 7, Ramiro 6, Macalalag 5, Agunanne 4, Marasigan 3, Alian 1.
ADMU 61 – Lazaro 15, Bahay 12, Gamber 7, Koon 6, Espinosa 6, Amos 5, Ong 4, Porter 2, Tuano 2, Reyes 2.
Quarter Scores: 35-15, 65-30, 85-43, 98-61.